11 na maling paniniwala sa pag-aalaga kay baby na hindi dapat sundin, ayon sa doktor

Maraming pamahiin sa pag-aaalaga sa baby ang pinaniniwalaan ng mga magulang hanggang ngayon. Ngunit ayon sa mga doktor, kailangan na itong tigilan. | Lead image from Unsplash

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mga magulang, narito ang ilang pamahiin sa bagong panganak na sanggol na hindi dapat gawin o paniwalaan, ayon sa mga eksperto.

Likas na sa ating mga Pilipino ang maging maingat lalo na pagdating sa mga pamahiin. Naging bahagi na kasi ito ng ating kultura. Kaya nga mayroon tayong mga pamahiin sa bagong panganak na sanggol na hindi maiwasang sundin na lang.

“Wala namang masama kung susundin mo,” sabi ng matatanda. Subalit lingid sa kanilang kaalaman, mayroong mga paniniwala at pamahiin tungkol sa pag-aalaga ng baby ang napatunayan ng science at mga doktor na maaring makasama sa iyong anak.

Mga pamahiin sa bagong panganak na sanggol dapat nang tigilan

Kapag buntis ang babae, marami ang ibinibigay sa kaniyang paalala at payo habang siya’y nagbubuntis. Nariyan ang, “Kapag kumain ka ng kambal na saging, magiging kambal din ang anak mo.” O kaya bawal kumain ng talong dahil magkukulay-talong daw si baby kapag umiiyak.

Malamang ay mayroon ding mga paniniwala o pamahiin sa mga bagong panganak na sanggol. Sensitibo ang Pinay moms dito at halos lahat sinusunod nila dahil bukod sa sulsol ng nakatatanda, natatakot din sila sa maaaring maging consequence kapag sinuway nila ang mga paniniwalang ito.

Subalit ayon sa mga eksperto pagdating sa kalusugan ng mga bata, may mga paniniwalang maaring makasama sa iyong anak kaya dapat ay hindi na ginagawa ito.

 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Pamahiin sa bagong panganak na sanggol | Image from Unsplash

Narito ang mga pamahiin sa bagong panganak na sanggol at kung ano ang sabi ng mga eksperto ukol dito:

1. May nararamdamang kakaiba si baby kapag ito ay sobra-sobrang umiyak

Maraming pinaniniwalaan ang matatanda tulad ng mga duwende, nuno at iba pang mga masamang espirito. Minsan, kapag matindi ang pag-iyak ng sanggol, iniisip nilang may nakikitang kakaiba ang bata, o kaya “nabati” ito. Kaya naman sinusuotan nila ng mga pulseras o kung anu-anong “pangontra.”

Subalit ayon kay Dr. Blair Hammond, isang pediatrician mula sa Mt. Sinai Hospital, isang malaking ospital sa New York, normal sa isang sanggol ang maging maselan sa una nitong mga araw. Kapag ang iyong anak ay umiyak, sila ay maaaring gutom, nais dumumi, may sakit o umihi.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kapag umaabot ng mahigit tatlong oras na umiiyak ang iyong anak na walang tigil, posible rin na mayroon siyang kabag o colic. Kung siya ay hindi mapatahan ng nanay o tagapag-alaga, tumawag na agad sa iyong pediatrician kung alam mong may kakaiba na.

2. Pamahiin sa bagong panganak na sanggol: Makakatulong ang walker sa paglalakad

Hindi nirerekomenda ng mga doktor ang paggamit ng walker sa mga bata bilang training ng paglalakad. Marami ang naitalang pag-aaral na ang mga batang gumagamit ng walker ay matagal makapaglakad kumpara sa mga ibang hindi gumagamit.

Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center. Aniya, sa halip na makatulong ang walker sa paglalakad ng sanggol, lalo lang itong nakakasama dahil nagiging dependent ang bata rito.

“Ang ayaw ko lang sa walker, the earlier you put a baby in the walker, let’s say 6 months’ mas nagiging dependent sa walker. At the same time hindi mo ma-eexercise ang kanilang muscles saka iyong kanilang coordination with the walker. Mayroon tayong stages, sakin ang importante hindi ang paglalakad e kung hindi iyong crawling kasi it’s the most important part of motor development.” aniya.

Maaari rin itong maging banta sa kaligtasan ng iyong anak. Kapag gumagamit ng walker ang isang bata, maaaring ito’y mahulog sa hagdan o gawing patungan para maabot ang isang delikadong bagay katulad ng kutsilyo, ballpen o iba pa.

Mas makabubuti kung sanayin sa natural na paraan ng paglalakad ang iyong mga anak.

3. Tinutubuan ng ngipin ang isang batang nilalagnat

Ito ang karaniwang pinaniniwalaan ng mga magulang kapag biglang nilagnat ang kanilang anak.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Subalit ang pagtubo ng ngipin ng sanggol ay hindi dahilan para sila ay magkasakit.

Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug-Sales, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, hindi mismong ang pagngingipin ang sanhi ng sakit ng sanggol, pero posibleng konektado ito sa mga bagay na kanilang isinusubo.

“Ang theory ko diyan kapag nagngingipin, the ipin starts to come out around 7 months. So around 6 months nanggigil na sila lahat ng puwedeng isubo, isusubo na nila.

And they like biting with everything, nanggigil na sila. Kasi siguro maga na iyong kanilang gums.

The fact that they put everything in their mouth gives them a risk of getting bacteria there and they may get diarrhea. Not because eksaktong lumabas iyong ngipin, pero nag-coincide at the same time.” paliwanag niya.

Pamahiin sa bagong panganak na sanggol | Image from Unsplash

4. Pamahiin sa bagong panganak na sanggol: Magiging spoiled ang baby kapag laging binubuhat

Iniiwasang buhatin lagi ng mga magulang ang kanilang anak na umiiyak dahil sa takot silang lumaki itong spoiled. Ito ang kanilang pinaniniwalaan. Subalit para sa mga doktor, ito’y walang katotohanan.

“A spoiled child is one that’s manipulative, but babies don’t learn until they’re about 9 months that they can cry to get you to do something for them,” pahayag ni Dr. Barbara Howard, assistant professor of pediatrics sa Johns Hopkins University in Baltimore and at miyembro ng American Academy of Pediatrics’ committee on psychosocial aspects of child and family health.

5. Matalino ang mga batang unang maglakad at magsalita

Sino ba namang hindi maa-amaze kapag bigla na lang magsalita ng mama at papa ang iyong anak sa unang mga buwan nito? Kaya naman iisipin nating lahat na posibleng maging matalino ang iyong anak kapag maaaga siyang nakapagsalita o nakapaglakad.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Tandaan lamang na ang paglaki at development ng mga bata ay iba-iba at hindi sabay-sabay. Kaya naman maaaring maging matalino pa rin kahit na huli itong magsalita o maglakad.

Subalit bantayan pa rin ang motor delay sa iyong anak dahil maaaring maging sanhi ito ng mas seryoso at komplikadyong dahilan.

Pamahiin sa bagong panganak na sanggol | Image from Unsplash

6. Bawal gisingin ang batang natutulog

Ayon kay Dr. Hammond, likas na antukin ang mga bata sa unang linggo nila ngunit kailangan nilang mabigyan ng sapat na gatas para sa kanilang mabilis na paglaki at development. Makakabuti rin kung aalamin mo ang hunger cues ng iyong anak upang mabigyan mo na siya ng gatas tuwing nagugutom siya at bago siya makatulog.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

7. Makakatulong ang honey sa pacifier para sa ngipin ni baby

Delikado ang bigyan ng honey ang isang bata dahil sila ay maaaring magkaroon ng infant botulism. Isa itong seryoso at nakakabahalang sitwasyon na dapat ay tandaan ng mga magulang.

8. Pamahiin sa bagong panganak na sanggol: Kapag mahaba ang iyong baby, siya ay magiging matangkad

Ayon kay Dr. Hammond at Dr. Aliza Pressman, isang developmental psychologist mula sa Mt. Sinai Hospital,  ang paniniwalang ito ay walang kasiguraduhan.

Ang dapat tingnan na posibilidad ay ang height ng mga magulang ng bata. Kung pareho silang matangkad, mataas ang tiyansa na maaaring maging matangkad din ang kanilang anak. Ngunit depende pa rin ito sa puberty nila.

BASAHIN:

Paano nga ba malalaman kung tumatangkad ang baby mo?

STUDY: Mababa ang chance na magkaroon ng baby boy ang mga nakaranas ng stressful pregnancy

Totoo bang mahihirapan matulog mag-isa ang anak ko kapag nasanay siya sa bed sharing?

9. Pamahiin sa bagong panganak na sanggol: Lawayan ang baby kapag iyak ng iyak dahil baka nausog ito

Sa kabila ng modernong panahon, marami pa ring magulang ang naniniwala sa “usog.” At para kontrahin raw ito, o para mapatahan ang batang balisa dahil nausog, kailangan raw siyang lawayan ng taong nagdulot nito.

