Palabas na pambata sa TV noon, sana muling maibalik ngayon.
Bilang isang ina at bilang batang 90’s ay pumukaw sa aking atensyon ang panawagan ng isang netizen tungkol sa mga palabas na pambata sa TV. Sa post ni Facebook user Reylie Lopez ay iminumungkahi niya sa mga TV networks na tigilan na ang mga usaping kabit, barilan, at kalandian bilang topic ng mga TV programs. Sa halip ay ibalik ang mga family oriented shows noon na may malaking ambag sa masayang kabataan ng marami sa ating mga magulang na ngayon.
Bago ko pa man mabasa ang viral post na ito ni Lopez ay paulit-ulit ko ng hiniling na sana ay hindi lang ang mga family oriented shows ang ibalik muli sa TV. Kung hindi pati na ang mga palabas na pambata na namayagpag at kinahiligan ng marami sa ating tinatawag na Batang 90’s ngayon. Tulad ng Sineskwela, Math Tinik, Hiraya Manawari, Bayani, Wansapanataym at marami pang iba.
Ang mga palabas na ito ay ang mga kinaaliwan kong palabas noon na nagbigay sa akin ng dagdag karunungan at nagturo sa akin ng mga kagandahang asal na humubog sa kung sino ako ngayon. At bilang magulang gusto ko sanang matutunan rin ito ng aking mga anak. Lalo pa’t sa oras na busy at may ginagawa ako ay ang TV ang nagiging aliwan o entertainment nila. Kaya napalaking tulong kung ang mga mapapanood nila ay mga palabas na pambata na mayroon silang matututunan. At higit sa lahat ay may mapupulot silang aral at kagandahang asal.
Palabas na pambata sa TV
Wansapanataym
Isa sa pinaka-paborito ko noon ay ang programang “Wansapanataym” na ipinapalabas tuwing Linggo ng gabi. Maliban sa nakakatuwa nitong special effects ay may iniiwan din itong aral na makaka-relate ang bawat bata na nanonood nito.
Hiraya Manawari
Hindi rin ito nalalayo sa “Hiraya Manawari” na ipinapalabas naman tuwing Sabado. Ang palabas na ito ay nagtuturo rin ng mga aral at mabuting asal sa tulong ng mga iba’t-ibang kwentong Pilipino.
Bayani
Kahit hindi ako noon palabasa ng libro ay kilala ko at alam ko ang kwento ng mga bayaning Pilipino. Dahil ito sa programang “Bayani” na nagturo at nag-kwento ng pinagdaanan at paano ipinaglaban ng ating mga bayani ang ating bansa noon.
Pahina
Pagdating sa literatura ay hindi rin ako noon papahuli dahil sa programang “Pahina” na nagkwekwento ng buhay ng mga Pilipinong manunulat at makata.
Sineskwela
Malamang tulad ko ay paulit-ulit ninyo ring kinanta ang linyang ito mula sa official theme song ng isang programa. “Tayo na sa Sineskwela, tuklasin natin ang siyensa!” Hindi ba’t nakakaaliw matutunan ang tungkol sa siyensa sa hindi nakakaboring na paraan?
Batibot
Hindi nakakatamad mag-aral noon lalo pa’t paggising sa umaga araw-araw ay bubungad na sayo ang napakasiglang kanta ng “Batibot”. Dagdag pa ang nakakatuwang mga puppets nito na nagtuturo tungkol sa mga titik, numero at marami pang iba.
Math Tinik
Ang pag-aaral ng Math ay hindi nakakaputok ng utak noon. Dahil sa tulong ng Math Tinik na ginagawa itong simple ngunit napaka-interesante.
Epol Apple
Kung usaping Ingles naman ay may panlabas na pambata rin na ito ang itinuturo. Ito ay sa pamamagitan ng programang Epol Apple na pinangungunahan ni Kuya Luis (Bodjie Pascua) at ng kaniyang bird puppet na si Porfirio.
Awit, Titik, Bilang na Pambata o Atbp
Tulad ng Batibot ay nakahiligan ko rin ang programang Atbp. Ito ay nagtuturo hindi lamang ng mga letra at numero kung hindi pati na ang tamang pagbasa, pagbibilang at pagsabay sa mga kantang pambata.
5 and Up
May palabas din noon sa TV na para sa mga nagbibinata at nagdadalaga tulad ng 5 and Up. Binigyang kulay nito ang mundo ng mga batang 90’s noon sa tulong ng mga documentaries at reports ng mga junior reporter ng programa na sikat na personalities narin ngayon tulad nila Atom Araullo at Maxene Magalona.
Ilan lamang ito sa mga palabas na pambata noon na paulit-ulit kong hinihiling na sana ay muling ibalik sa telebisyon. Para naman mas maging kapaki-pakinabang ang bawat oras na inilalaan ngayon ng mga bata sa panonood. At para ma-encourage din silang mag-aral sa tulong ng masaya at nakakatuwang paraan.
Dahil bilang magulang, lalo na sa tulad kong working mom ay napakahalaga na ang bawat programang napapanood ng mga anak ko sa telebisyon ay kapupulutan nila ng aral at karunungan. At hindi magtuturo sa kanila ng karahasan na malaki ang magiging epekto sa paghubog ng kanilang buong pagkatao kinalaunan.
Basahin: Mga benepisyo ng pagbabasa sa mga bata ayon sa mga pag-aaral
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!