Baby Food 101: Mga kailangan mong malaman sa pagpapakain kay baby

Baby Food 101: Mga kailangan mong malaman sa pagpapakain kay baby

Ready na bang kumain si baby? Narito ang lahat ng kailangan mong malaman—mula tips hanggang recipes—tungkol sa pagkain ng baby.

Anim na buwan na si baby, at lahat ng maabot ay dinadakma at isinusubo niya. Ito na ang hudyat na maaaring handa na siyang sumubok ng solid food, at siguradong excited na si Mommy at Daddy na makita siyang kumain sa unang pagkakataon. Ano nga ba ang dapat malaman pagdating sa mga pagkain ng baby?

Napakaraming klase ng baby food products na makikita ngayon sa supermarket, at andami pang impormasyon na makukuha mula sa mga kaibigan at kaanak, bukod pa sa Internet at mga libro.

Upang mabawasan ang pagkalito, narito ang ilang mga bagay na siguradong makatutulong at makakasagot sa mga tanong tungkol sa baby food.

Ang mundo ng solid food para kay baby ay sadyang napaka-exciting para sa buong pamilya!

Kailan magiging handa si baby para sa solids?

Ayon kay Gina Shaw ng WebMD, maraming mga sanggol ang handa na para sa unang tikim ng solids pagdating ng ika-6 na buwang gulang. Ipinaliwanag niya na sa edad na ito, nawawala na ang ‘extrusion reflex’ ng mga babies, na ginagamit nila para sa pag-inom mula sa bote o pagdede kay mommy.

Ilang senyales na handa na si baby sa solids:

  • Nakakaupo nang mag-isa, at kaya nang igalaw at itayo ang ulo niya nang walang suporta.
  • Hindi niya na niluluwa ang pagkaing naisubo sa kanya.
  • Dumoble na ang birth weight niya.
  • Interesado siya sa mga kinakain ng iba.

Paano ako pipili ng pinakamainam na pagkain ng baby?

Sabi ng mga eksperto, pagdating ng 6 na buwang gulang ay handa nang kumain ng solids ang isang sanggol. Sa ganitong edad din nagsisimula ang pagkaubos ng reserba niyang iron sa katawan.

Dahil dito, nirerekumenda ng Health Promotion Board of Singapore (HPB) ang pagpapakain ng iron-fortified cereal kay baby, pati na rin mga pagkaing mayaman sa iron.

Pwede ba akong gumawa na lang ng pagkain ng baby, imbis na bumili?

Bakit hindi? Ang baby food ay napakadaling gawin. Kailangan lang ng prutas o gulay, pakuluan o i-steam, gawing mashed o tadtarin, o ilagay sa blender, at handa na para kay baby! Puwede ring pumili ng grains, lagyan ng gatas o breast milk, tubig at haluin.

Mga prutas tulad ng avocado, saging, at papaya ay pwedeng i-mash. Salain at ihalo sa breast milk, gatas, o tubig.

Ang mansanas at peras ay pwedeng pakuluan para lumambot, hiwa-hiwain, at ihalo din sa breastmilk, gatas, o tubig.

I-steam ang mga gulay at ilagay sa ziplock o air-tight na lalagyan para mapreserba.

Kung papakainin si baby ng cereals, sundin ang instructions sa box o container.

Bigyan ang bata ng whole grains. Maraming uri ng whole grain cereals sa mga tindahan na kayang kaya ng bulsa.

Kung papakainin si baby ng pagkaing kinakain ng buong pamilya, siguraduhing naka-puree ang para sa kaniya at nakahiwalay bago lagyan ng asin o iba pang seasoning.

Paggawa ng homemade na pagkain ng baby

Mainam na gumawa ng mga pagkain ni baby sa bahay para siguradong malinis at hindi processed. Piliin ang mga pagkaing may texture at medyo malabnaw o pureéd para matunaw agad sa tiyan ni baby. Tandaan na unang pagkain niya ito, kaya dapat ay malapit-lapit pa rin consistency at texture ng gatas.

