Dahil sa bumubuting survival rates, mas marami na ang 22 weeks premature babies na nabubuhay. Ito ay ayon sa inilabas na guideline ng British Association of Perinatal Medicine (BAPM). Hindi man lahat ay naililigtas, malaking pagbabago ito sa dating mga nagagawa.
22 weeks premature babies, mas mataas na ang posibilidad na mabuhay
Dati, ang mga ipanapanganak ng premature sa 23 weeks pataas ng pagbubuntis lamang ang binibigyan ng paggamot. Ngunit, dahil sa mga bagong kasanayan sa larangan ng medisina, nakakaya narin iligtas ang mga 22 weeks premature babies. Ganunpaman, hindi lahat ay nagagawang mabuhay. Tinatayang nasa 1/3 lamang ng mga naipapanganak nang ganito kaaga ang kinakaya na mabuhay at nabibigyan ng tamang pangangalaga.
Kahit pa maganda ang nakikitang progress, mababa parin ang survival rate na ito. Ayon sa datos nuong 2016, nasa 486 ang premature na ipinanganak nang 22 lingo ng pagbubuntis. Ngunit, nasa 300 sa mga ito ay hindi na-survive ang labor. Sa 140 na nalagpasan ang labor, 1/3 lamang ang nabuhay matapos mabigyan ng treatment. Ang intensive treatment ay hindi angkop sa lahat ng 22 weeks premature babies.
Ayon kay Professor Dominic Wilkinson, isang consultant neonatologist na tumulong sa paggawa ng guideline, magandang balita ito. Sa dati kasing guideline ay hindi nabibigyan ng paggamot dahil sa aga ng naging kapanganakan. Ngunit kanya ring idinagdag na hindi ito palaging posible. Ito ay magdedepende sa bawat kaso ng maagang panganganak. Hindi lahat ay tulad ng kambal na sila Ruben at Jenson Powell.
Ruben at Jenson Powell
Sa Britain, ang naitalang pinakamaagang panganganak na nabuhay ay ang kambal na sila Ruben at Jenson Powell. Sila ay maagang naipanganak matapos ang 22 lingo at 6 na araw ng pagbubuntis.
Ang kanilang mga magulang na sila Jennie at Rich ay nasa Cornwall nang mag-labour si Jennie. Kinailangan siyang ilipad papuntang Oxford patungo sa isang ispesyalista. Sa kabutihang palad, ligtas na napanganak ang kambal sa sumunod na araw.
Ang kambal ay dumaan sa 20 blood transfusions, eye injections at laser surgery. Ginawa ang mga ito upang hindi mabulag ang mga bata at maiwasan ang pagkakalason ng dugo at pneumonia. Sa kanyang ika-8 araw, dumaan si Ruben sa isang operasyon nang mag-fail ang kanyang intestines. Si Jenson din ay nakitaan ng pagkahina ng baga. Ganunpaman, ligtas na ngayong nabubuhay ang kambal na naipanganak nuong Agusto taong 2018.
Bago at matapos ang 22 weeks
Sa ngayon ay hindi pa nagagawang maligtas ang mga ipinapanganak bago ang 22 weeks ng pagbubuntis. Ito ay dahil sa hindi pa sapat ang development ng kanilang mga baga bago mag-22 lingo.
Sa mga ipinapanganak naman nang 23 weeks pataas, kalahati ang nakikitang posibleng mabuhay at binibigyan ng intensive treatment. Nuong 2016, nasa 38% ng mga ipinapanganak nang 23 weeks pataas ay nabubuhay. Doble ito sa mga nabubuhay 10 taon na ang nakalipas.
Sa mga 26 weeks premature babies, nasa 82% ang nabubuhay. Ganunpaman, nakikita na karamihan sa mga babies na ito ay may malalang disability.
Ayon kay Professor Andrew Whitelaw, eksperto sa neonatal medicine sa Bristol University, huwag dapat masyadong umasa sa tagal ng pagbubuntis. Ang dapat tutukan ay ang kondisyon ng baby pagkapanganak. Kailangan din tignan ang mga iba’t ibang disability na maaaring makuha ng baby.
Premature births sa Pilipinas
Ayon sa World Health Organization (WHO), masasabing premature ang panganganak kung wala pang 37 lingo ang pagbubuntis. Bawat taon, tinatayang nasa 15 milyon na bata ang naipapanganak nang premature. Mula sa mga ito, 1 milyon ang namamatay dahil sa pagkakaroon ng komplikasyon. Ito ang kinikilalang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga batang wala pang 5 taong gulang sa buong mundo. At patuloy pang tumataas ang bilang ng premature na naipapanganak.
Lagpas 60% ng premature na panganganak ay nangyayari sa Africa at South Asia. Sa mga lower-income na bansa, nakikitang 12% ng mga napapanganak ay wala pang 37 lingo ng pagbubuntis. Ito ay kumpara sa 9% mula sa mga higher-income na bansa.
Sa Pilipinas nuong 2018, nasa 348,900 ang naitalang premature na panganganak.
Basahin din: 11 Natural na paraan upang makaiwas sa premature labor
Sources: BBC, WHO
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!