Ang pagpapalaglag ay hindi maitatangging sikreto na nangyayari sa ilang mag-asawa at sa ating lipunan. Ang mga mommy na ayaw nang magkaroon ng pangalawa, pangatlo, o pang-apat na anak ay may mga ganitong tanong sa sarili: “Kailangan ko ba itong ituloy o hindi?”, “Kailangan ko bang ipaalam kay Mister, o huwag na lang kaya?”
Sa panahon ngayon ng milenyo ay hindi pa rin nawawala ang panghuhusga ng mga tao sa mahahalagang issue ng lipunan gaya ng aborsyon. Gayunman, tungkulin natin na tulungan ang mga nanay na may mahirap na suliranin na kinakaharap—ang labag sa kalooban na pagdadalang-tao.
Marahil ang ilan sa inyo ay palaisipan pa rin hanggang ngayon kung tama ba o mali ang pag-unawa sa usapin ng pagpapalaglag.
Narito ang ilan sa mga tunay na pangyayari sa buhay na ibinahagi sa atin ng ilang mommy na nagpalaglag ng baby at itinago ito sa kanilang mga asawa. Inilahad din nila ang dahilan kung bakit nila napagpasyahang gawin nang mag-isa ang pagpapalaglag.
“Sinabi ko sa asawa ko na nakunan ako.” – *Ella
Ilang taon na ang nakalilipas mula noong ako ay kinumbinsi ng aking mister na huwag nang gumamit ng birth control pills dahil sa tingin niya ay hindi na ito kinakailangan. Alam ko sa sarili ko na gusto niya lang ako ulit mabuntis at gusto niyang magkaroon kami ng isa pang anak. Ilang beses din kaming nagsiping na walang ginagamit na proteksyon.
Pinagsisisihan kong nakinig ako sa kanya dahil nangyari ang aking kinatatakutang mangyari—nabuntis ako sa ikalawang pagkakaton sa edad na 22. Maaga akong nag-asawa kaya hindi ko nagawang maglibot sa mundo at marami akong isinakripisyo sa aking career sa una kong pagbubuntis. Hindi ko ito kayang gawin muli sa ikalawang pagkakataon. Isa pa, nagmamahal na rin ang mga bilihin ngayon.
Sa huli ay sinabi ko rin sa kanya na buntis ako, sa pag-asang mauunawaan niya ang tunay kong nararamdaman tungkol sa muling pagbubuntis sa edad na 22. Siyempre, hindi ito nangyari. Tuwang-tuwa siya nang malaman ito kaya agad niyang ipinamalita sa buong angkan namin, maging sa kaniyang mga malalayong pinsan. Hindi niya pinansin ang aking pagsisikap na magpaliwanag.
Naramdaman kong hindi tama para sa akin ang muling magbuntis ng mga oras na iyon. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng pagpipilian, na para bang ako ay nasilo at may ibang tao na kumokontrol sa buhay ko.
Akala ko ay makakatulong ang pagsasabi ko ng totoo sa aking asawa. Nagpakatotoo ako sa kanya nang sabihin kong ayokong magbuntis muli at kung bakit dapat muna namin itong pag-isipang mabuti bago ipamalita sa buong pamilya. Ngunit hindi niya ako pinansin at ginawa ang gusto niya. Lalo tuloy akong nagipit nang malaman ng lahat na buntis ako.
Pagkatapos ng isang linggo, pumunta ako sa isang pambabaeng klinika at doon ko isinagawa ang pagpapalaglag. Wala akong pinagsabihan nito. Nagsinungaling ako sa aking asawa at sinabi kong nakunan ako. Pakiramdam ko ay ginawa ko ang tama. Gusto kong gawin ito para sa sarili ko. Maniwala ka, nandoon pa rin ang guilt ko sa aking nagawa ngunit wala akong pinagsisisihan.
