Bakit hindi gumagalaw si baby? Buhay pa ba siya?
Ito ang isa sa pinaka-nakakapraning na tanong ng mga mommies-to-be. Pero ano nga ba ang normal na galaw ng baby sa sinapupunan? Gaano ito kadalas? At kailan masasabing ang hindi niya paggalaw ay palatandaan na may dapat nang ipag-alala ang isang ina.
Fetal movements ng sanggol
Ang fetal movements o paggalaw ng isang sanggol sa loob ng sinapupunan ay maituturing na isa sa mga nakakakilig na parte ng pagbubuntis. Lalo pa kung ang paggalaw ng sanggol ay kanyang reaksyon sa tuwing maririnig ang boses ng ama o ina niya.
(Image from Stefaan W. Verbruggen, et al./Journal of the Royal Society)
Ayon sa isang review paper na nailathala sa Ultrasound in Obstetrics & Gynecology journal, ang mga fetus ay nagsisimulang gumalaw sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina mula 7 weeks pa lang na ipinagbubuntis. Nagagawa niya ito sa pamamagitan ng dahan-dahang paggalaw sa kanyang leeg.
Sa kanyang paglaki, nadadagdagan ang mga movements o galaw na kanyang nagagawa. Tulad ng pagsinok, paggalaw ng kanyang mga braso at binti, pag-stretch, pag-hikab at pagthu-thumbsuck. Nagsisimula nga umanong maramdaman ng isang ina ang bigger movements ng kanyang sanggol kapag ito ay nasa 16-18 weeks na ng pagbubuntis.
Paliwanag ng isang bioengineer mula sa Imperial College London na si Niamh Nowlan, ang paggalaw daw ng sanggol sa loob ng tiyan ay hindi lang basta palatandaan na siya ay buhay. Ito daw ay maituturing na isang exercise upang maging malusog ang kanyang katawan kapag siya ay naipanganak na. Kaya naman ang kakulangan nito ay maaring mauwi sa congenital disorders ng sanggol. Tulad ng mas maikling joints at mas manipis na buto.
“The baby needs to move (in the womb) to be healthy after birth, particularly for their bones and joints.”
Ito ang pahayag ni Nowlan sa isang panayam.
Gaano kadalas dapat gumalaw si baby?
Ayon sa mga pag-aaral, mas nagiging madalas ang paggalaw ng sanggol sa third trimester ng pagbubuntis. Kung mapapansin sila ay pinaka-active bandang alas-9 ng gabi hanggang ala-1 ng madaling araw. Ito ay dahil sa pagbabago ng blood sugar level ng katawan ng buntis. Habang may mga pagkakataon naman na gumagalaw si baby kapag nakakarinig ng sounds. O kaya sa tuwing siya ay nahahawakan. At may mga pagkakataon namang tila hindi siya gumagalaw. Ngunit dapat na ba agad itong ipag-alala ni Mommy? At ano ang dahilan kung bakit hindi gumagalaw si baby?
Bakit hindi gumagalaw si baby?
Ayon sa WebMD, kung mapapansing hindi gumagalaw si baby, ito ay dahil siya ay tulog. Pero para makasigurado na siya ay maayos at ligtas pa rin sa loob ng sinapupunan ay mabuting i-monitor na ang movements na kanyang ginagawa.
Sa week 20 ng pagbubuntis ay unang mararamdaman ang mga maliliit na paggalaw ni baby. Mas lumalakas ito sa pagdaan ng linggo lalo na kapag siya ay nasa ika-24th week na ng pagbubuntis. At dahan-dahan itong babagal o dadalang kapag siya ay tumungtong na ng 32 weeks ng pagbubuntis. Ito ay dahil mas lumiliit ang kanyang space sa loob ng iyong tiyan. Habang siya ay patuloy na nagdedevelop at lumalaki.
Kaya naman sa stage na ito ng pagbubuntis ay mahalaga na i-monitor ang paggalaw ng iyong sanggol. Magagawa ito sa pamamagitan ng pakikiramdam kung kailan o anong oras siya madalas sumipa. Saka ito i-track at i-record upang iyong masubaybayan.
Pag-track ng paggalaw ni baby
Sa oras na may agam-agam ka kung bakit hindi gumagalaw si baby, may technique na maaring makatulong upang ma-check kung siya ay maayos pa sa iyong sinapupunan. Ito ay sa pamamagitan ng pagbibilang ng movements na kanyang nagagawa sa loob ng dalawang oras. Dapat sa loob ng 2 oras ay hindi bababa sa 10 movements ang nagagawa niyang paggalaw. Lalo na sa mga oras na siya ay active sa mga nakalipas na araw.
Kung pakiramdam mo ay hindi pa rin gumagalaw si baby o mas nabawasan ang kanyang movements sa loob ng 2 oras ay may mga tricks na maaring gawin upang siya ay magising. Ito ay ang sumusunod:
Tricks para pagalawin ang baby sa loob ng sinapupunan
- Mag-merienda o ikaw ay kumain.
- Magsagawa ng ilang jumping jacks saka umupo.
- Marahang kilitiin ang iyong tiyan.
- Tapatan ng may sinding flashlight ang iyong tiyan.
- Humiga ka at kausapin si baby.
- Kumanta ka o magpatugtog ng music.
Kung pagkatapos ng mga tricks na ito ay hindi pa rin gumagalaw si baby ay mabuting magpunta ka na sa iyong doktor upang makasigurado. Para matingnan niya na ang heartbeat ni baby at matigil na ang agam-agam mo.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
SOURCE: WebMD, Live Science, What To Expect
PHOTO: Freepik
BASAHIN: Rooting Reflex Ni Baby: Ano Ito At Bakit Ito Kailangang Alamin?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!