Pangangaliwa ng asawa o ni mister habang buntis ang kaniyang misis nangyayari sa isa sa kada 10 pagbubuntis. Ayon ito sa isang pag-aaral. Narito kung bakit nangyayari ito at ano ang dapat gawin kung may kabit si mister.
Pangangaliwa ng asawa
Upang mailabas ang sakit na kaniyang nararamdaman at humingi ng payo mula sa kapwa niya mga magulang sa theAsianparent community, ibinahagi ng isang buntis ang kasalukuyang gumugulo sa kaniyang isipan.
Nahuli ng mommy na kasalukuyang buntis ang kaniyang partner na may ka-chat na ibang babae, at sinasabi pa niyang siya’y single. Hindi naman umano ito ang unang beses na ginawa ito ng kaniyang boyfriend. Subalit mas mabigat at masakit umano ito sa ngayon dahil sa buntis siya.
Image screenshot from the Asian parent community page
Ayon sa kaniya, “Paano ‘pag nahuli mo ang partner mo na may ka-chat na mga babae sa dating apps? Sa tagged apps. LDR po kami ng bf ko. Tapos na-discover ko po lahat-lahat kanina, napaiyak na lamang po ako sa sobrang galit ko po sa ginawa niya sa ‘kin.
May pa-chat pa siyang single siya, at naghahanap siya ng “MATINO NA BABAE”. Grabe ang sakit sobra. Akala ko once niya lang gagawin, na lokohin ako eh.
Hindi ko lang pala alam na pang ilan na pala niya akong niloloko. Bakit ngayon pa na buntis ako, ano ba ang dapat kong gawin? Wala na akong ibang maisip ang bigat-bigat na po sa dibdib.
Agad namang nakakuha ng simpatiya mula sa mga kapwa niya babae ang buntis. Sila rin ay nagbigay ng payo sa kung ano sa tingin nila ang mabuting gawin niya. Payo ng isang mommy ay pag-usapan nila ng kaniyang boyfriend ang kanilang problema.
Reaksyon at payo ng iba pang mommies sa buntis
“Mas okay kung mag-usap kayu mommy lalo na sa kalagayan mo. Dapat alam niya sa sarili nya na may responsibility na siya at magkakapamilya kaya dapat hindi na niya ginagawa ang ganiyan. Pag-usapan niyo ng maayos.”
Payo naman ng isang mommy kung kayang ayusin ay ayusin. Pero kung hindi ay hayaan niya muna ang partner niya sa ngayon at mag-concentrate nalang sa magiging anak nila.
“You deserve what you tolerate. Hinayaan mo sa umpisa nasanay siya. Ldr pa naman kayo. Hayaan mo na lang kung kaya niyo ayusin, ayusin.
At kung kaya noya tigilan, tigilan niya na. ‘Wag ka na magpaka-stress, mas isipin mo na lang baby mo. Tapos saka kayo magtuos kapag nakaraos ka na. Mamaya ano pang mangyari sa baby mo.”
Isang buntis na mommy rin ang dumaan sa parehong sitwasyon ang nagbigay rin ng payo base sa kaniyang karanasan.
“Move on po. Kaya mo ‘yan mommy. Ako binitawan ko tatay ng anak ko kasi ‘di niya kaya bitawan ung babaeng kaibigan niya na nakaasa sa kaniya.
Sabi ko lang sa kaniya alam niya saan ako hahanapin kasi kilala naman siya sa bahay. Masakit pero kailangan tanggapin kaysa habang buhay mo pahirapan sarili mo, every time na nasasaktan ka dahil sa kaniya. Im 19 weeks preggy btw.”
Paliwanag ng mga eksperto patungkol sa pangangaliwa
Photo by Amina Filkins from Pexels
Ayon sa isang pag-aaral, hindi naman na nakakagulat o pangkaraniwan na ang pangangaliwa ng asawang lalaki kapag buntis ang misis niya. Ito’y ginagawa umano ng isa sa kada sampung lalaki na may partner na buntis. Mas tumataas pa raw ang tiyansa ng pangangaliwa habang lumalaki pa ang tiyan ng buntis.
Paliwanag naman ng psychotherapist at family coach na si Aparna Samuel Balasundaram may dalawang dahilan kung bakit ito nangyayari.
