Mahalaga sa mga bata ang pagkain ng prutas. Ito ay dahil punong-puno ang mga prutas ng bitamina at mineral na kailangan ng mga bata sa kanilang paglaki. Pero sino ba ang mag-aakala na ang pagkain ng lychee ay posibleng makasama pa sa mga bata?
Ito ang natagpuan ng mga siyentipiko mula Amerika at India nang pag-aralan nila kung bakit daan-daang bata ang namamatay tao-taon sa isang lugar sa India.
Sobrang pagkain ng lychee, masama sa mga bata!
Sa rehiyon ng Bihar sa India, ay mayroong misteryosong sakit na pumapatay sa mga bata dito. Taon-taon, nasa 100 bata raw ang bigla na lang nagkakasakit at namamatay dahil sa di maipaliwanag na dahilan. Nasa dalawang dekada na raw ito nangyayari, hindi maipaliwanag kung bakit ito nangyayari.
Dahil dito, nagsagawa ng pag-aaral ang isang grupo ng mga siyentipiko mula Amerika at India, upang alamin kung ano ang pumapatay sa mga bata.
Napag-alaman nila na ang prutas na lychee daw ang nasa likod ng mga misteryosong pagkamatay. Pero paano ito nangyari, at bakit nakamamatay ang lychee?
Mas mapanganib daw ang hindi hinog na prutas
Ayon sa mga magulang ng mga bata, madalas daw magpunta sa taniman ang kanilang mga anak tuwing May at June. Dito, kumakain daw sila ng maraming lychee.
Pag-uwi nila sa bahay ay wala nang gana kumain ang mga bata. Pagdating ng gabi o madaling araw, nanginigisay daw ang ibang mga bata, at ang iba naman ay dinadala na sa ospital ng walang malay.
May mga naibalita din daw na ganitong mga sakit sa ibang lugar sa Bangladesh at Vietnam, kung saan marami ring mga lychee ang nakatanim.
Ayon sa mga researcher, nakakamatay daw ang pagkain ng masyadong maraming lychee kapag walang laman ang tiyan. Bukod dito, mas mapanganib daw ang mga hindi pa hinog na prutas.
Matagal nang alam ang panganib ng lychee sa Tsina
Nakakagulat din nang malaman ng mga siyentipiko na matagal nang alam ang panganib na ito sa bansang Tsina, kung saan nagmula ang lychee.
Hindi daw kumalat ang impormasyong ito sa ibang lugar sa Asya, kaya hindi alam ng mga tao ang panganib ng pagkain ng lychee. Inakala ng mga doktor at siyentipiko dati na ito raw ay dahil sa isang virus, o kaya ay sa fruit coloring o heat stroke.
Ang lychee daw ay mayroong isang uri ng amino acid na nakakababa ng blood sugar, lalong-lalo na sa mga bata. At ang sobrang pagkain nito, lalo na kung walang laman ang tiyan, ay mapanganib at nakakamatay.
Ayon sa mga siyentipiko, mahalaga daw na hindi sumobra ang pagkain ng lychee, ata dapat huwag itong kainin kapag nagugutom. Bukod dito, mahalaga daw na umiwas sa mga hindi hinog na prutas.
Safe ang pagkain ng lychee, basta hindi sumobra
Dagda ng mga nagsagawa ng pag-aaral na hindi naman agad-agad nakamamatay ang pagkain ng lychee. Kung tutuusin, maraming vitamins at minerals ang binibigay ng lychee para sa atin.
Marami itong vitamin C, at polyphenols na nakakatulong pagtibayin ang mga blood vessels. Bukod dito, nakakatulong ang lychee sa pagsugpo ng mga virus.
Mayroon ding antioxidants ang lychee, at nakakatulong ito na makapagpababa ng blood sugar.
Source: ABC
Basahin: Babala: squishies na laruan nakakalason, ayon sa isang ulat