10 na posibleng sanhi ng pananakit ng puson at balakang

Alam niyo ba na hindi lang menstruation ang sanhi ng pananakit ng balakang at puson? Maraming posibleng dahilan kung bakit ito nangyayari.

Kadalasan, kapag ang isang babae ay nakakaramdam ng pananakit ng balakang at puson ito ay bahagi ng kanilang menstruation cycle. Ngunit alam niyo ba na hindi palaging menstruation ang sanhi nito?

Maraming posibleng dahilan kung bakit ito nangyayari. Ating alamin kung anu-ano ang sanhi ng pananakit ng balakang, puson at maging ng likod. At ano ba ang puwedeng gawin upang maibsan ito.

Pananakit ng puson at balakang dahil sa regla

Karaniwan na itong nararanasan ng mga babae. Tinatawag na dysmenorrhea o menstrual pain ang pananakit ng puson at balakang tuwing mayroong regla. Ilan pa sa maaaring maranasan kapag may dysmenorrhea ay ang mga sumusunod:

  • Madalas na pagdumi o diarrhea
  • Muscle cramps
  • Pananakit ng ulo
  • Pagkahilo

Bukod sa mga ito at sa pananakit ng balakang at puson ay maaari ding makaramdam ng pananakit ng likod at mga binti. Normal naman ito para sa mga nireregla.

Pero kung ikaw ay nababahala sa tindi ng mga nararamdamang sintomas maaari namang magpatingin sa doktor para ikaw ay mapanatag. Lalo na at may mga pananakit ng balakang at puson na hindi regla ang dahilan.

Sanhi ng pananakit ng balakang at puson kahit walang regla

pananakit ng balakang at puson

Larawan mula sa wikimedia commons

Maaaring makaranas ng pananakit ng puson, balakang at likod kahit walang regla. May iba’t ibang karamdaman na maaaring maiugnay dito. Narito ang ilang posibleng dahilan kung bakit nakakaranas ng pananakit ng balakang at puson kahit walang regla:

1. Problema sa bladder o kidney

Ang pagkakaroon ng problema sa bladder o kidney ay posibleng magdulot ng matinding sakit. Kadalasang makakaramdam ka rin ng masakit na pag-ihi, at madalas na pagpunta sa banyo.

Minsan, puwede rin itong magdulot ng back pain at lagnat kapag umakyat na sa kidneys ang impeksyon.

Posible rin na ang pananakit puson at balakang ay dulot ng kidney stones. Matindi ang sakit na ito, at umaakyat-baba ang sakit na iyong mararamdaman.

Kapag nakaramdam ka ng kakaibang sakit sa puson at balakang, mabuting ikonsulta ito sa doktor upang agad itong maagapan.

pananakit ng balakang at puson

Larawan mula sa Unsplash

2. Constipation at diarrhea

Alam niyo ba na ang constipation at diarrhea ay posibleng magdulot ng matinding sakit sa puson o sa balakang?

Ang pakiramdam ng sakit na ito ay para kang pinupulikat. Kadalasang maiibsan ang sakit na ito matapos mong dumumi.

Isa sa mga sakit na nagdudulot nito ay ang tinatawang na Irritable Bowel Syndrome o IBS. Kapag mayroon kang IBS, makakaramdam ka ng matinding diarrhea, constipation, at bloated na pakiramdam.

Posible rin itong maging colorectal cancer pero sobrang bihira naman itong mangyari.

Isang senyales na posibleng mayroon kang IBS ay kapag may dugo ang iyong dumi at nakakaramdam ng pananakit tuwing dudumi. . Kapag napansin mo ang mga sintomas na ito, magpakonsulta agad sa doktor upang malaman kung ano ang posibleng sanhi nito.

3. Cervical cancer

Ang cervical cancer ay isang uri ng cancer na nakaaapekto sa cervix ng isang babae. Ang cervix ay ang bahagi ng katawan na nagdurugtong sa uterus at vagina.

Dati, ang cervical cancer ay isa sa pinakapangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga babae. Ngunit ngayon, dahil sa pagkakaroon ng pap smear at advanced na mga paraan, mas madaling maaagapan ang cervical cancer.

