Narito ang listahan ng mga palabas na pambata na nakakatalino at nagtuturo ng mabuting asal!
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano malalaman kung akma sa anak ko ang palabas?
- Mga palabas na pambata na nagpapataas ng kanilang IQ at EQ
Gusto man natin o hindi, talagang bahagi na ng buhay ng ating mga anak ang screen time at ang panonood ng mga palabas. Lalo na ngayong nasa loob lang sila ng bahay, nadadagdagan ang oras na ginugugol nila sa telebisyon o kanilang mga gadgets.
May nakukuha rin silang mga impormasyon sa mga pinapanood nilang mga videos o programa sa telebisyon. Kaya naman napakaimportante na may mga aral na napupulogt.
O ‘di kaya’y may mga paksa na natatalakay na tutulungan silang matuto sa mga palabas na pambata na sinusubaybayan nila. Hindi lang dapat entertaining kundi educational na rin.
Paano mo ba malalaman kung angkop sa iyong anak ang kaniyang pinapanood?
Hindi mo talaga tuluyang malalaman kung nakakabuti ba sa iyong anak ang palabas na kaniyang pinapanood hanggang panoorin mo ito kasama siya. Tandaan, hindi porket maganda ang accent ng bida sa palabas ay nakakabuti na ito.
Isang paraan na nalaman namin ay pumunta sa website na Common Sense Media. Layon ng grupong ito na suriin ang mga palabas sa telebisyon, pelikula at maging mga libro para malaman kung angkop ba ito sa bata at sa buong pamilya.
Kung ise-search mo ang palabas sa kanilang website, makikita mo kung pang-ilang taon puwede ang palabas at kung ito ba ay educational at naglalaman ba ito ng positibong mensahe sa mga bata
Mga palabas na pambata na nakakatulong sa kanilang IQ at EQ
Kinalap namin ang magagandang palabas na pambata na maaaring makatulong sa kanilang IQ (intelligence quotient) at EQ (emotional quotient) kapag nasa 5 hanggang 7 taong gulang na sila—o sa madaling sabi, kapag nag-aaral na ang mga chikiting.
Sa ganitong edad, inaaral na ng mga bata ang math, reading, at writing skills. Ginagamit nila ang mga skills na ito para sa problem solving.
Narito ang aming listahan ng 15 na educational na palabas na pambata:
1. Sesame Street
Sino ba naman ang hindi nakakakilala kay Big Bird, Bert, Ernie, at Elmo? Ilang henerasyon na ng mga kabataan ang kumakanta ng, “Sunny day, sweeping the clouds away!” Karamihan dito ay mga magulang na rin ngayon.
Bukod sa hindi malilimutang mga karakter at kanta, ito ang isa sa mga pinaka-educational na palabas sa history ng telebisyon. Hindi ba’t na-memorize mo rin ang pagbilang dahil sa, “1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12!”
Sa isang pag-aaral, napag-alaman na ang mga batang nanonood ng palabas na nasa edad na tatlo hanggang limang taong gulang ay naging mas matatas magsalita pagtanda nila. Naging mas matataas din ang mga grado ng mga ito sa science, mas naging palabasa, at mas naging creative.
2. Tayo: the Little Bus
Hindi lamang Koreanovelas ang sikat dito sa atin ngayon, pati na rin ang cartoon na ito. Hindi naman kataka-taka dahil tinuturuan ng show na ito ang mga bata ng mabubuting asal katulad ng pagiging mabait at pagiging mabuting kaibigan.
Tinuturuan din ang mga bata ng mga aral na puwedeng gawin sa tunay na buhay tulad ng pagsunod sa batas trapiko at pagpapahalaga sa seguridad.
“While it focuses more on life skills and less on 123 and ABC basics, my two-year-old boy and I both like it. My son fell in love with the wheels on the bus song and of course loved Tayo,” pahayag ng isang ina at guro sa isang review of Tayo sa Common Sense media.
3. Mister Roger’s Neighborhood
Matagal nang wala ang palabas na ito sa telebisyon pero hindi pa rin ito nakakalimutan ng mga batang kinalakihan ito. Sa programang ito, tinuturuan ang mga mata na gamitin ang kanilang imahinasyon.
Mayroon ding mga paksa na nagtatalakay sa iba’t ibang mga emosyon na pinagdaraanan ng mga bata katulad ng pagharap sa kinakatakutan, pagkawala ng minamahal, at paghihiwalay ng mga magulang.
Matutunghayan din ang mga aral tungkol sa pagbibigay halaga sa pagkakaibigan at pagsasabi ng totoo.
Mapapanood pa rin ito sa iba’t ibang Youtube channels.
4. Daniel Tiger’s Neighborhood
Ang mga karakter ng palabas na ito ay base sa palabas na Mister Roger’s Neighborhood. Katulad ng naunang show ni Mister Rogers, tinuturuan ang mga bata ng mga solusyon sa mga pang araw-araw nilang problema katulad ng pagkabagot dahil naghihintay sa pila o di kaya’y pagsisintas ng sapatos.
Ang layunin ng programa ay maging mas maalam ang mga bata kung paano i-handle ang mga emosyon nila base sa edad nila.
5. Word Girl
Ang layunin naman ng palabas na ito ay palawakin ang bokabularyo ng mga bata. Ang bida ng show ay isang bibong babae na nilalabanan ang mga villains gamit ang kaniyang talino.