Ayon pa sa HPB, bigyan si baby ng malambot at dinurog o “mashed” na pagkain, at lutong gulay. Mainam din ang mga pagkaing sagana sa protina tulad ng soybean curd, luto at mashed lentils, at fish flakes.

Habang lumalaki din si baby, gumagaling siyang ngumuya at mas bihasa na rin siyang kumagat ng pagkain. Pwede nang magdagdag ng mga tinadtad o giniling na karne at manok sa ulam niya.

May mga prutas at gulay na dapat maging bahagi ng pang araw-araw na pagkain ni baby:

  • Avocado: Siksik ito sa lahat ng kailangang fats at nutrients para sa iyong lumalaking bata, tulad ng vitamins A, C, niacin at folate; at minerals na potassium, phosphorus, iron, at magnesium
  • Pear: May taglay itong vitamins A, C at folate, at minerals tulad ng potassium, phosphorus, magnesium at calcium. Ang peras ay mainam na first food para kay baby.
  • Sweet potato: Ang orange yam na ito ay isang super-food, at puno ng vitamins A, C at folate; at minerals tulad ng potassium, selenium, at magnesium
  • Pumpkin: Isang paboritong pagkain ng babies ang pumpkin, lalo’t puno ito ng vitamin A at beta carotene; at sagana sa potassium, protein at iron.
  • Saging: Isa pang popular na pagkain para kay baby ay ang paborito ng marami—ang saging. Sagana ito sa vitamin A, C at folate, at minerals tulad ng potassium, selenium, magnesium

Para hindi masayang ang pagkain na inihanda, gumawa ng maliliit na portions para ilagay sa freezer, at ilabas lang ang kaya niyang kainin sa bawat mealtime. May mga gumagamit ng ice cube trays para dito.

Tandaan: Huwag ibalik sa freezer ang lumambot na na frozen baby food!

Pagbili ng first food ni baby sa supermarket

Halos lahat ng nakaboteng baby food ay may label ng stage of development ng bata. Kaya’t kung naghahanap ng first food para kay baby sa supermarket, hanapin ang may tatak na Stage 1, na may taglay na pagkaing pureed para sa tamang consistency ni baby.

Ano ang dapat tingnan:

  • Expiry date sa bote o kahon
  • Hindi pa nabubuksan o selyado pang vacuum seal sa takip o lid
  • Ang ingredients — hindi dapat nagtataglay ng asin, asukal, preservatives, modified starch o colouring
  • Ang mga Stage 1 food ay may isang ingredient lang: ang prutas o gulay na sinasabing “flavor” nito
  • Bago pa buksan ang bote o kahon, huwag kalimutang punasan ang lid o balot nito. Kapag mga nakaboteng pagkain, siguraduhing may maririnig na pag-pop sa takip, na ang ibig sabihin ay hindi pa ito nabubuksan.

Nagtatagal ba ang baby food sa nabuksan ng bote?

Kapag may poultry, isda, karne, at itlog ang baby food, hanggang 24 oras lang ang itatagal nito.

Kapag gawa sa purong prutas at gulay, pwedeng tumagal ng 2 oras. Tingnan ang jar label, para sa rekomendasyon kung gaano katagal puwede ang pagkain pag nabuksan na ang bote.

Tumatagal ang baby food ng isa hanggang 2 buwan, at 6 na buwan kung purong prutas at gulay, sa freezer.

Tandaan na nag-eexpand ang liquids kapag nilagay sa freezer. Huwag maglagay ng bote o baby food jar sa freezer.

Siguraduhing hindi pa nakakainan o nagagamitan ng kubyertos na naisubo na ang pagkaing ilalagay sa freezer. May posibilidad na mamuo ang bacteria dito. Parating gumamit ng serving spoon para malinis at hindi ma-contaminate ang pagkain.

Itapon ang anumang pagkaing natira sa bowl na pinagkainan ni baby. Huwag manghinayang, kaysa naman masira ang tiyan o magkasakit ang bata.

