Pagpapakita ng pagmamahal sa anak hindi kailangan ng mamahaling o mga nabibiling bagay. Ayon sa isang psychologist, bilang magulang ay may pitong paraan kang maaring gawin para maiparamdam sayong anak ang iyong pag-aalaga at pagmamahal. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Pagpapakita ng pagmamahal sa anak
-
Pakikinig sa kaniya.
Image by Lifestylememory on Freepik
Ang mga bata natural ‘yan na maraming tanong. Dahil sa araw-araw may mga bagong kaalaman o bagay silang nakikita. Kaya naman parte ng kanilang curiosity ay hihingin nila ang opinion mo o kaalaman sa isang bagay.
Sa busy nating schedule, lalo na kung tayo ay nagtratrabaho minsan ay nakakaligtaan nating sumagot o tumalima sa mga tanong ng ating anak. Pero hindi dapat dahil ang pangunahing paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa anak ay ang pakikinig sa kaniya.
Ito man ay sa paraan ng pagsagot ng tanong niya o kaya naman ay sa pagkukuwento sa kung anong naging experience niya sa eskuwelahan.
Sa ganitong paraan ay naipaparamdam mo sa iyong anak na pinahahalagahan mo ang kaniyang mga sinasabi. At nagbibigay ka ng oras para malaman ang kaniyang nararamdaman o anumang tumatakbo sa kaniyang isipan.
-
Maging magandang modelo o ehemplo para sa kaniya.
Tayong mga magulang nais nating lumaking disiplinado ang ating anak. Kaya naman may ilan sa atin na sinasabing ang pamamalo ay paraan ng pagpapakita ng pagmamahal.
Pero para sa psychologist na si Jeffrey Bernstein, kung nais mong lumaking disiplinado ang iyong anak ay dapat una mong disiplinahin ang sarili mo.
Dapat ay maging magandang ehemplo o halimbawa ka sa kaniya sa lahat ng oras. Dahil ang bawat galaw niya ay nakokopya niya sa mga taong nasa paligid niya. At bilang magulang ikaw ang kaniyang sinusunod at tinitingala.
-
Gumamit ng humor para maka-connect sa iyong anak.
Hindi mo kailangang maging nakakatakot na magulang para mapasunod ang iyong anak. Para gumaan at maging mas palagay ang loob niya sayo ay gumamit ng humor o pagbibiro sa pakikipag-usap o interaksyon sa kaniya.
Pero isaisip din na may mga biro na maaaring nakakatuwa sa ‘yo pero sa iba ay hindi. Kaya dapat pa ring maging sensitive sa maaari niyang maramdaman sa oras na gamitin mo ang iyong sense of humor sa iyong anak.
-
I-express ang iyong pasasalamat at appreciation sa iyong anak.
Image by our-team on Freepik
Hindi ito kailangang gawin gamit ang material na bagay. Turuan ang iyong anak na ma-appreciate ang maliliit na bagay sa pamamagitan ng paraang ito.
Maging thankful sa kaniya sa pagtulong sayo na i-abot ang remote sa TV o ang pag-appreciate sa ginawa niyang pagbabantay sa nakakabata niyang kapatid.
Sa ganitong paraan ay naipaparamdam mo sa kaniya na pinapahalagahan mo ang presensya niya. Isa ito sa mahusay na paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa anak mo.
-
Ipakita sa kaniya ang iyong pagmamahal gamit ang physical connection.
Maliban sa salita dapat ay maiparamdam rin sa iyong anak ang iyong pagmamahal sa pamamagitan ng physical connection. Maaaring ito ay sa pagyakap sa kaniya, paghalik o pagtabi sa kaniya sa kama sa gabi kapag matutulog na.
Maliban sa mas napapatatag nito ang parent and child relationship ninyo, may iba pa itong benefits. Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkakaroon ng physical connection sa iyong anak ay nakakatulong para maibsan ang depression o anxiety na kaniyang nararanasan. Dahil sa tulong ng iyong magic touch ay mas nagiging secured siya at mas nararamdaman niya ang iyong pagmamahal.
-
Gumawa ng mga activities na pareho ninyong nai-enjoy.
Maniwala ka sa hindi, ikaw ang paboritong playmate ng iyong anak. Lalo na kung ang gagawin ninyong activity o game ay pareho ninyong gusto. Kung hindi mo man alam o gusto, walang masama kung subukan mong pag-aralan para sa anak mo. Dahil hindi lang nito mas pinatatatag pa ang bonding ninyo.
Mas naipaparamdam mo sa iyong anak na masaya kang nakakasama siya. Siya ay mas nagiging thankful sa oras na inilalaan mo. Paraan din ito para makapag-spend kayo ng quality time sa isa’t isa. Higit sa lahat ay gumagawa kayo ng memories na magiging pundasyon ng kaniyang kinabukasan at kung anong klaseng tao siya pagdating ng araw.
-
Makipag-usap sa iyong anak at maging open sa nararamdaman mo.
Larawan mula sa Pexels
Para sa iba ay mahirap at challenging ito. Pero ito ay dapat gawin nating mga magulang sa ating anak. Dahil sa pamamagitan nito ay natuturuan natin sila sa mura nilang edad na i-express ang kanilang sarili at nararamdaman.
Sa ganitong paraan ay hinahasa mo rin ang understanding ng iyong anak. Naipaparamdam mo rin sa kaniya na ikaw ay isang kaibigan at ganoon ka rin sa kaniya.
Ang pagiging open rin sa isang tao ay pagpapakita ng pagtitiwala. Dito mas lumalim ang pagmamahal at mas magiging close kayo sa isa’t-isa.