Hindi na bago sa Pilipinas ang pagdaan ng mga bagyo. Sa gusto man natin o hindi ay taon-taon tayo kung subukin ng pananalasa ng iba’t ibang bagyo. May mga panahon na mahina lang, may mga panahon ding ginugulat tayo sa lakas na dala nito.
Mababasa sa artikulong ito:
- 6 na bagay na dapat gawin para maging handa para sa kalamidad
- Paghahanda sa bagyo: Ano ang kailangang dalhin
Sa dami na ng taon na tayo’y paulit ulit na tumatayo mula sa mga bagyong ito, dapat ay maalam na rin tayo sa mga kailangang paghandaan bago, habang, at pagkatapos ng bagyo.
At ngayong papasok na ang ‘Ber’ months, asahan na ang mga posibleng malalakas na bagyo na dumating sa bansa. Lalo pa’t muli nang pumapasok ang mga estudyante at mga manggagawa sa kani-kanilang paaralan at opisina.
Kahit sanay na ang mga Pilipino sa bagyo, importante pa ring paghandaan ito dahil laging may lamang ang may alam at laging handa!
Dito papasok ang iba’t ibang safety tips at paghahanda sa bagyo. Mahalagang masigurado mong ligtas ka at ang iyong pamilya. Kaya ito ang ilang mga mahahalagang bagay na kailangan mong tandaan!
6 na bagay na dapat gawin para maging handa para sa kalamidad
Ang mga boy scout ay mayroong kasabihan na “laging handa”. Isa itong magandang pilosopiya na hindi lamang para sa mga boy scout, ngunit para na rin sa ating lahat.
Ang pagiging laging handa ay isang mabuting paraan upang makaiwas sa sakuna. Para sa mga magulang, mahalagang manguna sa pagiging handa at maalam sa latest weather updates para masigurado ang kaligtasan ng buong pamilya.
-
Subaybayan ang balita tungkol sa bagyo
Ang pagkakaroon ng impormasyon ay isa sa pinakamabisang paraan upang siguraduhing ligtas ang iyong pamilya. Puwede kang makialam sa internet, manood ng TV, o kaya ay makinig sa radyo tungkol sa paparating na bagyo.
Sa pamamagitan nito, ikaw ay makapaghahanda at makakapagplano para sa bagyo.
Mabuti rin na sumunod sa official social media accounts ng bayan, siyudad, o lalawigan kung saan ka kabilang para lagi kang updated sa kasalukuyang sitwasyon sa inyong lugar. Kasama na rito ang nakataas na typhoon signal, saan matatagpuan ang evacuation centers, may mga ayuda bang ipapamigay, ano ang mga numerong maaaring tawagan para humingi ng tulong at iba pa.
Bukod pa diyan, mahalaga rin na sa umaga pa lang ay mag-abang na sa mga balita sa radyo, telebisyon o internet para malaman kung suspendido ba ang pasok ng inyong mga anak sa eskuwelahan. Ngayong nagbabalik na ang face-to-face classes, mahirap na pasuungin sa malakas na ulan ang mga bata.
Maaari ring sundan ang bagyo sa pamamagitan ng updates mula sa PAG-ASA o kaya naman ay sa Windy: Wind and Map Forecast.
-
Huwag nang lumabas kapag hindi kailangan
Kapag kasagsagan ng bagyo, mabuting manatili sa inyong tahanan o sa isang ligtas na lugar. Huwag nang lumakad pa, o kaya ay bumili pa ng kung anu-anong hindi naman kinakailangan. Mas mabuting manatili sa loob at iwasan ang hagupit ng bagyo.
Kaya naman sa lahat ng oras ay dapat talagang laging handa ang buong pamilya. Mag-imbak ng emergency kit at supplies na maaaring gamitin sa panahon ng bagyo, lalo na kung hindi ito inaasahan.
-
Alamin kung saan puwede lumikas
Kung madalas bahain ang inyong lugar, mabuting makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at alamin kung saan kayo puwedeng lumikas.
Siguraduhin din na nakaayos ang gamit sa loob ng bahay, at nakakandado ang mga pinto, gate, bintana, atbp. upang makaiwas sa mga magnanakaw.
Huwag kalimutang sundin ang payo ng lokal na pamahalaan pagdating sa evacuation. Kahit na tingin mo ay hindi pa mataas ang baha sa lugar niyo, mabuting mag-evacuate na agad basta sinabi ng pamahalaan.
