Mga magulang, anong opinyon niyo sa paglabas ng bahay ng mga bata ngayong panahon ng Covid-19? Alamin ang sagot ng ibang magulang tungkol dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pinakahuling IATF guidelines tungkol sa paglabas ng bahay ng mga bata ngayong panahon ng Covid-19
- Bakit nakakatulong para sa mga bata na lumabas
- Okay lang ba na ilabas ang mga bata para pumasyal?
Naging napakahirap ng nagdaang taon para sa ating lahat, pero lalo na para sa ating mga anak.
Dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, naantala ang normal na pamumuhay ng mga bata. Hindi sila maaaring makapunta sa kanilang mga paaralan kaya nagkaroon ng online classes.
Hindi sila maaaring makipaglaro sa kanilang mga kaibigan at hindi rin sila maaaring lumabas ng bahay. Inaasahan na manatili lang sila sa loob ng ating mga tahanan para makaiwas sila sa virus.
Kaya naman bilang magulang, humahanap tayo ng mga paraan para mapasaya sila at mabigyan pa rin sila ng normal na childhood sa kabila ng pandemyang ito. Kung anu-anong activities na ang sinubukan nating gawin sa loob ng bahay para aliwin ang ating mga anak.
Subalit paano kung hindi gaanong malaki ang ating lugar para makapaglaro. O kung wala na tayong ibang maisip para malibang ang mga bata? Maaari ba natin silang ilabas ng bahay para makapamasyal?
Kung titingnan mo ang iyong social media, marami na ring pamilya ang pumipili na ilabas at ipasyal ang kanilang mga anak sa mga kalapit-bayan.
Subalit mayroon pa rin namang mga magulang na mas gustong manatili na lang ang mga bata sa loob ng bahay. Kung saan sigurado itong ligtas mula sa banta ng virus.
Ikaw, sang-ayon ka ba sa paglabas ng bahay ng bata para mamasyal ngayong panahon ng COVID-19?
Subalit bago mo sagutin ‘yan, alamin muna natin kung ano talaga ang ipinapatupad sa ngayon.
Larawan mula sa Freepik
Pinakahuling IATF Guidelines
Ayon sa pinakahuling Omnibus Guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force o IATF, ang mga minor de edad o mga taong edad 18 pababa ay hindi pa pinapayagang lumabas ng bahay, maliban na lang kung ito ay para makakuha sila ng mga essential na produkto o serbisyo (gaya ng pagpunta sa ospital) at para sa outdoor, non-contact sports o exercise.
Gayundin, narito naman ang pinakahuling IATF Resolution (as of June 20201) na may kinalaman sa paglabas ng bahay o pagbibiyahe.
- Para sa mga taong nakatira sa lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ. Tulad ng Metro Manila at mga malapit na bayan (NCR Plus), maaari nang magbiyahe sa mga lugar na may Modified General Community Quarantine o MGCQ nang walang age restrictions. Subalit kailangan nilang sumailalim sa RT-PCR test at mga alituntunin ng Department of Tourism (DOT) at mga local government units (LGUs).
- Ang mga restaurant sa mga lugar na nasa GCQ ay maaari nang mag-operate ng 20% capacity sa dine-in at 50% capacity kung sa labas o outdoor ito.
- Ang mga outdoor tourist attractions ay pinapayagan na ring mag-operate ng 30% capacity. Habang ipinapatupad ang striktong minimum public health standards (pagsusuot ng face mask at social distancing).
- Sa mga indoor na tourist attractions ay hindi pa rin pinapayagang mag-operate.
- May mga specialized markets ang DOT tulad ng Staycations na walang age restrictions ang pinapayagan mag-operate. Basta sila ay sumunod sa protocols at restrictions na ipinapatupad ng DOT.
Kung ganoon, maaari na pa lang lumabas ng bahay ang bata para makapamasyal at mag-exercise. Tulad ng pagbibisikleta, walking at jogging, basta’t susundin lang ang mga alituntunin at protocols ng lugar na iyon.
Subalit ligtas na nga ba silang lumabas at mamasyal?
