Paano nahahawa sa coronavirus? Maari bang makuha ito sa pagsu-swimming?
Safe ba ang mag-swimming sa kabila ng kumakalat na coronavirus?
Ramdam na sa ating bansa ang papalapit na summer. Umiinit na ang panahon na kung saan ang pangunahing paraan na ginagawa nating mga Pinoy upang maibsan ito ay ang pagsu-swimming. Ngunit sa kabila ng pagkalat ng sakit ng coronavirus disease o COVID-19, safe ba ang mag-swimming sa ngayon?
Pahayag ng mga eksperto
Ayon kay Dr Leong Hoe Nam, isang infectious disease specialist mula sa Mount Elizabeth Novena Hospital, Singapore. Ligtas ang mag-swimming sa mga swimming pools. Dahil pinapatay ng tubig at ng chlorine ang virus. Ang dapat lang daw ingatan ay ang pakikihalubilo sa taong maaring may dala ng virus.
“It is generally safe to go swimming during this period. Water and the chlorine within swimming pools will help to kill the virus. What you’ll have to be mindful of are the interactions you have with others outside the swimming pool.”
Ito ang pahayag ni Dr. Leong sa isang artikulong nailathala sa website na Healthplus. Siya ay may mga karanasan sa mga sakit tulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS, coronavirus at Influenza A o H1N1 virus.
Sinuportahan naman ito ng pahayag nina Professor Wang Linfa na kabilang sa emergency committee World Health Organization’s o WHO laban sa COVID-19. Ganoon din si Professor Benjamin Neuman, chairperson ng Biological Sciences mula sa Texas A&M University.
“Transmission through the swimming pool is unlikely unless the person is swimming very close to an infected person.” Ito ang pahayag ni Prof. Wang.
“It is unlikely that the coronavirus can be spread through water, especially chlorinated swimming pools.” Ito naman ang pahayag ni Prof. Neuman.
Para naman mas masigurong ligtas ang pagsu-swimming ay ini-encourage ang publiko na isagawa ang mga proper hygiene practices. Tulad ng pagsho-shower bago lumusong o mag-swimming sa pool. Ito ay upang matanggal ang mga dumi sa katawan at hindi ito mailipat sa tubig. Hindi pagdura at pag-ihi sa pool. At ang hindi pag-swiswimming sa pool kung may sakit o masama na ang pakiramdam.
Paano nahahawa sa coronavirus
Ayon parin kay Dr. Leong, may dalawang paraan kung paano nahahawa sa coronavirus. Ito ay sa pamamagitan ng air droplets mula sa ubo at atsing ng taong may taglay nito. At contact sa mga bagay na nahawakan o natalsikan ng droplets ng taong may taglay ng sakit.
Sinuportahan naman ito ng pahayag ni Dr. Adam Lauring, associate professor sa microbiology at immunology sa University of Michigan. Ito umano ang dahilan kung bakit mas mabilis na nahahawa ang magkakapamilya o mga taong nakatira sa loob ng iisang bahay.
“The main mode of transmission is respiratory droplets that can be produced by speaking and coughing. These droplets then can find their way into the mouths, noses of other people nearby.”
Ito ang pahayag ni Dr. Lauring.
Habang ayon naman kay Seema Lakdawala, isang virologist na pinag-aaralan ang flu transmission sa University of Pittsburgh, ang pagkakaroon ng close contact sa taong may sakit at sa bagay na nahawakan nito ay nagpapataas ng tiyansang maihawa ito sa iba.
“You can do it through shaking hands or kissing somebody who is sick, or you can do it through indirect contact transmission, which is through a contaminated surface, something like a doorknob or a handrail or you pick up somebody else’s phone.”
Ito ang pahayag ni Lakdawala.
Kaya naman dahil dito ay patuloy na hinihikayat ng WHO ang mga bansang apektado ng sakit na magsagawa ng social distant measures. Tulad ng hindi muna pagbisita sa mga lugar na may naiulat na kaso ng sakit. Pagsasara ng mga opisina o mga eskwelahan. Pati na ang pagkansela ng mga public transportation.
Paano makakaiwas sa COVID-19
Samantala, ayon kay Lakdawala ay mga simpleng paraan kung paano maiwasan ang pagkalat o pagkahawa ng coronavirus disease. Ito ay ang sumusunod:
- Kung may sakit ay huwag ng ikalat pa ang iyong air droplets. Umubo o umatsing sa panyo o sa iyong braso. O kaya naman ay hatakin paitaas ang collar ng t-shirt o polo mo bilang pangtakip sa iyong ilong at bibig.
- Hayaang mag-circulate ang hangin sa loob ng inyong bahay. Gawin ito sa pamamagitan ng pagbubukas ng bintana at electric fan.
- Gumamit ng humidifier. Ang pagpapanatili ng humidity sa iyong paligid ay pumipigil sa membranes sa iyong ilong na matuyo. Bilang epekto ay mas madali nitong inilalabas ang mga pathogens. Napatunayan ding ang mid-range humidity ay nagpapabilis sa mga virus na mamatay.
- Linisan ang mga surfaces sa loob ng bahay at opisina. Gumamit ng mga disinfectants sa paglilinis tulad ng bleach at alcohol-based cleaners. Ito ay upang mapatay ang mga germs at virus sa mga bagay na laging nahahawakan.
- Huwag makigamit o gumamit ng tasa, baso, at utensils ng iba. Huwag gagamit ng mga bagay na hindi sayo na mailalapit mo sa iyong ilong at bibig.
- Ugaliing mag-hugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. O kaya naman ay gamit ang hand sanitizer na may taglay na 60% alcohol.
Iba pang paraan para makaiwas na mahawaan ng sakit
Dagdag naman ni Dr. Leong, maliban sa mga nabanggit na paraan kung paano maiiwasan ang pagkalat ng virus ay dapat ding gawin ang sumusunod.
- Hangga’t maari iwasang hawakan ang iyong mukha ng hindi pa naghuhugas ng iyong mga kamay.
- Mag-suot ng mask kung masama ang pakiramdam o nagpapakita ng flu symptoms. Siguraduhin ding tama ang pagkakasuot ng iyong mask.
- Agad na mag-punta sa doktor kung makaramdam ng mga sintomas ng sakit. Ang mga ito ay lagnat, ubo at hirap sa paghinga.
- Iwasan munang magpunta sa mga matataong lugar. Dahil rito ay hindi mo alam kung sino ang may dala ng virus na maaring maihawa sayo.
SOURCE: Healthplus, ABS-CBN News, NPR, Channel News Asia
BASAHIN: COVID-19: Paano maiiwasan ang sakit na ito ng iyong pamilya?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!