Unang pagkain ng baby: Dapat bang organic lang ang ibigay sa kaniya?

Organic lang ba ang dapat ibigay kay baby?

Maraming magulang ang mas pinipiling bigyan ng organic na pagkain o ingredients ang baby nila kahit mas mahal ito. Pero sa Singapore, marami ang nagtitiwala sa food safety standards ng gobyerno, kaya’t wala silang agam-agam na bumili ng commercially produced na prutas at gulay.

Anuman ang piliin, sundin palagi ang budget at paniniwala ng pamilya.

Huwag tipirin si baby. Minsan sa kakapili ng mura, nakakabili tuloy ng mga prutas at gulay na na-expose na sa pesticides.

May tinatawag na ‘dirty dozen’ — o mga pagkain na sinasabing may mataas na lebel ng residue pesticides. Kabilang dito ay ang celery, peaches, strawberries, apples, blueberries, nectarines, bell peppers, spinach, cherries, kale/collard greens, potatoes, at grapes. Ang mga prutas at gulay na ito ay nakaka-absorb diumano ng residue pesticides na hindi natatanggal kahit sa paghugas sa tubig.

Kaya kung nais na pakainin si baby ng mga pagkaing nabanggit, ipinapayo na organic na katumbas ang piliin.

Isang suhestiyon: Kung may lugar sa backyard para sa isang garden, bakit hindi magtanim ng sariling gulay at prutas? Kahit pa sa isang apartment, pwede pa ring magtanim ng mga herbs at kamatis sa paso.

Okay lang bang initin sa microwave ang pagkain ng baby?

Ingatan lang ang pag-iinit ng pagkain ng baby sa microwave. Tandaan na hindi pantay ang init ng pagkain kapag microwave ang gamit. Minsan ay nakapaloob ang init, kaya’t siguraduhing haluin muna ito bago isubo sa bata. Delikado ang mga “hot spots” sa microwaved food.

Mas mainam na initin ang pagkain sa stove-top. Mainam din na ibabad muna ang food jar sa mainit na tubig, lalo na kung hindi ito frozen.

Ilang tips para sa baby food

Ayon sa HPB, kailangang turuang sumubo at lumulon ang bata sa umpisa pa lang. Habang lumalaki siya, pwedeng unti-unting dagdagan ang dami ng kinakain niya.

Tandaan na ayon sa HPB at World Health Organization, dapat na exclusively breastfed ang bata sa unang 6 na buwan.

Ang pinakamainam na oras para pakainin si baby sa unang pagkakataon ay kapag siya at alisto at hindi masyadong gutom, tulad sa kalagitnaan ng umaga.

Habang lumalaki, hayaan siyang kumain ng mag-isa, at bigyan ng mga finger foods para masanay siya.

Siguraduhing malinis at ligtas ang pagkain ng baby, at supervised palagi ang mealtime niya. Iwasan ang mga matitigas at mga pagkaing maaaring dumulas sa bibig at bumara sa lalamunan, tulad ng ubas, o cubed na mansanas.

Magpakilala ng isang uri lamang ng pagkain sa bawat mealtime para makilala ng bata ang lasa nito at makasanayan. Ayon sa HPB, dapat ay ibigay ang parehong pagkain sa loob ng 3 araw, para din makita kung may allergic reaction o kung kakayanin ng tiyan ng bata.

Kung kaya nang kainin ng bata ang pagkain, at kasundo ng tiyan niya ito, idagdag ito sa daily menu niya. Mag-ingat sa pagbibigay ng mga common at known allergens tulad ng mani o nut-based food, aubergine, strawberry, at dairy food.

Magbigay ng inyong sariling tried-and-tested tips tungkol sa pagpapakain kay baby! Iwan ang comments sa ibaba.

 

sources: WebMD, HPB SG, WHO

 

Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR para sa The Asian Parent Philippines

(Republished with permission from: theAsianParent Singapore)

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner