Para sa kahit sinong magulang, malaking kasalanan ang saktan ang kanilang mga anak. Kahit nga pamamalo, ay madalas iniiwasan ng mga magulang dahil sa pagmamahal nila sa kanilang mga anak. Ngunit tila hindi ito inalala ng isang ama, na dahil sa ginawang pang-aabuso sa sanggol ay napatay ang sarili niyang anak.
Pang-aabuso sa sanggol, humantong sa pagkamatay ng bata
Nangyari ang insidente sa Malaysia, kung saan ang ama at ina ng bata ay nagkaroon ng matinding pag-aaway. Dahil raw dito, nasampal ng ama ang kaniyang 6 na buwang gulang na anak.
Dahil natakot ang ina na baka saktan siya at ang kanilang mga anak, umalis siya sa kanilang tahanan at nakitira sa bahay ng isang kaibigan. Kasama niya ang sanggol, at ang 3 pa nilang anak na may edad 2 hanggang 7.
Ngunit matapos ang 3 araw ay bigla na lang raw namatay ang kanilang 6 na buwang gulang na anak. Ayon sa ina, maayos naman raw ang kalagayan ng bata noong araw na iyon, kaya’t gayon na lamang ang kaniyang kalungkutan nang pumanaw ang bata.
Dahil sa nangyari, nag-file ng police report tungkol sa insidente ang kaibigan ng ina. Magsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad tungkol sa nangyari, at aalamin rin ang tunay na cause of death ng bata.
Plano ring kasuhan ang ama ng bata kung sakali mang matukoy na ang kaniyang pananakit ang sanhi ng pagkamatay ng bata.
Bukod dito, posible ring kasuhan ng domestic violence ang ama, dahil raw sa pananakit sa kaniyang asawa. Dati na rin daw nagpagamot sa pagkakaroon ng mental illness ang ama.
Paano makakaiwas sa pang-aabuso?
Heto ang ilang mga importanteng dapat na tandaan ng mga magulang upang masiguradong palaging ligtas ang kanilang mga anak:
- Kapag nakakita ka ng senyales ng pang-aabuso, huwag mag-atubiling lumapit sa mga pulis
- Protektahan ang mga batang sinasaktan o minamaltrato ng kanilang mga magulang
- Kapag mainit ang iyong ulo sa iyong anak, magpalamig muna bago sila kausapin o pagsabihan
- Huwag na huwag pagbuhatan ng kamay ang iyong anak
- Iwasan ring sigawan ang iyong anak
- Turuan ang iyong mga anak na maging mapagmahal at mapag-unawa ng iba
- Tandaan, hindi pa lubos na naiintindihan ng mga bata ang kanilang mga ginagawa. Kaya’t mahalagang intindihin at unawain sila.
Source: Channel News Asia
Basahin: 12 mailap na senyales ng pang-aabuso sa bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!