Ang mga awtoridad ang mas nakakaalam ng maaaring panganib na dala ng bagyo kaya mas mabuting sundin ang kanilang mga payo at mandato dahil para rin ito sa kaligtasan hindi lamang ng pamilya kundi ng buong sambayanan.
-
Itaas ang mga gamit na maaabot ng tubig
Kung ang bahay niyo ay nasa flood zone o madaling pasukan ng tubig kapag umulan, itaas na agad ang mga importanteng gamit katulad ng appliances. Siguraduhin na hindi ito maaabot ng baha kung sakaling pasukin man kayo ng tubig kapag umulan. Lagyan din ng tali ang mga bagay na maaaring matangay ng umaagos na tubig.
Para naman sa inyong mga motorsiklo o sasakyan, siguruhing naka-park ito sa mataas na lugar na hindi naaabot ng baha. Tingnan ang abiso ng ilang estabilisimyento tulad ng mga mall, na minsan ay nagpapa-park ng libre tuwing may malakas na bagyo.
-
Maging alerto
Sa ganitong sakuna, kinakailangan ng dobleng bilis ng pagkilos. Oras ang kalaban mo at buhay ng pamilya ang nakasaalang-alang. Bukod sa panonood ng telebisyon at pag-aalam sa sitwasyon ng bagyo, talasan din ang pandinig kung sakaling nag anunsiyo na ang barangay na kailangan niyo nang lumikas.
-
Manalangin sa Diyos
Kumpleto man ang paghahanda ng buong pamilya, karadagang proteksyon ang hatid sa atin ng pananalangin sa Diyos na iligtas ang ating mga pamilya at wag tayong hayaang mabaon sa kapahamakan.
Kaya naman, wag kakalimutang magdasal. Maikling panalangin man o ang buong rosaryo, malaking tulong ang kapangyarihan ng pananalig at panalangin.
BASAHIN:
Lindol safety: 10 tips na dapat gawin para sa bawat edad ng bata
Heto ang dahilan kung bakit hindi dapat maglaro sa labas kapag may bagyo
Handa ka na ba?
Bilisan ang kilos at kung inutos na lumikas, sundin ang mga awtoridad para sa kaligtasan ng pamilya. Bago umalis ng bahay, kinakailangang dala-dala mo ang mga ito:
Paghahanda sa bagyo: Ano ang kailangang dalhin
Narito ang ilang mga mahahalagang bagay na kailangan mong isama sa paghahanda sa paparating na bagyo:
-
Tubig 1 gallon (3.78 liters)
Ang gallon na ito ay kada bawat araw; 1 liter pang-inom at 3 liters panghugas. Maaaring gumamit naman ng water purification tablets upang maglinis ng isang litro ng tubig.
Siguraduhing malinis ang lagayan at ang tubig mismo.
-
Pagkain
Importante ang magkaroon ng pagkain sa paghahanda para sa bagyo. Siguraduhin na kasiya ito sa buong pamilya at tatagal ng tatlong araw. Piliin ang mga canned goods, crackers, cereal o ibang pagkain na hindi agad napapanis.
-
Emergency Kit
Mas maganda nang ikaw ay handa sa anumang oras. Narito ang mga dapat mong i-pack at dapat makasama sa emergency kit
-
- Pito
- Flashlight
- Multi-purpose knife
- Posporo
- Lighter
- Kandila
- Transistor radio
- Glow sticks
- Garbage bag
- Heating blankets (siguraduhin na madali itong bitbitin)
- Lubid (iwasan ang nylon)
- Sleeping bag
- Plastic laminated ID para sa bawat miyembro ng pamilya
- Emergency numbers
- Emergency/Disaster guide
- Mapa ng evacuation sites
-
First aid kit
‘Wag na ‘wag kakalimutan ang first aid kit. Importante ito lalo na kung biglang may masugatan o madisgrasiya sa pamilya.