Subalit mariing pinabulaanan ni Dr. Tiglao ang pamahiin na ito sa baby. Sa halip na makatulong ang pagdampi ng laway sa sanggol, maaring makasama pa ito lalo na kung mayroong sakit ang taong maglalagay ng laway sa sanggol.

“Maraming sakit ang nanggaling sa laway. That’s why you call it direct contact dahil maraming sakit na nakukuha dito tulad ng halik.

Maraming bacteria ang laway, may good at bad bacteria naman.Pero mas marami ang bad bacteria na kapag immunocompromised ang bata, hindi pa kumpleto ang bakuna, wala pang antibodies, ay maaring agad na mahawa. So kapag iyang laway na iyan nilagay ng taong  may sipon, ubo, lalo na ang COVID na carried by saliva. Kaya huwag lalawayan ang bata para hindi siya magkasakit.” paliwanag ng doktora.

10. Paglalagay ng bigkis sa tiyan ng sanggol

Isa pang matagal nang pamahiin sa mga bagong panganak na sanggol ay ang paglalagay ng bigkis sa kaniyang tiyan. Paniniwala ng matatanda, dapat lagyan ng bigkis para hindi lamigin ang tiyan, at para maging maganda ang hubog ng baywang ng bata paglaki.

Subalit isa na naman itong maling paniniwala. Dahil ayon sa mga eksperto, hindi dapat tinatakpan ang pusod ng newborn lalo na kung hindi pa tuyo ang kaniyang umbilical stump.

“Hindi na namin inaadvise iyong paglalagay ng bigkis. Kasi ang gusto ng lolo at lola bigkis e para daw maging sexy ang baby. Pero tandaan po ninyo na ang bata pinanganak iyan na globular ang tiyan, ibig sabihin malaki ang tiyan kasi ang chest nila maliit pa.” ani Dr. Tiglao. 

Nagbigay rin ang doktora ng tatlong dahilan kung bakit hindi dapat binibigkisan ang tiyan ng sanggol.

“(Ang mga baby) they breathe through their abdomen. Ibig-sabihin ang paghinga nila is sa diaphragm kaya nakikita ninyo iyang umaalon kapag humihinga sila. So iyan kapag nilagyan mo ng bigkis mas mahihirapan silang huminga. At the same time kapag dumede siya, iyong tiyan nila ay nasa gilid lang ng kanilang pusod. Kaya kapag tinalian ninyo mas naglulungad sila lalo na kung mahigpit at kapag busog na busog. Pangatlo, iyong pusod. Kung may pusod pa si baby o iyong stump hindi po iyan matutuyo kung may bigkis. At maging source pa po ng infection iyan kung iyan ay namamasa-masa.”

11. Painumin ang baby ng tubig kapag naglulungad

Ayon sa mga eksperto, lubhang delikado ang paniniwalang ito dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay ng tubig sa mga sanggol kapag wala pa silang 6 na buwan.

“It has something to do number one immature pa iyong kidneys ng babies. So hindi niya pa kaya iyong fluid overload. You have fluid already in your breastmilk or formula. Hindi pa kaya ng kidneys ang maraming water, we call it water intoxication din.”

“No, don’t give water kapag naglungad. Actually you don’t give water during the first 6 months of life ng bata. Kasi enough naman iyong water sa breastmilk at kung naka-formula enough rin iyong water doon.” ani Dr. Tiglao. 

Bilang magulang, wala tayong ibang hangad kundi ang ikabubuti ng ating mga anak. Kaya bago natin sundin ang mga pamahiin at paniniwala mula sa matatanda, alamin muna natin kung ito ba ay makakatulong o makakasama kay baby.

Huling paalala ni Dr. Tiglao,

“Hindi masama ang pamahiin as long as it doesnt harm the baby. It doesn’t stop the development of the baby or it doesn’t hinder the health of the baby. Ibig-sabihin kung nakakatulong sa paglaki niya nakakatulong sa pangangalaga sa baby, okay lang na makinig.

Pero kung sa tingin ninyo lalo lang siyang magkakasakit, lalo lang siyang hindi tatalino, I think you should always listen to your doctor, to your pediatrician kasi we are here to guide you.”

Kung mayroon kang katanungan tungkol sa tamang pangangalaga sa iyong sanggol, huwag mahiyang magtanong sa kaniyang pediatrician.

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Mach Marciano