Bilang mga magulang gusto natin na handa tayo sa at marami tayong kaalaman patungkol sa pag-aalaga ng ating mga newborn na sanggol. Kaya naman mahilig tayong mabasa ng mga tips online o libro man patungkol sa pag-aalaga sa newborn.
Sanhi na rin ng mga bagong danas o nangyayari sa ating mga anak araw-araw mapapatanong tayo na, “Anong nangyari? Bakit ‘yon nangyari? Normal lang ba ito?”.
Ang mga tanong na iyan tungkol sa mga newborn ay normal. Partikular na sa mga bagong magulang!
Samakatuwid, may mga magulang na nagiging over protective at nagsisimulang mag-alala sa mga bagay-bagay sa kalusugan ng kanilang anak. Kaya naman sa artikulong ito tatalakayin natin ang mga bagay patungkol sa pag-aalaga sa ating mga newborn babies.
Talaan ng Nilalaman
Pag-aalaga sa sanggol: 10 bagay patungkol sa mga newborns
Tignan natin ang ilan sa mga bagay patungkol sa kalusugan ng newborn na mukhang nakaka-alarma ngunit kung susumahin ay normal lamang.
Upang hindi masyadong mag-alala sa tuwing nangyayari ang mga bagay na ito sa isang newborn na sanggol at mga tip para sa pag-aalaga sa sanggol
1. Nanunuyo o dry ang balat ni baby
Sa loob ng siyam na buwan, ang baby ay nababalutan ng likido na pumoprotekta at nagreregula sa kanilang temperature nang siya ay nasa sinapupunan pa.
Kaya naman huwag magulat kung makitang ang balat ng mga bagong silang na sanggol ay dry. Sapagkat natural lamang ito sa oras na ma-expose ang kanilang balat sa hangin.
Kung minsan nagbabalat din ang kanilang balat. Ngunit huwag mag-alala at kung gustong maging moist ang balat ni baby ay lagyan lamang ito ng kaunting baby lotion o kaya naman moisturizer na hindi na nakapagpa-allergy.
Maganda rin na humingi ng payo sa inyong pedia kung ano ba ang mga moisturizer o lotion na magandang ipahid sa inyong baby. Para makasiguro na ligtas ito.
Sapagkat ang balat ng bagong panganak na sanggol ay sensitibo, huwag magulat kung may makitang mga rash o maliliit na mukhang tigyawat sa kanila.
2. Dugo na lumalabas sa ari ng babaeng sanggol
Sa panahon na nagbubuntis, ang estrogen hormone ng ina habang siya’y buntis ay maaari ring makaapekto sa uterus ng babaeng fetus na kaniyang dinadala.
Ito ay isang normal na pangyayari at ilan sa mga babaeng sanggol ay lalabasan ng dugo sa unang lingo ng kanilang kapanganakan. Kaya naman huwag kang mabahala kapag nakita ito sa iyong anak na babae.
3. Malambot na ulo ng mga sanggol
Sa pag-aalaga sa sanggol isa sa mga laging sinasabi sa atin ng mga matatanda na maging maingat sa paghawak sa kanilang ulo. Ito’y dahil hindi ba fully developed ang kaniyang skull o bungo.
Kaya naman mapapansing malambot ang parte sa may bandang bungo. Ito ay normal lamang sa lahat ng mga bagong silang. Sapagkat ang malambot na parte ay nakatutulong para sa paglabas nila mula sa birth canal.
Hindi dapat na matakot na hawakan ito, ang malambot na anit ng sanggol ay mararamdamang tumitibok dahil sa mga blood vessel na tumatakip sa utak.
Ang bungo ni baby ay titigas din habang siya ay lumalaki. Kaya naman sa pag-aalaga ng newborn na sanggol dapat din maingat tayo na hawakan ito sapagkat malambot pa ito.
4. Ang maliit na lukab o puwang sa dibdib ng sanggol
Ayon sa mga eksperto, ang sternum ay may tatlong parte o iyong buto sa gitna ng dibdib. Maaaring makita ito bandang ibaba ng dibdib ni baby.
Sa pag-develop ng baby, ang dibdib at abdominal muscles niya’y hihilahin ang buto hanggang sa maging tuwid at mawala ang lukab.
Pero bago mangyari ito, ang fat tissue ni baby ang poprotekta sa bahagi ng katawan ni baby.
5. Malambot na dumi pagkatapos ang pag-breastfeed
Ang mga sanggol na eksklusibong pinapasuso ay madalas na dumudumi. Sapagkat ang gatas na nanggagaling sa kanilang ina ay mabilis natutunaw o nada-digest ng kanilang bituka.
Samantala, mas kaunti naman ang bilang ng pagdumi ng mga sanggol na binibigyan ng formula milk.
