Ang pag-aalaga sa premature baby ay hindi madali. Pero para sa isang ina walang mahirap at imposible para sa kaniyang anak. Tulad nal ang ng ginawa ng isang ina mula sa Malaysia para maging malusog ang premature baby niya na minsang tinawag na mukhang alien ng mga tao sa paligid nila.
Mababasa sa artikulong ito?
- Paano ang ginawa ng isang ina na pag-aalaga sa premature baby niya?
- Tips kung paano maalagaan ang premature baby para maging malusog at malakas ang katawan nito.
Pag-aalaga sa premature baby
Ayon sa mga pag-aaral at eksperto, ang mga sanggol na ipinanganak na premature ay mataas ang tiyansang makaranas ng mga negative outcomes sa kanilang kalusugan. Kaya nangangailangan sila ng espesyal na pangangalaga upang masigurong malusog at malakas ang pangangatawan nila.
Base sa World Health Organization, ang premature o preterm babies ay ang mga sanggol na ipinanganak bago makumpleto ang 37 weeks ng pagbubuntis. Taon-taon tinatayang nasa 15 milyong sanggol ang isinisilang na premature sa buong mundo.
Dahil sa ang mga preterm babies ay kulang sa buwan, ang itsura nila ay kaiba sa mga sanggol na kumpleto sa term o buwan. Ang mga premature babies ay maliit kumpara sa mga full-term babies.
Sila rin ay mukhang napaka-hina. Ang balat nila’y maaaring maging makintab, translucent o halos walang kulay. Ito rin ay maaaring nanunuyo at nagbabalat. Wala pa rin silang sapat na taba o fat sa balat kaya naman ito ay maaari ring mangulubot.
Ganyan ang itsura ng isang premature baby na ipinanganak sa Malaysia na sinabi umaong mukhang alien ng mga taong nakakakita sa kaniya.
Inang pinursigeng palusugin ang premature baby niya na tinawag na mukhang alien ng mga nakakakita rito
Para magbigay inspirasyon sa ibang mga magulang na may premature na sanggol, ibinahagi ng inang si Syadiyah Sajuddin ang naging journey niya at ng kaniyang premature na anak.
Kuwento ni Sajuddin, ipinanganak ang kaniyang baby girl na may bigat lang ng 1.83kg at kasing laki ng isang Barbie doll. Ang bigat niya ay bumaba pa ng bahagya sa pagdaan ng mga araw at naging 1.7kg na lang.
Pagsasalarawan pa ni Sajuddin, ang katawan nito ay napakaliit. Kulubot ang balat nito at napakaitim. Ayon nga umano sa mga nakakakita sa kaniyang anak, ito umano ay mukhang alien na labis na nakasakit sa damdamin niya bilang isang ina.
Tamang pag-aalaga sa premature baby
Kaya naman para maging malusog ang anak ay ginawa niya ang lahat. Pinasuso niya ito ng pinasuso sa kaniya. Sinisiguro niya rin na nakakatulog ito ng tama at mahaba na kinakailangan niya sa kaniyang paglaki.
Hanggang sa mag-11 na buwan na ang anak ni Sajuddin. Ngayon ay tulad narin ito ng mga batang full term na ipinanganak. Sa katunayan ay napaka-bigat na rin umano nito na hindi niya na kinakayang buhatin ng matagal.
Mula sa karanasan ay may iniwang mensahe si Sajuddin sa ibang mga magulang na mayroong premature baby sa ngayon. Ito ay ang huwag pansinin ang mga negatibong sinasabi ng mga tao sa inyong paligid tungkol sa itsura ng inyong sanggol.
Sa halip, mag-concentrate sa pag-aalaga sa kaniya. Ito ay para masiguro na siya ay magiging malusog at malakas.
BASAHIN:
Premature babies na ipinanganak ng 22 weeks, mas malaki na ang chance na mabuhay
Bilang dagdag na kaalaman sa pag-aalaga ng premature baby ay narito ang ilang tips na makakatulong sayo.
Tips kung paano gawing malusog ang pangangatawan ng mga premature babies
1. Huwag silang masyadong pagurin.
Gawin ito sa pamamagitan ng mga hindi pagsasabay-sabay o pagsusunod-sunod ng mga activity na kasama niya. Tulad ng pagpapalit ng diapers niya na susundan ng pagpapalit niya ng damit at pagpapasuso.
Sapagkat maaaring makapagbigay ng labis na pagkapagod sa kaniya. Masasabing pagod ang isang sanggol kapag siya ay nawawalan ng eye focus. Itinutulak palayo ang kaniyang kamay, naghihikab at nagiging irritable.
2. Panatilihing tahimik ang paligid ng sanggol sa tuwing natutulog.
Para siya ay mabilis na lumaki at magkaroon ng dagdag na timbang, kailangan ng premature na sanggol na matulog ng matulog.
Kaya naman para hindi maistorbo ang kaniyang pagtulog ay siguraduhing tahimik ang paligid niya. Huwag mag-uusap ng malakas sa tabi niya at iwasan ang mga malalakas na pagpapatugtog ng radio o TV.
3. Iposisyon ng tama ang sanggol at padilimin ang ginagamit na ilaw sa kuwarto niya.
Magrolyo ng kumot o blanket na hugis U sa higaan ng iyong sanggol. Ituring ito na kaniyang nest na kung saan magbibigay sa kaniya ng comfort at feeling na siya’y niyayakap. Sapagkat kahugis ito ng sinapupunan ng ina.
Makakatulong din ang paggamit ng dim o hindi masyadong maliwanag na ilaw sa kuwartong tinutulugan ng premature na sanggol. Ito ay para makatulog siya ng maayos na mahalaga sa kaniyang development at paglaki.
4. Kargahin o hawakan ng tama ang sanggol.
Sa pagkarga sa premature na sanggol ay siguraduhing hindi siya magugulat. Kaya naman dapat ito ay dahan-dahan habang sinisiguro na binibigyan suporta ang likod at leeg niya.
5. Mag-perform ng stimulation techniques sa iyong sanggol.
Para mapabilis ang paglaki at development ng premature na sanggol ay magsagawa ng mga stimulation techniques. Tulad ng pagpainit sa kaniyang katawan gamit ang iyong braso o mga kamay.
Ang pakikipag-usap sa kaniya habang siya ay pinapasuso o habang siya ay pinapatulog. Sa pakikipag-usap sa kaniya, dapat ang layo ng iyong mukha sa kaniya ay nasa 20-30 cm lang.
Sa tulong ng mga tips na ito ay magiging mabilis ang development at paglaki ng isang premature na sanggol.
Ang artikulong ito ay orihinal na inilathala sa theAsianparent Malaysia at Stalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.
Source: