Itsura ng puson ng buntis at mga pagbabago sa kaniyang tiyan habang lumalaki ang sanggol sa kaniyang sinapupunan, ano nga ba ang mga dapat asahan? Alamin dito.
Kasabay ng pag-develop ni baby sa tiyan, kasama rin nito ang pagbabago sa pisikal na anyo ni mommy. Nandyan ang paglaki ng tiyan, pagkakaroon ng stretch marks, pananakit ng puson, at ang pag-iiba ng itsura ng puson ng buntis.
Pero totoo ba na ang pagbabago ng belly button ng pregnant mom ay paraan para malaman kung anong gender ni baby? At may mga dapat bang ipag-alala sa pag-iiba ng itsura ng pusod ng buntis?
Bakit nga ba nag-iiba ang itsura ng puson ng buntis?
Ang belly button o pusod ng isang pregnant mom ay konektado sa umbilical cord o pusod ng kaniyang baby sa tiyan. Ang umbilical cord na ito ay nakakonekta sa baby na nasa placenta. Mahalaga ang role ng placenta dahil dito nangagaling ang oxygen at nutrients na kailangan ni baby sa kanyang development.
Sa pagbubuntis ng isang ina, marami ang pagbabago sa kanuyang katawan kasama na ang itsura ng puson ng buntis o pagbabago ng puson ng buntis. Normal ito pero bakit nga ba ito nangyayari?
Pregnant belly button | Image from Freepik
Popping out belly button
Nagbabago ang itsura ng puson ng buntis pati na ang itsura ng pusod niya dahil habang lumalaki ang baby sa tiyan, kasama nito ng paglaki rin ng uterus. Dahilan ito para matulak ang abdomen ng buntis paharap. Kadalasang nakikita ang pagbabago sa itsura ng puson ng buntis sa kanyang 2nd trimester.
‘Wag ring ikabahala at ikatakot ang pagbabago ng itsura ng puson ng buntis dahil ito ay normal at bahagi lang talaga ng pagbubuntis ni mommy.
Kahit na normal ito, mayroon pa ring mga kaso na sumasakit ang pusod ng pregnant mom. Ito ay maaaring dahil nakalabas ang pusod nila dahilan para matamaan o makiskis ng damit ang pusod nila.
Flat belly button
Hindi lahat ng kaso ay umuumbok ang itsura ng puson ng buntis. Mayroon ding ibang pagkakataon na nagiging flat ang puson ni mommy dahilan para naman maging flat din ang itsura ng pusod niya.
Pero ang ganitong kondisyon ay normal pa rin at hindi dapat ikabahala. Babalik pa rin ang itsura ng pusod ng buntis pagkatapos nitong manganak.
Pregnant belly button | Image from Dreamstime
Kailan babalik sa normal ang itsura ng puson ng buntis?
Pagkatapos manganak ng isang nanay, mabilis ding babalik sa normal ang itsura ng puson ng buntis. Maghintay lang ng ilang buwan at kusa na itong babalik sa normal na hugis at itsura.
Ano ang Umbilical Hernia?
Ngunit hindi laging ganito ang kaso. Mayroong ibang kondisyon na ang pagbabago ng itsurang puson ng buntis ay isang sign para sa tinatawag na Umbilical Hernia.
Ang Umbilical Hernia ay isang abnormal na umbok na makikita at mararamdaman sa belly button ng pregnant mom. Nangyayari ito kapag ang ang lining ng iyong abdomen ay napunta sa muscle ng iyong abdominal wall. Dito nakakaramdam ng discomfort si mommy.
Ito ay nangyayari kapag hindi nagsama ang muscles sa midline ng abdominal wall. Lumalala ang pressure ng abdomen dahil sa obesity, abdominal surgery, ilang beses nang nanganak o fluid sa abdominal cavity.
Itsura ng pusod ng buntis | Image from Freepik
Sintomas ng Umbilical hernia
- pananakit ng pusod
- sumasakit ang pusod kapag bumabahing, umuubo o bumabaluktot
- maliit na umbok sa iyong pusod
Agad na pumunta komunsulta sa doctor kapag ito ay lumalala ang pananakit at napansin mo ang pagiging malambot nito.
Kung may pangamba tungkol sa iyong pagbubuntis, ‘wag mag atubiling pumunta sa iyong doctor. Ang mga buntis ay pinapayuhan na dumalo sa kanilang scheduled check-ups.
