Ang pag-iwas sa sitwasyon ay isang karaniwang defense mechanism na ginagawa ng karamihan. Ganunpaman, sa isang relasyon, kapag lagi itong ginagawa, maaari itong magdulot ng mga problema. Alamin ang nagagawa ng pag-iwas sa sitwasyon sa mga relasyon.
Image from iStock
Healthy ba ang komprontasyon?
Marahil minsan napapatanong tayo sa ating sarili kung tama ba na kinokompronta natin ang isang bagay na ginawa ng ating kinakasama. Minsan, kapag sila ay nasa ‘defensive mode’ na, nagagawa nilang palabasin na tayo ang may kasalanan.
Kaya naman napapatanong nalang tayo, mali ba talaga ang pag ungkat ng isang problema o nagiging sanhi lang ito ng isang toxic relationship?
Sa kahit anong klase ng relasyon, dapat magkaroon ng pagkakaintindihan ang dalawang parties kung ano ang nararamdaman ng isa’t isa, lalung lalo na pag dating sa relasyon ng mag-asawa. Importanteng maipahayag mo ang iyong saloobin kung mayroon man siyang ginawa na tumatapak sa iyong damdamin.
Subalit, lagi ring tandaan na importanteng marinig mo ang kanyang panig at intindihin ang side nya para magkaroon ng healthy confrontation.
Image from Unsplash
Bakit nga ba siya umiiwas sa komprontasyon?
Karaniwan na defense mechanism sa mga pagkumpronta sa nagawa ang pag-iwas sa sitwasyon.
Pero bakit nga ba nila ginagawa ito? Dahil ba guilty sila sa kanilang ginawa o dahil lang natatakot sila? Ilan sa mga rason kung bakit umiiwas ang mga tao sa komprontasyon ay fear of rejection at hindi kasiguraduhan. Madalas kaysa minsan, nagooverthink ang tao kung ano ang kahihitnatnan ng komprontasyon. Dahil rito, sila ay umiiwas sa usapan.
Sa paraan na ito, inaalis ng kinokumpronta ang spotlight sa kanya. Imbes na aminin ang nagawa, ibinabalik ang sisi sa nagkukumpronta. Dahil dito, ang nagkukumpronta ay napapa-isip at sakanya pa napupunta ang sisi ng hindi pagkakaintindihan.
Sino ang umiiwas: ikaw o ang iyong partner?
Obserbahan ang iyong relasyon, sino ba ang madalas umiwas sa problema ikaw ba o ang iyong partner?
Mahalaga sa mga relasyon ang makita ng isa’t isa ang point-of-view ng bawat isa. Subalit, hindi ito posible kung ang isa sa mga nagsasama ay laging umiiwas sa sitwasyon. Napapalabas nito na siya ang laging hindi naiintindihan.
Halimbawa, sa isang salo-salo, nagbiro si partner A na nakasakit sa damdamin ni partner B. Ngunit, nang makauwi at kinumpronta ito ni partner B, binato ni partner A ang sisi kay partner B. Maaaring sabihin ni partner A na hindi niya ito sinabi kung paano naintindihan ni partner B. Maaari niya ring sabihin na ito ay biro lamang at hindi dapat masamain ni partner B.
Kung magpatuloy ito, magdudulot ito ng pag-iisip kay partner B na ang kanyang point-of-view ay hindi mahalaga. Lagi nitong maiisip na mali ang kanyang pagkaka-intindi sa sitwasyon at sa kanyang partner. Nagdudulot ito ng anxiety at depression sa isang tao.
Image from iStock
Nahihirapan ba ang isa sa inyo na humarap sa komprontasyon?
Hindi maiiwasan na paminsan-minsan, hindi natin nabibigyang halaga ang pinaparating sa atin ng ating partner. Marahil para sa atin ay wala lamang ito ngunit kung papakinggan mong maigi ang sinasabi ng partner mo, baka natatapakan mo na ang feelings niya.
Ngunit paano mo nga ba mapaparating sa partner mo ang importansya ng komunikasyon pagdating sa mga ganitong bagay?
Para matanggal ang dalas ng pag-iwas sa sitwasyon, mahalagang hindi bumigay ang nagkukumpronta sa punto na kanyang pinaparating. Kailangang muling linawin kung ano ang sitwasyon nang hindi siya madala ng pag-iwas at pagbato sa kanya ng sisi. Ito ang makakapagprotekta sa kanyang pag-iisip mula sa pagkawala ng kanyang sense of self.
Mahalaga sa mga relasyon ang pagbibigay ng respeto at pagkilala sa nararamdaman ng isa’t isa. Makakabuti sa mga relasyon ang pagbibgay ng suporta sa nararamdaman ng isa’t isa.
Ang nakakabuting partner ay umiintindi at pinapatibay ang kanilang partner. Subalit, ang mga sadyang hindi iniintindi ang kanilang partner at nagagawa pang baliktarin ang sisi sa kanilang mga partner ay hindi nakakabuti sa kanilang relasyon. Kapag malala na ang pag-iwas sa sitwasyon, maaaring kailanganin ng partner na ito na lumapit sa propesyonal.
Source:
Psychology Today
BASAHIN:
10 paraan para mapabuti ang relasyon sa in-laws
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!