Likas na sa mga magulang ang maging metikuloso at sensitibo kapag anak na nila ang pinag-uusapan. Aminin na natin, dito sa Pilipinas, may iba talaga na may konkretong pagdidisiplina ng magulang sa anak. Kadalasan, ito ay maihahambing sa authoritative parenting. Isang paraan ng pagpapalaki sa kanilang mga anak na mayroong mataas na demand at responsibilidad ang inaasahan sa kanilang anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pagdidisiplina ng magulang sa anak
- Limang bagay na sinasabi ng magulang na nakakaapekto sa mentalidad ng bata
Maling pagdidisiplina ng magulang sa anak: Ano ang epekto?
Kaya naman may iilang bata na nakakaramdam ng matinding pressure o bigat sa kanilang tungkulin bilang anak. Isama pa ang pinaka makapangyarihan sa lahat—ang mga salitang binibitawan sa kanila.
Kahit na ito ay berbal na salita, iba ang epekto nito sa mentalidad ng iyong anak. Ang simpleng pagsigaw ay may libo-libong kahulugan ito para sa lumalaki mong anak.
Kaya naman narito ang limang bagay na kadalasang sinasabi ng magulang na nakakasira ng mental health ng bata.
5 bagay na sinasabi ng magulang na nakakasira ng mental health ng bata
Parents, ang mga salitang ito ay maaaring makaapekto sa mental health ng iyong anak.
BASAHIN:
Authoritative parenting: Ang benepisyo ng pagiging strict sa bata
1. “Kailangan, laging mataas ang grades mo!”
Totoong iba ang kasiyahan na nararamdaman ng magulang kapag nakita nila ang mataas na marka sa report card ng kanilang anak o ang mga nakasabit nitong gintong medalya. Sino ba namang hindi matutuwa kapag alam mong matalino ang iyong anak?
Likas na sa mga magulang ang mag-demand sa kanilang anak na kailangang mag-aral ng mabuti at panatilihin ang magandang performance sa school. Ngunit hindi lagi ganito ang nangyayari. Kailangan nating tandaan na hindi porket nangunguna sa isang larangan ang anak ng kaibigan mo, kailangan ganun din ang anak mo. Malaking pagkakamali ito dahil iba-iba ang mga bata. ‘Wag mag-set ng mataas na expectation sa kanila kung alam mo namang hindi ito ang nais nilang tahakin na daan.
2. “…buti pa ang kapatid mo!”
Kung hilig mong magbigay ng pagkukumpara sa anak mo laban sa ibang tao, itigil mo na ito.
Sa pagkukumpara unang nabubuo ang konsepto ng pagkakaroon ng mababang tiwala sa sarili. Malaki ang epekto nito sa iyong anak lalo na kung paulit-ulit niya itong naririnig mula sa mga taong pinagkakatiwalan niya.
“Buti pa ang kapatid mo, matalino!” “Gayahin mo nga si Marie! Ang hina-hina ng loob mo.”
Ang mga katagang ito ang nagpapababa sa kanilang self esteem at mabubuo sa kanilang isipan na “Hindi pa ba ako sapat?”
3. “Kakausapin ko na lang ang teacher mo na ‘wag ka masyadong bigyan ng assignment.”
Hindi rin nakabubuti ang pagsagip sa iyong anak mula sa kamalian o failure. Ang pagkakamali sa isang bagay ay imporante para maging matagumpay ang iyong anak. Siyempre, sa susunod na pagkakataon, hindi na uulitin ng isang tao ang bagay na ito dahil natuto na siya sa kaniyang pagkakamali.
Kung sakaling bumagsak ang iyong anak sa pagsusulit, ‘wag itong pagalitan ng todo. Ang kailangan mong gawin ay gabayan at ipaliwanag sa kaniya ng maayos ang maaaring mangyari. Saka lamang ipaliwanag ulit kung ano ang dapat niyang gawin para hindi na ito maulit.
Tandaan, natututo tayo sa pagkakamali.
4. “Duwag ka talaga!”
Moms, dads, it’s a big no no! Tandaan, nasa learning process pa ang iyong anak habang siya ay lumalaki. Narito tayo para gabayan at alagaan sila. Hindi nakakabuti ang i-downgrade sila at sabihin ang mga katagang ito.
5. “Hindi ka naman yayaman diyan eh.”
Pagtungtong ng kolehiyo ng iyong anak, isa sa mabigat na desisyon ay ang pagpili ng kurso. Aminin na natin na may mga magulang na sila ang pumipili ng kursong pag-aaralan ng kanilang anak sa loob ng apat na taon. Ang rason? Ito ay dahil “dito ka yayaman”. Ngunit paano kung ayaw ito ng iyong anak? Natanong mo ba siya kung ito ang pangarap niya?
Hindi sapat ang pagiging praktikal sa pagpili ng kurso. Tandaan na ito ay magiging permanenteng kaalaman para sa iyong anak. Sabihin nating nandiyan na ang natupad na ambisyon pero masaya ba ang iyong anak dito?
Source: CNBC