Una, dahil maaaring nakakaranas ng denial sa pakikipagtalik ang mister. Maaaring dulot ito ng risk sa pagbubuntis ng kaniyang misis. O kaya naman ay dahil sa mood swings nito at kawalan ng gana sa pagtatalik.
Isa pang maaaring dahilan ng pangangaliwa ng asawa kapag buntis ang kaniyang misis, dahil sa nakikita niyang threat ang pagdating ng baby sa kanilang pagsasama. Iniisip niya na sa pagdating ng kanilang sanggol ay mawawalan na ng oras ang misis niya sa kaniya. O kaya naman ay hindi na nila magagawa ang mga bagay na dati nilang ginagawa.
Mga dapat gawin ng mga buntis upang maiwasang mangaliwa ang kanilang mister
Ayon pa rin kay Balasundaram, may magagawa ang mga babaeng buntis upang maiwasan ang pangangaliwa ng asawa nila. Ito’y ang sumusunod:
Huwag masyadong alalahanin ang iyong katawan.
Hindi dapat maging hadlang ang iyong pagbubuntis para maging attractive pa rin sa mata ng iyong partner. Hindi rin dapat ito maging hadlang para manatili kayong active sa pagtatalik.
Bagama’t kailangan mong maging maingat, panatilihin mong kaaya-aya ang iyong sarili para sa iyong partner. Iparamdam pa rin sa kaniya ang iyong pagmamahal at lambing kahit may baby na kayong paparating.
Huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor tungkol sa mga sex positions na maaari ninyong gawin ng iyong partner.
Para mawala ang iyong agam-agam sa pakikipagtalik habang buntis, makakatulong na itanong sa iyong doktor ang mga sex positions na safe mong gawin. Upang maging kampante ang iyong isip na safe si baby habang nagtatalik kayo ni mister.
Bago magbuntis siguraduhin na gusto ninyo pareho ang magka-baby.
Bago pa man ang pagbubuntis, dapat alamin mo muna kung gusto o nasa isip na ba ito ng iyong partner. Ito’y para makaiwas sa problema sa inyong relasyon na maaaring makaapekto rin sa pagbuo ng inyong pamilya at sa magiging kinabukasan kung sakali ng inyong magiging anak.
Ayusin muna ang hindi ninyo pagkakaintindihan o conflicts sa inyong relasyon bago magbuntis.
Para masigurong ok at less stress ang iyong pagbubuntis, dapat masigurong maayos ang relasyon ninyo ng iyong mister. Mabuting bago pa man ang pagbubuntis ay ma-plantsa o maayos ninyo na ang mga gusot o hindi pagkakaintindihan sa pagitan ninyong dalawa.
Ano ang dapat gawin kung may kabit si mister?
People photo created by yanalya – www.freepik.com
Kung sakali namang nahuli mong may kabit si mister ay narito ang mga bagay na maaari mong gawin.
- Una, manatiling kalmado at huwag magpadalos-dalos sa iyong mga aksyon. Kapag kalmado ka na sa,ka makipag-usap ng diretsahan sa iyong partner tungkol sa iyong natuklasan. Pakinggan ang kaniyang paliwanag at saka alamin kung paano ninyo maayos ang problema.
- Hindi mo rin dapat sisihin ang iyong sarili tungkol sa nangyari. Subalit kailangan mong alamin kung bakit ito nagawa ng iyong partner o asawa. Para malaman ninyo kung ano ang dapat baguhin o kaya naman ay i-improve pa sa inyong relasyon. Para na hindi na maulit pa ang naging problema sa inyong pagsasama.
- Kung patuloy pa rin ang agam-agam sa nangyari makakatulong ang pakikipag-usap sa ibang tao tulad ng iyong mga kaibigan. Para gumaan ang iyong pakiramdam at makapag-isip ka ng mabuti.
- Ang isang relasyon ay dapat binubuo ng pagmamahal, respeto at tiwala. Isa sa mga paraan para maipakita ito ay ang pagbibigay ng oras sa pakikinig sa iyong asawa o partner sa oras na dumadaan sa pagsubok ang inyong pagsasama. Dapat din ay maging bukas o open kayo sa lahat ng oras sa isa’t isa. Subalit kailangan ding isaisip na bagama’t kayo ay mag-asawa na kailangan pa rin ninyo ng privacy para sa inyong mga sarili. Mas magiging maliwanag ito sa pagitan ninyong dalawa kung kayo ay mag-uusap at magse-set ng boundaries sa isa’t isa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!