Kung ang dumi ng iyong baby ay malapot at malambot, ito ay normal lamang. Dahil ito sa pagkain o pag-inom ng gatas lamang at hindi pa solid food ang kaniyang kinakain.
6. Madalas na paghikbi
Naniniwala ang mga eksperto na madalas humihikbi ang mga sanggol sapagkat hindi maayos ang komunikasyon ng kaniyang utak at diaphragm.
Hindi dapat mag-alala ang mga magulang dahil kahit na mukha itong hindi kumportable, ito ay hindi naman nakakasama. Kaya naman kung sa pag-aalaga sa iyong sanggol huwag kang masyadong mag-aalala kung nangyayari ito sa kaniya.
7. Madalas na pag-iyak
Sa pag-aalaga sa iyong sanggol madalas nagpa-panic tayo kapag siya’y iyak ng iyak. Huwag kang mag-aalala hindi ka nag-iisa. Pero huwag agad mangamba sapagkat ang pag-iyak lamang ang tanging paraan upang makipagkomunikasyon sa ‘yo ang iyong newborn baby.
Maaaring umiiyak si baby dahil naihi siya, gutom, o gustong magpabuhat, iiyak sila makakuha lang ng atensyon.
Gayunpaman, huwag umasa na ngiti ang ibibigay nilang reaksiyon sa oras na mahawakan mo na sila, hindi pa sanay ang mga bagong silang sa tuwing sila’y hinahawakan.
8. Butlig, pantal at baby acne sa mukha
Kung sa pag-aalaga sa iyong bagong silang na sanggol ay mapansin ang mga butlig, pantal at baby acne sa kaniyang mukha, huwag agad mabahala.
Ang ilang hormones na mula sa ina na nasa katawan pa rin ng sanggol ay maaaring dahilan ng pagkakaroon ng rash o acne sa mga sanggol.
Ang ganitong kaganapan ay nangyayari sa mga sanggol na 2 linggo o 2 buwan, ito rin ay hindi naman masakit at delikado. Marapat lamang na linisin ng mga magulang ang mukha ni baby gamit ang malambot na tela.
9. Malaki ang dibdib ng sanggol at tila puno ng tubig
Hormone ang sanhi ng paglabas ng dugo sa mga babaeng sanggol ay maaari ring sanhi para ang kanilang dibdib ay magmukhang malaki. Ang kondisyon na ito ay maaaring mangyari sa lalaki o babae man na sanggol.
Bagama’t nakasusurpresa, ito at temporary lamang at hindi makakaapekto sa anumang paraan sa kalusugan ni baby. Hindi na kinakailangan ng mga magulang na pisilin ang dibdib ng sanggol para lumabas ang likido o mangamba pa.
Iwanan lamang ito at kusang mawawala ang likido kapag na-absorb na ng katawan ni baby.
10. Madalas na pagbahing
Ang mga bagong silang na sanggol ay may maliliit na ilong, kaunting dami lamang ng sipon ay makapagpapa-bahing na sa kanila. Sa paglabas nila sa kanilang uterus ng kanilang ina ay napuna ng likido ang kanilang ilong.
Kaya naman may kaunting pagbara sa kanilang daluyan ng hangin at madalas na pagbahing.
Hindi dapat mangamba ang mga magulang rito liban na lang kung ang pagbahing ay may kasamang malapot at dilaw na sipon.
Ilang tips pa sa pag-aalaga sa iyong bagong silang na sanggol
Normal lang na marami kang tanong sa iyong sa sarili kung tama ba ang pag-aalaga mo sa iyong bagong silang na sanggol. Pero huwag na huwag kang mapanghihinaan ng loob. Dahil marami ring magulang ang nakakaranas nito.
Normal lang minsan na magkamali, lalo na kung ikaw ay first time mom. Makakatulong kung ikaw rin ay hihingi ng payo sa iyong ina o kaya naman mga kaibigan na isa na ring ina.
Makakatulong rin ang pagbabasa ng mga impormatibong artikulo at libro patungkol sa pag-aalaga sa baby. Siyempre huwag na huwag ding mahihiyang magtanong sa pedia ng iyong sanggol. Lalo na kung may mga pagbabago kang nakikita sa kaniya na palagay mo hindi tama.
Tandaan iba pa rin ang instinct ng isang ina at ikaw mismo ang makakaalam kung may iba bang nararamdaman ang iyong anak. Kaya naman huwag ka masyadong mangamba. Nawa’y nakatulong ang aritikulong ito mawala ang ilang pag-aagam-agam mo.
Orihinal na inilathala sa theAsianparent Indonesia at muling inilathla ng theAsianparent Malaysia at isinalin sa wikang Filipino ni Charlen Mae Isip
Karagdagang impormasyon mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.