Ang sintomas ng cervical cancer ay pananakit ng balakang at puson, malakas na pagdudugo sa menstruation, at sakit tuwing nakikipagtalik.

Kung may nararamdaman kang kakaibang mga sintomas tulad nito, mabuting magpunta ka sa gynecologist upang mabigyan ng pap smear at alamin kung ano ang sanhi ng iyong nararamdaman.

4. HPV infection

Ang impeksyong dulot ng Human Papillomavirus ay ang pinakakaraniwang uri ng sexually transmitted infection (STI). Marami ring uri ng HPV, at posible itong magdulot ng genital warts at cervical cancer.

Kadalasan, nawawala agad ang HPV at wala itong naidudulot na side-effects. Ngunit may mga kaso rin na kung saan ito ay tumatagal sa katawan at nagdudulot ng malalang karamdaman.

Ang HPV ay nakukuha sa pakikipagtalik, at posible kang makakuha nito kahit iisa lang ang iyong partner.

Ang pinakamainam na paraan para umiwas sa HPV ay sa pamamagitan ng HPV vaccine. Ito ay magbibigay ng proteksyon sa HPV at makakatulong rin para makaiwas sa cervical cancer.

5. Bacterial vaginosis

pananakit ng balakang at puson

Larawan mula sa Unsplash

Ang bacterial vaginosis (BV) ay isang uri ng infection sa vagina na dulot ng bacteria. Ito ay kadalasang nakukuha ng mga babaeng edad 15-44.

Ang vagina ng babae ay natural na mayroong good at bad bacteria. Kadalasan, mas marami ang good bacteria kaya’t walang masamang nagagawa ang bad bacteria.

Ngunit minsan, nasisira ang balanse ng bacteria, at ito ang nagdudulot ng infection na bacterial vaginosis.

Ang mga sintomas nito ay ang pagkakaroon ng malabnaw at maputing discharge na minsan ay mabaho. Sa mga mas malalang kaso ng BV nakakaramdam din ng pangangati ng ari at matinding sakit sa puson.

6. Pelvic inflammatory disease

Ang sintomas ng pelvic inflammatory disease (PID) ay kadalasang hindi agad mararamdaman. Ito ay dahil ang sintomas ng PID ay karaniwang lumalabas kapag malala na ang sakit.

Kabilang sa mga sintomas ng PID ay pananakit ng puson at balakang, mabahong discharge, pagdurugo tuwing nagtatalik, lagnat, at masakit na pag-ihi.

Kapag nakaramdam ka ng alinman sa mga sintomas na ito ay mabuting pumunta agad sa doktor bago pa lumala ang problema.

7. Ectopic pregnancy

pananakit ng balakang at puson

Larawan mula sa Unsplash

Ectopic pregnancy ang tawag kapag sa halip na sa loob ng uterus mabuo ang fetus, ay ito ay nabuo ito sa labas ng matris. Kadalasan itong nagdudulot ng matinding sakit at pagdurugo.

Maraming sanhi ang ectopic pregnancy, at kabilang na rito ang paninigarilyo, infection, infertility, at fertility treatments.

Hindi naman karaniwan ang ectopic pregnancy, pero posible rin itong maging sanhi ng pananakit ng balakang at puson.

Sa mga kaso ng ectopic pregnancy ay madalas inihihinto ang pagdadalang-tao dahil posible itong makasama sa ina, at kadalasan hindi rin nabubuo ang fetus.

8. Appendicitis

Ang karaniwang sintomas ng appendicitis ay ang pananakit ng lower right stomach o sa kanang bahagi ng puson. Bukod sa pananakit ng puson na sinasamahan din minsang pagsakit ng balakang, maaari ding makaranas ng pananakit ng likod kapag may appendicitis. Subalit mahirap na ma-diagnose ang sakit na ito hangga’t hindi pa pumuputok ang appendix.