Okay lang ba ang paglabas ng bahay ng bata para mamasyal?
Mahigit isang taon na rin ang nakalipas nang ipatupad ang alituntunin na dapat manatili lang sa loob ng tahanan ang mga bata. Kaya naman nahahati ang opinyon ng mga magulang pagdating sa usapin kung dapat bang palabasin ang bata para makapamasyal.
Para sa ilang magulang, panahon na naman para hayaan silang mag-enjoy at pumasyal habang sumusunod sa mga safety protocols. Subalit para naman sa iba, mas makakabuting manatili na lang muna sila sa loob ng bahay. Para rin makaiwas sila sa sakit.
Bakit kailangan ng batang lumabas ng bahay?
Nagtanong ako sa aking mga kapwa nanay at marami sa kanila ang sumang-ayon na ayos lang lumabas ng bahay ang bata para maipasyal.
“It’s good for their mental health, and para makalabas rin kahit paano,” ani Mommy Gretchen, isang work-from-home mom.
Naisama na niya ang kaniyang anak sa bahay ng isang kaibigan na may malawak na garden. Kumain din sa isang restaurant sa kanilang village kung saan puwede ang mga bata.
Marami ring mommy ang nagsabi na hinahayaan nilang lumabas ang kanilang anak. Basta mayroon malawak na lugar at hindi gaanong matao gaya ng mga parks, farms at zoo.
Popular din ngayon ang road trips kung saan nasa loob lang ng kanilang sariling sasakyan ang mga bata at mag-drive thru ng kanilang paboritong pagkain.
Kuwento naman ni Mommy Glad, isang stay-at-home mom sa tatlo niyang anak,
“Yes, sa mga bundok namin sila dinadala ngayon. Road trip, kapag may nakita maganda na lugar at malawak, pinapababa namin sila. Tapos ang dami ko lang dalang baon sa kotse at kapag gusto nila ng ibang food, drive-thru lang.”
“Kami sa province, yes, we can bring the kids to a park. Basta open spaces mga once in a while lang rin para lang makalabas ang kids.” sabi naman ni Mommy Carla, isang businesswoman.
Paglabas ng bahay sa panahon ng COVID-19. | Larawan mula sa Freepik
BASAHIN:
Gabay para sa mga magulang sa panahon ng COVID-19
Bored na si bagets? Narito ang 4 activities na pwedeng gawin kahit nasa bahay lang
Why you shouldn’t have second thoughts on getting the COVID-19 vaccine
Ayon sa website na Healthy Children.org, ang paglabas ng bahay ay nagbibigay ng masayang break para sa mga bata lalo na ngayong panahon ng COVID-19.
Nakakatulong din ito sa development ng kanilang physical and mental health. Narito pa ang ilang dahilan hayaan ang batang lumabas:
- Mas malayang makagalaw at makapaglaro ang bata sa labas kaysa sa loob ng bahay. Lalo na ngayon na walang physical school, kailangan ng bata ng maraming opportunity para gumalaw. Ang outdoor time ay may kaugnayan rin sa pagganda ng kanilang motor development at pagbaba ng obesity rates.
- Nagiging mas curious at creative ang mga bata kapag nakakalabas sila para mag-explore.
- Ayon din sa mga pag-aaral, ang mga bata na nabibigyan ng oras sa nature ay malimit magalit at maging agresibo. Mahalaga ito lalo na dahil nagbago ang normal na routine ng mga bata.
- Mas mababa rin ang posibilidad ng stress at depression para sa mga taong nakakaranas ng ganda ng kalikasan. Nagiging mas focused ang bata at nababawasan ang sintomas ng Attention Deficit Hyperactivity Disorder.
Bakit dapat manatili lang muna sa bahay ang mga bata?
Subalit mayroon pa rin namang mga nanay ang mas gustong maging maingat at pinipiling manatili lang muna sa bahay ang kanilang mga anak.
“Nakakatakot pa kasing mamasyal, walang peace of mind,” ani Mommy Juneva, isang businesswoman at bagong panganak na mommy.