Sa paraang ito, malalaman mo kung ano ang kalagayan mo at ng iyong baby at dahilan kung bakit mayroong pananakit ng puson kung ikaw ay buntis.
Pananakit ng puson ng buntis sa 1st trimester
Normal ba ng pananakit ng puson ng isang buntis sa kaniyang 1st trimester?
Ang abdominal pain o pananakit ng puson sa 1st trimester ni mommy ay normal lamang na maramdaman bilang ang katawan ay nag-aadjust sa malaking pagbabago nito.
Kadalasang sanhi din nito, ay ang pagbabago ng hormones sa katawan ng isang buntis, pag-uunat ng mga ligaments habang lumalaki ang sinapupunan at ang hormones constipation o trapped wind.
Normal man na maituturing ang cramps sa 1st trimester ng isang buntis, kailangan pa ring tignan at bantayan kung persistent ba ng pananakit ng puson at mas lalo lamang lumalala ang pananakit nito.
Marapat lamang na ipagbigay alam ito sa iyong Doctor o sa Midwife sa susunod na prenatal appointment, upang malaman kung ito ba ay dala lamang talaga ng sintomas ng pagbubuntis o mayroong hudyat ito ng seryosong komplikasyon habang ikaw ay nagbubuntis na maaaring maging delikado para kay mommy at baby.
Kailan kukuha ng tulong medikal sa 1st trimester ng buntis?
Humingi ng medical help mula sa iyong doktor kung nakakaramdam ng mga sumusunod:
- Nakakaramdam ng pananakit sa tuwing iihi – maaaring ito ay sign o sintomas ng urine infection.
- Mayroong kasamang dugo at mabaho ang pag-ihi.
- Kung nakararanas ng pagdurugo, isa ito sa mga dapat laging bantayan ng isang buntis, bilang maaari itong senyales ng miscarriage o ectopic pregnancy.
- Matindi ang pananakit, nakakaramdam ng panghihina at pagkahilo.
Pananakit ng puson ng buntis sa 2nd trimester
Hindi lamang natatapos ang nararanasang abdominal pain o pananakit ng puson sa 1st trimester, mararamdaman pa rin ng mga cramps o banayad na sensasyon sa puson pagtungtong sa ikalawang trimester ni mommy.
Ang bahay-bata ay isang muscle, ito ay mag-eexpand at mag-eexpand sa paglaki ng bata sa sinapupunan, lalo na 2nd trimester ng pagbubuntis, at ito ay magdadala ng discomfort para sa mga buntis. Maaaring ang dahilan nito ay ang constipation,
kabag o bloating at pagdurugo na nararanasan ng maraming buntis.
Bukod dito, kadalasan ding sanhi ng pananakit ng puson ay ang pananakit ng round ligament. Mararamdaman ang pananakit na ito sa ibabang bahagi ng tiyan at balakang. Kung nakararamdam nito, importanteng isangguni ito sa iyong doktor.
Paraan para guminhawa ang pakiramdam mula sa ligament pain:
- Ihiga sa opposite side ang parte ng katawan na nakararamdam ng pananakit
- Maglaan ng oras sa paggalaw, lalo na sa gabi at,
- Maligo na mayroong maligamgam o mainit na tubig.
Tignan at i-monitor ang katawan para sa mga senyales na hindi karaniwan kung ang puson ay sumasakit sa 2nd trimester tulad ng mga sumusunod:
- Pagdurugo, masakit at may mabahong amoy ang ihi
- Kung ang pananakit ay nararamdaman sa tiyan hanggang sa dibdib, pananakit ng ulo, pamamaga ng kamay, paa at mukha at nanlalabong mga mata – maaaring ito ay senyales na mayroong pre-eclampsia ang isang buntis.
- Kung mayroong nakikitang pagbabago sa galaw ni baby.
- Nakararamdam ng bugso ng likido – maaaring sign ito ng pre-mature labour.
Pananakit ng puson ng buntis sa ikatlong trimester
Image by valeria_aksakova on Freepik
Sa 3rd trimester ng pagbubuntis, maaaring kakaunti na lamang ang tulog na mailalaan mo kaysa sa mga nakaraang trimester lalo na’t lumalaki nang lumalaki si baby, gayundin ang madalas na paggalaw nito. Kaya’t siguraduhin pa rin na makakapagpahinga ng sapat upang mapanatili ang enerhiya at maging ready sa paglabas nito.
Sa madalas na paggalaw ni baby, madalas din ang pananakit na mararamdaman sa iba’t ibang parte ng katawan, tulad ng back pains, lalong lalo na ang pananakit ng puson.
