Ang pagmamaltrato sa mga bata ay hinding-hindi dapat hinahayaang mangyari. Kaya’t nang kumalat ang isang viral video ng isang batang kapansanan na sinasaktan ng kaniyang tagapag-alaga, mabilis itong nagviral sa social media.
Ngunit, ano nga ba ang kuwento sa likod ng kalunos-lunos na pangyayaring ito? Ating alamin.
Pagmamaltrato sa mga bata na may kapansanan, kuha sa camera!
Ang insidente ay nangyari sa isang nursery sa South Africa kung saan mayroong 3 batang may kapansanan na inaalagaan ang mga caretaker.
Kita sa cellphone video kung paano pinalo ng caregiver ang ulo ng bata gamit ang isang malaking bag. Matapos nito, sinipa pa niya ang ulo ng bata.
Nagawa daw ito ng caregiver, ito raw ay dahil raw dumumi ang bata sa kaniyang diaper. Dagdag pa niya, nagkukunwari lang daw na hindi makaintindi ang bata kaya hindi siya sinusunod nito. Ngunit kita naman sa video na may kapansanan ang bata, at hindi naiintindihan ang nangyayari.
Mabilis na nagviral ang video, at umani ng batikos mula sa mga netizens sa buong mundo.
Sinibak na sa puwesto ang caregiver, at kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari. Bukod dito, bibigyan daw ng suporta ang pamilya ng bata kung sakaling gusto nilang magsampa ng kaso sa caregiver.
Panoorin dito ang video:
Hindi kailanman dapat saktan ang mga bata
Walang sapat na dahilan upang saktan ang isang bata, lalong-lalo na kung ito ay isang batang may kapansanan. Marami namang paraan upang turuan ng disiplina ang mga bata na hindi kailangan ng pananakit o pang-aabuso.
Ang kailangan ng mga bata ay pag-unawa, malasakit, at pasensya dahil hindi naman nila madalas alam kung ano ang tamang pag-uugali. Responsibilidad ng mga magulang na turuan ng tama ang kanilang mga anak at palakihin sila ng maayos.
Heto ang ilang paraan upang turuan ng disiplina ang mga bata nang hindi sila sinasaktan:
Pag-usapan ang nangyari
Mahalaga ang komunikasyon sa pagitan ng mga anak at kanilang mga magulang. Kapag may ginawang mali ang isang bata, kailangan ipaliwanag ng magulang kung bakit mali ang kanilang ginawa, hindi lang basta paluin ang bata.
Ito ay para mas maintindihan ng bata ang epekto ng ginawa niya, at upang hindi na niya ito ulitin sa sunod.
Pagbawalan sila
Sa halip na paluin sila kapag nagkamali, puwedeng ibawal mo sa kanila ang paglalaro, o kaya ang panonood ng paborito nilang palabas sa TV.
Magsisilbi itong tanda na kapag may ginawa silang mali, mayroon itong kapalit na masamang kinahinatnan. Mas matututo sila sa ganitong paraan dahil mas madali sa kanila ang intindihin ang kanilang pagkakamali.
Bigyan ng time-out ang iyong anak
Minsan, nakakatulong sa iyong anak ang pagkakaroon ng oras upang pag-isipan ang kaniyang ginawang kasalanan. Ang pagbibigay ng time-out ay isang mainam na paraan upang magkaroon sila ng oras para sa sarili at maintindihan at pagsisihan ang kanilang pagkakamali.
Dito, matututo rin ang iyong anak na intindihin kung bakit niya ginawa ang kasalanan, at kung paano niya ito maiiwasang uliting muli.
Mahalagang tandaan ng mga magulang ang magiging epekto ng kanilang pagdidisiplina sa anak. Hindi lang sapat ang panandaliang pagpaparusa gamit ng pagpalo o pananakit ng bata. Mahalaga na turuan nila ang kanilang anak kung ano ang mabuting ugali, at ang tamang paraan ng pagdidisiplina.
Source: The Sun
Basahin: Paano mo malalaman kung may mental disorder ang iyong anak?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!