“Sa wakas, nagbalik na ang aking dating sarili. Ayoko na muling balikan ang nakaraan.” – *Sarah
Una akong nagkaanak sampung taon na ang nakalilipas. Malaki na siya ngayon at sobrang mahal na mahal ko siya simula noong siya ay nasa sinapupunan ko pa.
Sa loob ng 10 taon, marami akong nagawa para sa sarili ko na higit pa sa pinangarap ko. Obese ako noong nanganak ako at naibalik ko ang dating hubog ng aking katawan. Muli kong nakuha ang aking kalayaan nang lumaki na ang aking anak at naging independent. Nakabalik ako sa trabaho at nagagawa kong lumabas muli kasama ang mga kaibigan ko nang walang inaalala.
Hanggang sa ako ay nagbuntis ulit. Ayoko nang balikan ang dati kong obese na katawan noong una akong nagbuntis. Naibalik ko na ang dati kong sarili. Kaya nagpasya akong pumunta sa doktor ng mag-isa at isinagawa ang pagpapalaglag nang hindi sinasabi sa mister ko.
“Pagod na ako…” – *Brenda
Ako ay 48 taong gulang na nang magbuntis muli sa pangatlong pagkakataon. Mayroon na akong 13 taong gulang at 2 taong gulang na mga anak na tumatakbo-takbo sa loob ng bahay at pagod na ako sa pagkakaroon ng mga anak.
Pagod na pagod na ako at sobrang nai-stress. Kung tutuusin, hindi naman masama ang magkaroon ng dalawang anak kung ikukumpara sa ibang mga ina ngunit hindi ko na kaya pa ang dagdag na gastusin at stress.
Hindi na rin maayos ang relasyon ko sa aking asawa ng mga oras na iyon at alam kong ang pagkakaroon ng pangatlong anak sa edad na 50 ang sisira sa mga ulo namin. Napagpasyahan ko ang pagpapalaglag at hindi ko man lang kinonsulta o hiningi ang pahintulot ng aking asawa. Para sa akin, ito ang isang desisyon na ako lamang ang makakagawa sa buhay ko at hindi ko kailangan ng pahintulot ng ibang tao. Napagod lang talaga ako.
Mga dahilan kung bakit naiisip ng mga kababaihan ang pagpapalaglag bilang isang option
Image source: Shutterstock
- Kabiguan ng birth control. Kalahati sa bilang ng mga kababaihan na nagpalaglag ay gumamit ng contraceptive method sa panahon na sila ay nabuntis.
- Kawalan ng kakayanan na suportahan o alagaan ang anak.
- Para wakasan ang pagbubuntis na labag sa kalooban.
- Upang mapigilan ang pagkapanganak ng mga sanggol na may depekto o may malalang medikal na kondisyon. Ang mga depekto ay kadalasang natutuklasan lamang sa mga isinasagawang test sa ikalawang trimester ng pagbubuntis.
- Pagbubuntis bunga ng panggagahasa o incest.
- Pisikal o mental na kondisyon na magsasapanganib sa kalusugan ng ina kung ipagpapatuloy ang pagbubuntis.
Sa mga inang nagpasyang isagawa ang pagpapalaglag, siguradong magpasa-hanggang ngayon ay naiisip niyo pa rin ang nangyari. Malamang ay nasiraan kayo ng loob at nanlumo dahil sa inyong nagawa at paglilihim. Isipin mo ito: Napagpasyahan mo itong gawin, at ang lahat ng mga sumunod na nangyari ay bunga lamang ng iyong nagawa. Isa itong desisyon na dala-dala mo na panghabangbuhay.
*Binago ang mga pangalan upang maitago ang pagkakakilanlan
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
BASAHIN: Early signs ng pagkalaglag na dapat malaman ng mga kababaihan
Republished with permission from: theAsianParent Malaysia
Be sure to check out theAsianparent Community for more insightful stories, questions, and answers from parents and experts alike. If you have any insights, questions or comments regarding the topic, please share them in our Comment box below. Like us on Facebook to stay up-to-date on the latest from theAsianparent.com Philippines!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!