Habang papalapit ka nang papalapit sa due date ng iyong panganganak, mas mararamdaman at magkakaroon ng additional pressure ito sa iyong tiyan at mas mapapadalas ang abdominal pain at cramping na nagbibigay discomfort.
Sa uulitin, normal lang na maramdaman ang discomfort habang nagbubuntis. Kaya sa trimester na ito, nararapat lamang na lagi mong ipinaaalam sa midwife at doktor lahat ng mga signs o senyales na sa tingin mo ay hindi normal sa dapat maranasan pagtungtong ng 3rd trimester.
Ilan sa mga iyan ay ang sumusunod:
- Pananakit ng tiyan kung ito ay hahawakan lamang
- Pagdurugo
- Kung ang pananakit ng tiyan ay umaabot hanggang dibdib at nanlalabo ang paningin na may kasamang pamamaga ng mukha, kamay at paa.
- Kung ikaw ay less than 37 weeks pregnant ngunit regular na nakararanas ng contractions at hindi nawawala
- Severe abdominal pain at cramping
- Leak of fluid
- Kung ang contractions na nararanasan ay intense at painful at nararamdaman 10 minutes apart, dapat itong ipaalam sa iyong doctor, maaaring senyales ito ng pre-mature labour.
Kaya naman kung sumasakit ang balakang mainam na magpatingin sa doktor lalo na kung ikaw ay buntis.
Pintig sa puson ng buntis
Isang bagay naman na labis pang kinamamanghaan sa pagdadalang-tao ay ang pintig sa puson ng babaeng buntis. May ibang iniisip na ito ay ang heartbeat ni baby, pero ayon sa mga doktor ay hindi.
Sa katunayan, ito ay ang mismong heartbeat ng buntis na nakakonekta sa kaniyang abdominal aorta. Ang abdominal aorta ay ang nag-susupply ng dugo sa puson, reproductive organ at sa itaas na bahagi ng binti. Kaya naman kung gaano kabilis ang pintig sa puson ng buntis ay ganoon rin ang pintig ng kaniyang puso o heartbeat.
Mas nagiging kapansin-pansin o mas nararamdaman lang ng mga babae ang pintig ng kanilang abdominal aorta kapag buntis dahil sa mas dumadami ang dugong isinusupply nito para sa kaniyang sanggol.
Ayon naman kay Dr. Kim Langdon, isang OB-GYN, maaari ring ang pintig sa puson ng buntis ay hindi lang basta dulot ng pagpa-pump ng dugo ng abdominal aorta.
Ito ay maaring dahil rin sa paggalaw ng sanggol o fetal movement. O kaya naman ay dahil sa gas o hangin sa tiyan. Masasabing ito ang dahilan ng pintig sa puson ng buntis sa oras na tumigil ito kapag nagpahinga ka na o kaya naman ikaw ay umihi o nagbanyo.
Pintig sa puson ng buntis, sintomas na dehyrated si mommy
Dagdag pa ni Dr. Langdon, hindi dapat ipag-aalala ang pulso o pintig na nararamdaman ng buntis sa kaniyang tiyan. Maliban na lang kung ito ay sinasabayan ng iba pang sintomas tulad ng pagkahilo.
Sa ganitong pagkakataon ay mas mabuting magpatingin agad sa iyong doktor para matukoy kung may problema ba sa iyong pagdadalang-tao.
Bagamat hindi naman daw delikado ang pintig sa puson ng buntis, ito ay palatandaan din ng kaniyang katawan na kailangan niyang mas uminom ng tubig lalo na kung ito ay sinasabayan ng pagkahilo. Ito ay palatandaan na dehydrated ang babaeng nagdadalang-tao.
Ang pintig sa puson o tiyan ng buntis ay maaaring dahil rin sa pressure at posisyon ng kaniyang baby. Maaaring ang sanggol ay nakadagan na sa kaniyang abdominal aorta.
Sa pagtulog ng buntis sa gabi ay makakatulong ang pagtulog niya ng patagilid para maibsan ang nararamdaman niyang pintig. Malaking tulong rin ang paglalagay ng unan sa kaniyang likod. O kaya naman ay paglalagay ng unan sa pagitan ng binti para manatili sa posisyon na ito.
Tandaan ang mga nababasa sa artikulong ito ay gabay lamang. Para mas maliwanagan at may dagdag na tanong sa iyong pagdadalang-tao ay mabuting magpakonsulta sa iyong doktor.
Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo at Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!