-
- Medicine
- Alcohol
- Adhesive strips
- Hypoallergenic medical tape
- Triangular bandage
- Wound dressing no. 15
- Antiseptic swabs
- Metal tweezers
- Disposable scissors
- Safety pins
- Resealable plastic bags
- Disposable gloves
- First aid reference guide
-
Personal na kagamitan
- Extra na damit para sa buong pamilya
- Sapat na pera
- Mga personal na dokumento
- Impormasiyon tulad sa SSS, TIN, driver’s license
- Bank account, land title at iba pa
- Passport, birth certificate, marriage contract at iba pang valid ID
- Medical records
- Prescription medication
-
Hygiene Kit
Huwag kalimutang dalhin ang mga sumusunod para sa buong pamilya:
-
- Toothbrush, toothpaste
- Suklay
- Towel
- Alcohol
- Sanitary napkins
- Antibacterial soap
Mabuting ilagay ang lahat ng ito sa mga waterproof na lagayan upang maiwasan ang pagkabasa ng mga ito.
Pagkatapos ng bagyo: ano ang dapat gawin
Hindi matitiyak ang susunod na kalagayan ng inyong kabahayan pagkatapos ng bagyo. Ang mahalaga ay mayroong plano ang pamilya sa kung ano ang susunod na gagawin matapos ang pananalasa nito.
- Maghintay ng abiso mula sa mg awtoridad kung ligtas at maaari nang bumalik sa mga tahanan.
- Sa inyong daan pauwi, iwasan ang mga natumbang puno, poste, linya ng kuryente, at mga gusaling nasira ng bagyo.
- Magkaroon ng ibayong pag-iingat habang kinukumpuni ang mga nasirang bahagi ng inyong bahay. Itapon ang mga naipong tubig sa mga lata, gulong, at paso upang hindi pamahayan ng lamok at iba pang insekto.
- Siguraduhing walang nababad na o basing outlet o kagamitan bago ito buksan at gamitin muli.
- Manatili muna sa inyong kabahayan hanggang sa tuluyan ng humupa ang bagyo at mga epekto nito. Ang paglabas labas ay maaari ding makaistorbo sa mga isinasagawang post-typhoon operations ng emergency and medical services sa inyong lugar.
Mga buwan kung kailan nananalasa ang mga bagyo sa Pilipinas
Ang tag-ulan ay karaniwang nagsisimula sa Hunyo, na may posibilidad ng mga bagyo mula Agosto hanggang Oktubre.
Tinatamasa ng Pilipinas ang tropikal na klima na para sa karamihan ay mainit at mahalumigmig sa buong taon, ngunit maaaring halos hatiin sa tagtuyot sa pagitan ng Nobyembre at Mayo, at tag-ulan sa pagitan ng Hunyo at Oktubre.
Mga numerong maaaring tawagan
Moms, dads, narito ang listahan ng emergency hotlines na maaaring tawagan sa oras ng sakuna. Kopyahin at i-save na ito sa inyong mga cellphone.
911- National Emergency Hotline
National Disaster Risk Reduction and Managements Council (NDRRMC)
Trunk lines:
- (02) 8911 5061 to 65 (TRUNK LINE) Local : 100
- Facebook: https://www.facebook.com/NDRRMC/
Operations Center:
- Area Code: (02)
- 8911 1406
- 8912 2665, 5668, 3046
Office of Civil Defense – National Capital Region:
- (02) 8421-1918
Office of Civil Defense – Region I:
- (072) 700 4747
Office of Civil Defense – Region IV-A:
- (049) 531 7266
NDRRMC Region IV-B:
- (043) 7234248
NDRRMC – Cordillera Administrative Region:
- Area Code (074)
- 304-2256
- 619-0986
- 444-5298
- 619-0986
Red Cross
- Hotline: 143
Blood Donation and Requests
- (+63 2) 8790-2382 / (+63 2) 8790-2383
- (+63 2) 8790-2300 loc. 113/116
- nbc@redcross.org.ph
- Trunk line: (02) 8790-2300 local 931/932/935
Welfare
- (+63 2) 8790-2359
- (+63 2) 8790-2300 loc. 916
- sos@redcross.org.ph
Volunteer
- (+63 2) 8790-2373
- (+63 2) 8790-2300 loc. 945
- volunteer@redcross.org.ph
Philippine Coast Guard
Hotlines:
- 527-8482 to 89 / 527-3880 to 85
- Fax:
- 5278482 local 6291
PHIVOLCS
- Trunk line: (02) 8426-1468 to 79
PAGASA
Trunk line: (02) 8284-0800
Weather Division
- 89271541
- 89271335
- 89264258
- Local: 805