Pananakit ng puson habang buntis: Mga dapat mong malaman
Madalas bang sumakit ang iyong puson habang ikaw ay nagbubuntis? Alamin ang mga bagay na pwedeng makatulong sa sakit at kung kailan mo na kailangang tumawag sa doktor.
Madalas ka bang makaranas ng sakit sa iyong katawan habang ika’y nagbubuntis? Alamin dito kung ano ang mga pwede mong gawin sa pananakit ng puson habang buntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang maaaring dahilan ng pananakit ng puson
- Mga maaaring gawin sa pananakit ng puson habang buntis
- Kailan ka dapat tumawag ng doktor kapag masakit ang iyong puson
Marami talagang pagbabago sa katawan ng isang babae kapag siya ay nagbubuntis. Kailangan kasing magbigay ng puwang ng ating katawan sa buhay na nabubuo sa ating sinapupunan.
Isa sa mga dinadaing ng kababaihan habang nagbubuntis ang pananakit ng kanilang puson. Minsan, hindi nagiging kumportable ang kanilang pagtayo o pagkilos kapag sumasakit ang bahaging ito ng kanilang katawan.
Pananakit ng puson habang buntis – kailan ito nagsisimula at sintomas
Kadalasang nagsisimula ang pananakit ng puson ng mga babae sa ika-14 linggo ng pagbubuntis o kaya sa simula ng ikalawang trimester.
Maaaring makaramdam ang buntis nang bahagya at pabugsu-bugsong sakit na parang tumutusok o pinupulikat sa kaniyang puson hanggang sa matapos siyang manganak. Pwedeng tumagal ang sakit ng saglit lang (30 segundo) o maaari rin naman ang pabugsu-bugsong sakit sa loob ng isang oras.
Mga posibleng sanhi ng pananakit ng puson
Ang pangungahing dahilan ng pananakit ng puson ng isang babae habang siya’y buntis ay ang pagbanat ng kaniyang mga ligaments.
Lumalaki ang iyong tiyan at iyong puson para magbigay-daan sa paglaki ng iyong uterus at kasama na rin dito ang paglaki ng sanggol sa iyong sinapupunan.
Gayundin, mas kapansin-pansin sa mga babaeng kambal ang pinagbubuntis ang sakit sa puson dahil sa pagbanat ng kanilang uterus para sa dalawang sanggol.
Isa pang posibleng sanhi ng pananakit ay ang paggawa ng iyong katawan ng mas maraming dugo para suportahan ang pangangailangan ng iyong anak.
Nakakadagdag din sa pananakit ng puson ang pagbubuhat ng mabigat o sobrang pag-eehersisyo.
Kadalasan, nagdudulot din ng sakit sa puson ang biglaang paggalaw at pagkilos tulad ng paggulong sa kama o kaya biglaang pagtayo o pag-upo.
Maging ang mga hindi maiiwasang gawain gaya ng pagbahing, pag-ubo o pagtawa ay pwede ring maging sanhi ng pananakit ng iyong puson.
BASAHIN:
Mga maaaring gawin
Ang pananakit ng puson habang buntis ay isa talaga sa mga hindi nakakatuwang epekto ng pagbubuntis. Nakakasagabal ito sa ating paggalaw at araw-araw na gawain.
Pero huwag mangamba. Mayroon ka namang pwedeng gawin para maibsan ang sakit na iyong nararamdaman.
Narito ang ilang bagay na maaari mong subukan:
-
Kapag sumasakit ang iyong puson, subukan mo munang magpalit ng pwesto at tingnan kung mas komportable ka rito.
-
Uminom ng pain reliever
Kung nahihirapan ka sa pananakit ng iyong puson, subukan mong uminom ng pain reliever tulad ng acetaminophen.
Pero importante na tanungin mo muna sa iyong doktor o OB-gynecologist kung pwede kang gumamit nito.
-
Kumain ng masusustansiyang pagkain
Ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa Vitamin B12, Vitamin C, B6, B2, at iron ay maaari ring makatulong na palakasin ang iyong ligaments at iwasan ang pananakit ng puson. Tanungin mo rin sa iyong doktor kung pwede ka niyang bigyan ng supplement na meron ng mga bitaminang ito.
Ugaliin ring uminom ng maraming tubig para marelax ang iyong muscles at maiwasan ang pamumulikat.
-
Mag-ehersisyo/stretching
Kahit buntis, dapat ay mag-ehersisyo pa rin para mapanatiling malakas ang iyong muscles sa tiyan. Pwede kang sumubok ng madadaling stretching exercises o kaya prenatal yoga.
Kumonsulta sa iyong OB kung ano ang mga klase ng ehersisyo na makakatulong at ligtas para sa iyong pagbubuntis. Bukod sa pwede nitong maibsan ang sakit sa iyong puson, makakatulong rin ito sa ‘yo sa panganganak.
-
Iwasan ang mga biglaang paggalaw
Ang panahon ng pagbubuntis ay panahon para mag-relax at magdahan-dahan. Iwasan ang paggulong at biglang pagtayo mula sa kama o upuan. Huwag ding magmadali sa pag-upo.
Huwag na rin munang magbuhat ng mabibigat para mabawasan ang stress sa iyong likod, puson at tiyan.
Ugaliin ding mag-unat ng iyong balakang bago ka umubo o bumahing. Maaaring mahirap dahil hindi mo naman maiiwasan ang pagbahing, pag-ubo at lalo na ang pagtawa, pero subukan mong mag-stretch muna kapag nararamdaman mong paparating na ito.
-
Itaas ang iyong mga binti kapag may pagkakataon.
Bukod sa naiibsan nito ang pananakit at pagmamanas ng mga paa, nakakatulong din pala ang pagtataas ng iyong binti kapag nakaupo o nakahiga na mabawasan ang sakit ng iyong puson.
-
Gumamit ng init
Maari ding makatulong ang paglalagay ng heating pad sa ibabaw ng iyong puson, o kaya ang pagligo gamit ang maligamgam na tubig.
Muli, tanungin mo ang iyong OB-gyne tungkol dito, dahil ang sobrang init ay makakasama rin sa iyong sanggol.
-
Magsuot ng band o belly belt
Ang paggamit ng pregnancy belly support belts ay maaari ring makatulong para maibsan ang pananakit ng iyong puson habang buntis.
Ito ay isang klase ng sinturon na isinusuot ng buntis palibot sa kaniyang balakang at lower back, at nagsisilbing suporta sa iyong lumalaking tiyan. Kumonsulta ka rin sa iyong doktor bago bumili nito para masiguro na magandang kalidad at talagang makakatulong ang belly band na bibilhin mo.
Makakatulong din ang pagsusuot ng mga damit pangbuntis para masigurong suportado ang iyong tiyan at likod.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Kapag hindi nakatulong ang mga bagay na ito sa pananakit ng iyong puson, isa itong senyales na kailangan mo nang kumonsulta sa iyong doktor.
Bagama’t normal sa pagbubuntis ang pananakit ng puson, kailangan mo ring alamin kung kailan ito nagiging delikado.
Tandaan, may mga pagkakataon na ang pagsakit ng puson ay isa na palang senyales ng preterm labor. Kaya huwag mag-atubili na tanungin ang iyong doktor kung may nararamdaman kang kakaiba.
Tawagan agad ang iyong OB kapag naranasan mo ang mga sumusunod:
- Matinding pananakit ng puson
- Sakit na hindi nawawala at tumatagal ng ilang minuto
- Pananakit ng puson at hirap sa paglalakad
- Sakit na may kasamang pagsusuka
- Pananakit ng puson na may kasamang pagdurugo o spotting
- Sakit na may kasamang lagnat o panlalamig
- Pananakit ng puson na may kasabay na pagkahilo
- Sakit sa puson na may kasamang sakit sa pag-ihi
Parte na ng pagbubuntis ang pagsakit ng likod, paa at puson ng isang babae. Ito ay dulot ng napakaraming pagbabago sa ating katawan.
Pero hindi nangangahulugang kailangan mo na lang tiisin ito. Mayroon ka namang mga pwedeng gawin para makatulong na maiban ang pananakit ng iyong puson.
Sa halip na mangamba, isipin mo na lang na ang pananakit ng iyong puson ay isang senyales o paalala na mag-relax at magdahan-dahan.
Tanungin mo rin ang iyong doktor tungkol sa pananakit ng iyong puson at ibang bagay na bumabagabag sa ‘yo. Mas maigi nang masiguro ang kaligtasan niyong mag-ina.
Isipin mo na lang rin na magiging sulit rin ang lahat ng sakit at sakripisyo mo kapag naisilang mo na ang iyong malusog na baby.
Sources:
WebMD, What To Expect, Mayo Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.