Iyak nang iyak nang walang dahilan? Baka kabag na 'yan. Alamin rito ang mabisang gamot sa kabag ng baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang kabag at mga posibleng sanhi nito
- Mga senyales na may kabag ang iyong anak
- Mga gamot sa kabag ng baby na pwede mong subukan
Ang kabag ay isa sa mga bagay na karaniwang nagdudulot ng sakit at pagkabalisa sa mga sanggol. Kaya naman makakatulong nang malaki kung alam ng mga magulang at nag-aalaga sa bata ang mga posibleng sanhi nito pati na rin ang iba’t ibang paraan ng pagpapatahan at gamot sa kabag ng baby.

Iyak pa rin ba ng iyak ang iyong newborn kahit na napadede na at napalitan ng diaper? Ano kaya ang sanhi nito?
Ano ang kabag?
Isa sa mga posibleng dahilan ng matinding pag-iyak ni baby ay ang kabag. Ito ang tawag kung mayroong gas o hangin sa tiyan na ng isang sanggol na nagdudulot ng pagkabalisa hanggang sa malunasan at maibsan ang kaniyang pakiramdam.
Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug Sales, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, ang kabag ng baby ay maituturing na parte ng kanilang paglaki.
Posibleng magsimula ang kabag ni baby pagkapanganak sa kaniya, o matapos ng ilang araw o isang linggo. Kadalasan lumilipas din naman ito o nakakalakihan ng sanggol sa loob ng 4 hanggang 6 na buwan. Pero hindi naman lahat ng pag-iyak ni baby ay dahil sa kabag. Ani Dr. Sales,
“Baka naman sometimes kaya sila umiiyak ay baka basa, baka gutom. Hindi lahat ng iyak ay kabag. Pero it is acceptable naman for babies to have kabag until they are around 4-5 months kasi hindi pa rin naman fully developed iyong gut nila.
Usually as long as they are gaining weight and they are feeding well it is within the norm and it is acceptable.”
Bakit ba kinakabag ang bata? Dahil ba sa gatas o breastmilk? May mga nag-aalala na dahil ito sa kinakain ni mommy habang nagpapasuso. Ano nga ba ang totoo?
Sanhi ng kabag
Walang eksaktong dahilan ang kabag pero maaring ito ay may kaugnayan sa labis na pagpasok ng hangin sa tiyan (aerophagia).
Gayundin, dahil masyado pang maliit at hindi pa fully developed ang digestive tract ng isang sanggol, hindi pa nito kaya ang mag-imbak ng masyadong maraming gatas, at natututunan pa lang nito kung paano tunawin ang pagkain sa loob ng tiyan.
Narito pa ang ilang karaniwang sanhi ng kabag ng mga sanggol:
- Kapag mali ang kanilang posisyon sa pagdedede, nakakalunok sila ng maraming hangin na pumapasok sa kanilang tiyan.
- Madalas na pag-iyak
- Mga digestive disorders gaya ng gastroesophageal reflux disease o GERD. Ito ay isang kondisyon kung saan ang mga natural mechanisms ng esophagus ng sanggol ay walang kakayahan na harangin ang pagkain o fluids na bumalik pataas sa esophagus imbis na manatili sa loob ng tiyan ng bata.
- Kung ang bata ay dumedede sa kaniyang ina, maari ring maging sanhi ng kabag ang mga kinakain ni Mommy. Ilang halimbawa ay ang mga gulay na nagdudulot ng gas tulad ng cabbage at cauliflower o mga pagkaing may caffeine gaya ng kape at tsokolate.

Mga senyales na may kabag ang iyong baby
Hindi lahat ng baby ay kabagin o madalas nakakaranas ng kabag. At isang palaisipan rin kung bakit ang iba ay mas prone sa kabag, at ang iba ay hindi naman kinakabag.
Subalit paano mo nga ba malalaman kung mayroong kabag ang isang bata? Narito ang ilang sintomas na dapat mong abangan:
- Matinding pag-iyak na hindi dala ng gutom, antok o maruming diaper
- Lumiliyad habang umiiyak
- Itinataas ang mga binti na parang namimilipit habang umiiyak
- Pag-utot
- Matigas ang tiyan
- Namumula ang mukha habang umiiyak
- Maiksi ang kaniyang tulog pagkatapos dumede
Pagpitik sa tiyan ng baby para malaman kung may kabag, dapat ba?
Kapag nakita nating umiiyak o may kakaiba sa ating mga anak, nakaugalian na ng mga magulang ang pitik-pitikin ang kanilang tiyan ni baby upang pakinggan kung sila ay may nararanasang kabag. Ngunit payo ni Dr. Sales, kailangang iwasan ang nakasanayan na ito.
“I actually tell my patients to stop doing that. Kasi lagi ka naman may maririnig e. Kumbaga you will always feel gas sa tiyan.” aniya.