Ilan pa sa maaaring sintomas ng appendicitis ay ang mga sumusunod:

  • Pagsusuka
  • Constipation o diarrhea
  • Bloating
  • Kawalan ng ganang kumain
  • Pagkahilo at pagduwal
  • Mataas na lagnat
  • Paglala ng pananakit tuwing gumagalaw o umuubo

Kapag nakaranas ng mga nabanggit na sintomas ay makabubuting kumonsulta agad sa doktor para malapatan ng tamang paggamot.

9. Endometriosis

Kondisyon ito kung saan ang lining ng uterus ay nag-grow sa labas ng matris imbes na sa loob. Makaaapekto ito sa obaryo, fallopian tubes pelvic tissues, at iba pang organ sa pelvis. Ilan sa mga sintomas ng endometriosis bukod sa pananakit ng puson at balakang ay ang mga sumusunod:

  • Matinding pagdurugo tuwing may regla
  • Diarrhea at constipation
  • Masakit na pakiramdam tuwing nakikipagtalik
  • Pananakit tuwing umiihi o dumudumi
  • Bloating
  • Infertility
  • Pagduwal

Mahalagang magpatingin agad sa OBGyne kung makaranas ng mga nabanggit na sintomas.

10. Cysts sa obaryo

Maaaring makaranas ng abdominal pain at pananakit ng balakang kung mayroong ovarian cysts. Ang ovarian cysts ay bukol sa obaryo na mayroong fluid. Karaniwan naman itong hindi delikado pero posible ring magdulot ng iba pang masasakit na sintomas. Tulad na lamang ng bloating ng pakiramdam na mabigat ang puson.

Kung ikaw ay mayroong endometriosis, hormonal issues, at pelvic infection, o kaya naman ikaw ay buntis, mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng ovarian cysts.

Samantala, hindi lang babae ang maaaring makaranas ng pananakit ng balakang at puson. Pinakakaraniwang sanhi ng pananakit na ito sa mga kalalakihan ay ang prostate cancer. Nakaaapekto ang prostate cancer sa prostate gland. Ang gland na ito ang nagpro-produce ng semilya ng lalaki.

Ilan pa sa mga sintomas na maaaring maranasan ng lalaking may prostate cancer ay ang mga sumusunod:

  • Erectile dysfunction o hindi tinitigasan ng ari
  • Hirap sa pag-ihi
  • Pananakit ng mga buto
  • Dugo sa semilya
  • Mababang stream ng ihi

Hindi pa man batid ang tiyak na sanhi ng sakit na ito pero posible umanong mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng prostrate cancer ang mga taong:

  • Obese
  • Matanda o may edad na
  • May family history ng nasabing cancer

Gamot sa pananakit ng balakang at puson

Dahil iba’t iba at marami ang posibleng sanhi ng pananakit ng balakang at puson, iba’t iba rin ang maaaring gawing paggamot dito. Nakadepende ang akmang paggamot sa kung ano ang dahilan ng pagsakit ng mga bahaging ito ng katawan.

Kung nais maibsan ang pananakit, maaaring bigyan ng gentle massage ang bahaging masakit. Gumamit ng mga oil o ointment na may mint upang makapagbigay ng ginhawa sa pakiramdam.

Sa kabilang banda, kung PID o diverticulitis ang sanhi ng pananakit, posibleng resetahan ka ng doktor ng antibiotics. Kapag dysmenorrhea naman ay maaari kang maglagay ng warm compress sa puson upang maibsan ang pananakit. Puwede rin namang uminom ng NSAIDs medication para mabawasan ang sintomas.

Samantala, chemotherapy at radiation ang solusyon kung cancer ang dahilan ng pananakit ng puson at balakang. Maaari ding sumailalim sa surgery para alisin ang cysts, cancer, o appendix. Gayundin naman kung fracture ang kailangang i-repair.

Kung pagod at muscle strain lang ang dahilan ng pagsakit ng balakang at likod, mahalagang magpahinga para gumaling ito.

Tandaan na importanteng magpatingin sa doktor upang makatiyak kung ano ang sanhi ng nararanasang sakit. Kapag na-ugat na ang sanhi ng sakit, mas mabilis nang malalaman kung ano ang angkop na paggamot na dapat gawin.

 

Karagdagang impormasyon sinulat ni Jobelle Macayan

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!