Bukod sa pagtuturo ng mga bagong salita, tinuturuan din ni Word Girl ang mga manonood na chikiting na i-pronounce ang mahihirap na mga salita.
Babala: may mga scenes na nagpapakita ng cartoon violence bilang hero nga ang bida at nilalabanan ang mga villains kaya may mga ibang magulang na hindi sang-ayon na ipapanood ito sa mga anak nila.
Ngunit marami pa rin itong good reviews dahil sa pagtulong nito sa pagpapalawak ng bokabularyo at pagsasaayos ng pananalita.
6. Sid the Science Kid
Bagamat nirerekomenda na pang apat na taong gulang ang palabas na ito, madali pa rin itong magustuhan ng mas matatandang bata dahil ine-encourage silang maging excited sa pagdiskubre ng mga bagay sa mundong ginagalawan nila.
Gamit ang musika at komedya, hinihikayat ng palabas na pambata na ito na maging interesado ang mga chikiting sa science sa murang edad.
7. Nutri Ventures
Unique ang palabas na ito dahil tinuturuan ang mga manonood tungkol sa nutrisyon at tamang pagkain. Hinihikayat din ng programa na maging mas conscious ang mga bata sa kalusugan nila. Mapili ba ang anak mo pagdating sa mga ulam? Subukan na papanoorin siya nito.
8. Arthur
Kagaya ng mga ibang palabas na nabanggit sa itaas, matagal na rin itong palabas na ito at marahil naabutan mo rin, mommy, noong bata ka pa.
Para sa mga batang 5-taon pataas, ang programang ito ay tumatalakay sa iba’t ibang sitwasyon at relasyon ng mga bata katulad ng pakikipag-away sa mga kapatid at pakikipagkaibigan.
BASAHIN:
Make the most out of screen time: 12 best shows for toddlers on Netflix
STUDY: Mas mataas ang grades ng mga bata na mayroong physical activity
9. Elena of Avalor
Isa ito sa mga bagong palabas ng Disney Channel na pinagbibidahan ng isang Latina princess na si Elena. Tinuturuan nito ang mga bata ng pagpapahalaga sa pagkakaibigan, mabuting asal, honesty, at pagiging mabait.
Maaari ring matuto ang bata ng konsepto ng ibang kultura dahil gumagamit ito ng Spanish songs, dances, at lenguahe.
10. Dora and Friends: Into the City
Maniwala ka man o hindi, lumaki na si Dora! Kung dati-rati’y mga misteryo lamang ang sino-solve ni Dora the Explorer, ngayong lumaki na siya, iba-ibang problema na ngayon ang kinakaharap niya.
Kasama ng kaniyang mga kaibigan, pinapakita nila kung paano maging mabait, matulungin, at masipag—lahat ng katangian na kailangan upang matulungan nila ang komunidad nila.
11. Cyber Chase
Ang palabas na ito ay para sa mga batang 5-taong gulang pataas. Layunin ng programa na turuan ang mga manonood ng math skills at problem solving. Pinapakita rin nito na kapag nagtulong-tulong at kapag ginamit ang mga nalalaman, maaaring masolusyunan ang mga problema.
12. Super Why
Samahan si Super Why at ang kaniyang mga kaibigan na pumasok sa mundo ng mga kilala nating nursery rhymes at lutasin ang mga pagsubok sa tulong ng paghahanap ng mga tamang letra o salita.
Sa pamamagitan ng palabas na ito, natututunan ng mga bata ang konsepto ng phonics. Bukod dito, naghahandog rin ito ng mga mabubuting mensahe tulad ng teamwork at pagtulong sa mga kaibigan.
13. Numberblocks
Hindi ka ba magaling sa Math? Makakatulong ang palabas na ito para mapaintindi sa iyong anak ang mga mathematical concepts gamit ang mga nakakaaliw na blocks. Maiiksi lang ang bawat episode (5 minuto lang) kaya naman nagiging madali para sa mga bata na maintindihan ang mga tinuturo.
Maging ang maliliit na bata ay matututo sa palabas na ito. Totoo talaga ang kanilang slogan na, “You can count on us, we’re the Numberblocks!”
Mapapanood ang palabas na ito sa Netflix.
14. Ask the Storybots
Perfect para sa mga batang nagho-homeschool o kaya naman online classes ang palabas na ito. Kung educational show ang hanap niyo, pasok na pasok ang palabas na ito na base mula sa sikat na educational website sa US na Storybots.
Sa bawat episode, sinasagot ng mga robots ang katanungan ng mga bata tulad ng “How do people catch a cold?” o “Why do I have to brush my teeth?”
Mapapanood ang palabas na ito sa Netflix.
15. T.O.T.S.
Isa ito sa mga pinakabagong palabas ng Disney Junior. Ang ibig-sabihin ng acronym na T.O.T.S. ay Tiny Ones Transport Service. Tungkol ito sa dalawang hayop na nagdedeliver ng mga baby animals sa kanilang mga pamilya.
Bagama’t parang masyadong pambata ang kwento, nagtuturo ito ng mga positibong pag-uugali sa mga bata tulad ng pagiging inclusive at teamwork. Nakakatuwa ang kanilang mensahe na “Family comes in all shapes and sizes,” at “All you need to have a family is love.”
Sources:
Common Sense Media, Scientific American, Scholastic, PBS Kids
Republished with permission from: theAsianParent Singapore
May mga palabas na pambata ka ba na gusto para sa iyong anak? Ibahagi sa ibang TAP mommies at daddies sa comments section sa ibaba!