BASAHIN:
Iyak ng iyak dahil sa kabag? Subukan ang ilang home remedy para sa kabag ng sanggol
Madalas na pag-iyak ng baby, maaaring sanhi ng colic
Parents’ Guide: 5 epektibong paraan para mapa-burp si baby
Ilang “soothing tips” kapag kinakabag si baby
Ayon kay Dr. Barbara Ann Manio, isang pediatrician, upang maibsan ang kabag ng isang sanggol at guminhawa ang kaniyang pakiramdam, dapat ay mawala ang nakapasok na hangin sa loob kaniyang tiyan.
Nailalabas ito ni baby sa pamamagitan ng pagdighay o pag-utot. Makakatulong rin ang pag-apply ng banayad na pressure o kaunting init sa kanilang tiyan para malabas niya ito. Maaari rin ang pagpapalit ng pwesto o posisyon para makagalaw ang tiyan ni baby at mailabas ang hangin.
Narito pa ang ilang epektibong gamot sa kabag ng baby na puwede mong subukan:
-
Gumamit ng sound at motion para mapatahan si baby.
Lumakad-lakad habang karga ang bata, o kaya ay iduyan ito o ihele. Tandaan na ang anumang mahinang paggalaw ay nakakapagpatahan sa sanggol.
Pwede ring ilagay siya sa stroller o duyan, at saka siya igalaw ng marahan. Ito at ang init ng yakap ni Mommy o Daddy ay makakapagpakalma sa kinakabag na bata hanggang makatulog siya.
May mga magulang na isinasakay ang bata sa kotse (sa car seat) at saka nagmamaneho kahit sa maikling distansiya lang. Ang tunog ng makina ng kotse at paggalaw nito ay milagrong nakakakapagpatulog sa bata.
May mga gumagamit din ng iba pang gamit sa bahay na may rhythm at tunog, tulad ng washing machine, electric fan, vacuum cleaner, at iba pang kagamitan na may “white noise” ay mahinang ingay.
-
Kalmahin ang senses ni baby.
Sinasabing ang maliliwanag na ilaw o bright lights at malakas o mabibilis na music ay nakakapagpalala ng pag-iyak ng isang kinakabag na sanggol.
Subukang ihiga siya sa isang tahimik at madilim na kuwarto at balutin ang katawan ng baby blanket. Tapikin o hagurin ang likod ng marahan.
May mga pwedeng pag-aralan na baby massage, at gamit ang baby oil, epektibo itong pampakalma ng umiiyak na sanggol.
Makakatulong rin ang warm compress o boteng may maligamgam na tubig, na ilalagay sa tiyan ng sanggol. Subukan rin siyang paliguan gamit ang maligamgam na tubig, o warm bath.
Para sa mga sanggol na 6 na buwan pataas, maaring makatulong sa mga sintomas ng kabag ang pag-inom ng probiotics gaya ng (tuald ng Lactobacillus reuteri). Itanong sa pediatrician ng iyong anak kung ano ang mabuting probiotic na makakatulong bilang gamot sa kabag ng baby.
Mas mabuting ipatingin sa doktor ang sanggol lalo kung madalas ang kabag at pag-iyak nito, para makita kung may iba pang kondisyon na dapat gamutin, at para malaman kung ano ang dapat na paggamot sa sanggol.
-
Maging mapili sa gamit ni baby at mga kinakain ni Mommy
Kung gumagamit naman ng feeding bottles para sa gatas ni baby, piliin ang mga bottle teats na akma sa edad ng iyong anak. Tama lang dapat ang agos ng gatas para hindi makapasok ang hangin sa tiyan ni baby. Subukan rin ang mga anti-colic bottles.
Iwasan rin ang masyadong pag-shake ng bote kapag tinitimpla ang gatas ni baby para hindi makapasok ang air bubbles.
Kung nagpapadede ka naman, iwasan muna ang mga pagkaing nagdudulot ng gas (gaya ng mga nabanggit sa itaas) at obserbahan kung mababawasan ang kabag ng iyong anak. Huwag ring kalimutang ipa-burp si baby pagkatapos niyang magdede.
Kailan dapat dalhin sa doktor si baby?
Bagamat karaniwan lang ang pagkakaroon ng kabag sa mga sanggol, may mga pagkakataon na senyales ito ng mas matinding kondisyon at kailangang ipasuri sa doktor.
Ipakonsulta agad sa kaniyang pediatrician si baby kapag napansin ang mga sumusunod na sintomas:
- Nagtatae o kung may napansin na dugo sa dumi niya
- Madalas na pagsusuka
- Walang ganang kumain o hindi bumibigat ang timbang
- May lagnat na 100.4 F pataas
- Inaantok palagi o matamlay
Anuman ang mangyari, huwag aalugin ang bata, at huwag na huwag sasaktan ito. Kung nakakaramdam ng inis o pagod habang pinapatigil sa pag-iyak ang iyong anak, tawagin ang iyong asawa o ibang kasama sa bahay para siya muna ang mag-alaga kay baby. Tandaan, lilipas rin ang panahong ito kaya habaan mo pa ang iyong pasensya.
Source:
WebMD, Medical News Today, What To Ecpect
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!