Hindi naman siya mali sa kaniyang pananaw dahil nga patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 dito sa ating bansa. Lalo na sa mga siyudad, at maaring malagay sa peligro ang buhay ng mga ibang nakatira sa bahay. Lalo na ang mga matatanda at mayroong medikal na kondisyon.
Gayundin, walang sapat na kakayahan ang ibang ospital na tumanggap ng maraming pasyente. Lalo na kapag tumaas pa ang mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar, na nangyari na nang ilang beses sa Metro Manila.
Pagbabahagi naman ni Mommy Milly, isang work-from-home mom,
“We live with two senior citizens, and 2 kids with asthma, kaya ang hirap i-risk. Mayroon na rin kaming mga kaibigan na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa COVID. Kaya mas gusto ko na lang munang maging maingat.”
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, bagama’t mas mababa ang kaso ng mga batang nagkakasakit ng COVID-19 kaysa sa matatanda.
Mayroon pa ring mga nakakakuha ng sakit na ito, at maaari pa rin silang makaranas ng matinding sintomas. Lalo na ang mga batang may underlying medical conditions tulad ng asthma, at may mahihinang immune system, gaya ng mga sanggol.
At kung maging asymptomatic man ang bata, maaari pa rin niyang madala ang virus sa loob ng bahay at mahawa ang ibang miyembro ng pamiya nang hindi niya namamalayan.
Hindi rin naman lahat ng pamilya ay mayroong sariling sasakyan. Kaya magiging delikado para sa kanila na gumamit ng pampublikong transportasyon para lang maipasyal ang kanilang anak.
Para rin sa ilang mommies, mas pipiliin na muna nilang manatili sa bahay ang mga bata sa bahay. Hanggang sa magkaroon na ng bakuna ang mga ito.
Pagbabahagi rin ni Mommy Floremie, isang stay-at-home mom,
“No pa rin muna sa pasyal kasi wala pang Covid-19 vaccine for kids. Hindi pa safe. Mahirap magkasakit ngayon lalo na sa mga bata. Pandemic ngayon, kahit sa probinsya may virus.”
“Nakakaawa man dahil naiinggit sila kasi naririnig nila na maraming bata ang dumadaan sa labas namin. Pero naninigurado lang talaga kami. At saka na ‘yong pasyal kapag lahat na may vaccine,” ani Mommy Lizel, isang call center agent na araw-araw pumapasok sa opisina.
Paglabas ng bahay sa panahon ng COVID-19. | Larawan mula sa Freepik
Kung ikaw ay isang magulang na nag-iisip na ipasyal ang iyong anak, makakabuti kung titimbangin mo muna ang pros at cons sa paglabas ng bahay. Lalo na ngayong panahon ng COVID-19.
Alamin mo ang kaso ng COVID-19 sa inyong lugar at kung sino ang mga taong maaring maapektuhan kung sakaling makukuha niyo ang sakit sa labas ng bahay.
Makakabuti rin kung magre-research ka tungkol sa lugar na nais niyong puntahan at tingnan kung mayroon ba silang mahigpit na safety protocols doon.
Ayon naman kay Mommy Jam, isang businesswoman na may 3 anak,
“Ang take ko dyan, just in any other thing, is that every family should know what the risks are and kung kaya ba ng risk appetite nila ‘yon.”
Para makasigurong malalayo sa banta ng Covid-19, mas mabuting sumunod lagi sa protocols na ipinapatupad ng pamahalaan at panatiliin ang mga bata sa loob ng bahay kung wala namang importanteng gagawin sa labas.
Subalit wala namang magulang na gustong mapahamak ang anak. Bilang ina o ama, ikaw ang nakakaalam kung ano ang makakabuti sa iyong anak kaya nasa sa’yo ang desisyon kung hahayaan mong lumabas at pumasyal ang bata.
Tandaan lang na kung gagawin niyo ito, maging responsable at sumunod sa mga safety protocols na ipinapatupad sa lugar na iyon para masiguro ang kaligtasan ng buong pamilya.
Source:
IATF Secretariat. Official Gazette PH, Healthy Children.org, CDC
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!