Nauubusan ka na ba ng ideya kung paano mo aaliwin ang iyong anak? Subukan itong mga activities ng pwedeng gawin sa bahay ayon kay Mommy Michelle.
Mababasa sa artikulong ito:
- Activities sa bahay na pwede niyong subukan ng iyong anak.
- Mga bagay na gagamitin para sa mga activities na ito
Bilang mga magulang ng maliliit na bata, lagi tayong nag-iisip kung ano ang magandang activity o laro na puwedeng gawin kasama ang ating anak, kahit nasa bahay lang. Upang maturuan sila at madagdagan ang kanilang mga kaalaman sa mga pangkaraniwang bagay.
Dahil dito, nakaisip ako ng mga paraan na puwede kong gawin na makakatulong sa development ng aking toddler. Hayaan niyong ibahagi ko ang aming mga personal na paboritong gawin ng aking 2-taong gulang na anak upang siya ay malibang at may matutunan araw araw.
1. Gumuhit at Magkulay
Isa ito sa pinakamagandang activity na puwedeng ipagawa sa edad na ito. Sapagkat nagiging pamilyar sila sa mga kulay at gumagana rin ang kanilang pagiging creative.
Sa lahat ng activities sa bahay na ginagawa namin, ito rin ang pinakapaborito ng anak ko. Sa pamamagitan nito, naging pamilyar siya sa iba’t ibang shapes at kulay.
Larawan mula sa author
Paano gagawin ito?
Bigyan ng pangkulay na malalaki ang bata upang madali nilang mahawakan ito at dahil ito ay mas safe na gamitin ng bata. Puwede rin naman kahit anong pangkulay na mayroon kayo sa bahay. Ngunit kailangan silang bantayan mabuti upang hindi sila matusok ng kanilang ginagamit na pang kulay.
Bigyan din sila ng kahit anong papel na malaki upang malawak ang kanilang puwedeng pagguhitan. Puwede ring gumamit ng malaking kahon at ilagay sila sa loob nang nakabukas. Upang makapagkulay at makaguhit sila sa palibot ng kahon.
Ang ginagamit naming madalas ng anak ko ay manila paper. Maaari mo silang turuan sa pamamagitan ng pagguhit mo rin kasabay nila at pagpagpapaliwanag ng mga pangalan ng kulay, bagay, letra, o shapes.
2. Bola sa Kahon
Nakita ko na mahilig ang aking anak na maglusot ng kanyang mga laruan. Lalo na ang kanyang mga laruang bola, sa mga butas na nakikita niya. Kaya naisip ko na gawan siya ng ganito gamit ang kahon na meron kami sa bahay.
Naisipan ko ring dagdagan ito ng kulay upang maging mas nakakalibang para sa kaniya. Maganda itong laro dahil matututunan nila ang pagkakaiba ng mga kulay at ang kanilang kontrol sa kamay sa pamamagitan ng paglusot ng bola sa butas ng kahon.
BASAHIN:
Zoom games for kids: A new way to help your child’s social development
6 play-based learning activities to try
STUDY: Paglalaro ng bata, nakakatulong sa development ng kanilang emosyon
Larawan mula sa author
Paano gagawin ito?
Kumuha ng kahit anong malinis na kahon at butasan ito ng dalawa o mahigit. Siguruhing kakasya ang bola niyo. Kulayan ng iba’t iba ang palibot ng mga butas kapareho ng mga kulay ng bola. Kumuha ng mga bola na makukulay.
Maaari mong simulan sa pamamagitan ng pagpapakita at pagpapaliwanag sa bata kung ano ang kulay ng bola at kung saan ito ilulusot na kaparehong kulay. Ulitin ng ilang beses at hayaan din siyang gawin ito. Hindi man nila ito makuha sa umpisa, maging mapagpasensya dahil siguradong sila ay malilibang sa paglalaro nito.
3. “Gardening” o Paghahalaman
Sa panahon ngayon, maraming nawiwili sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga halaman. Kung ikaw ay isa sa mga “plantita” kung tawagin tulad namin, puwedeng pwede mo rin isama ang anak mo sa pagtatanim. Pati na sa pagdidilig ng iyong mga alagang halaman.
Hindi lumilipas ang araw na hindi namin natitingnan ng aking asawa ang aming mga alagang halaman. Kaya naman dahil rito, naisasama at napapakita rin namin sa anak namin ang mga paraan kung paano maaalagaan ang mga halaman. Maganda rin ito dahil nagkakaroon rin siya ng kaalaman sa iba’t ibang textures na matutuklasan mula sa lupa at tubig.
Larawan mula sa author
Paano gagawin ito?
Bigyan sila ng maliit na shovel o kutsara na puwede nilang gamitin sa pag scoop ng lupa at paglipat sa paso. Turuan kung paano niya malilipat ang lupa sa sa paso at paglagay ng halaman rito.
Bigyan din ng maliit na baso at alalayan kung paano diligan ang mga halaman. Kasabay nito, maaari mo ring ipaliwanag sa kanila ang na ang dahilan kung bakit kailangan diligan ang mga halaman. Para sila ay mabuhay tulad natin na kailangan kumain at uminom ng tubig parati upang maging malusog.
Maganda na sila ay kausapin mo palagi na parang naiintindihan ka nila. Lalawak ang kaniyang pag unawa sa papamagitan nito.
4. “Stacking Objects” o pag-salansan ng mga bagay
Larawan mula sa author
Kung anu-anong bagay ang gusto ipagpagtong patong ng aking anak. Kaya binibigyan ko siya ng mga laruan o kahit anong bagay na puwede niyang gamitin para rito tulad ng mga plastik na baso o kahon.
Talaga namang libang na libang ang anak ko na pagpatung-patungin ang mga ito. Maganda ito dahil nasasanay ang kaniyang kakayahan sa pagbalanse sa mga bagay. Natututo rin siya magkaroon ng mahabang pasensya kapag paulit-ulit itong bumabagsak.
Paano gagawin ito?
Bigyan lamang sila ng tatlong piraso pataas na laruan o gamit sa bahay na maaaring pagpatung-patungin. Kung bago ito para sa kanila, maaaring ipaliwanag at ipakita kung ano ang kanilang puwedeng gawin sa mga bagay na ito.
Madali lang, diba? Subukan niyo na ang mga activites na ito habang nasa bahay at siguradong malilibang at makakapag-bonding pa kayo ng iyong anak.
TUNGKOL SA AUTHOR
Si Michelle Kyle Reyes ay isang stay-at-home mom na gustong magbahagi ng kaniyang mga kaalaman tungkol sa pag-aalaga ng anak. Tulad ng ibang VIP moms, gusto niya ring ma-inspire ang ibang mga mommies para magtiwala lang sa kanilang mga sariling instincts pagdating sa pagiging isang magulang.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!