Para sa maraming mga ina, matinding pagpaplano ang ginagawa nila para sa kanilang pangananak. Ang iba pa nga ay gumagawa ng schedule upang pagdating ng kanilang due date ay wala nang magiging problema. Ngunit paano kung bigla kang abutan ng panganganak sa bahay? Handa ka ba, mommy?
Ano ang gagawin mo kung abutan ka ng panganganak sa bahay?
Ayon kay Mommy Honesty na nagpost sa aming app, naramdaman raw niya na sumakit ang kaniyang puson ng bandang 1:30 ng hapon. Pagpatak raw ng 3:30 ay naramdaman niya na pumutok na ang kaniyang panubigan.
Dahil dito, naghanda na silang pumunta sa ospital upang doon manganak. Ngunit bago pumunta sa ospital ay nagbanyo raw muna siya, dahil inakala niya na nadudumi siya.
Kaya’t laking gulat na lang niya nang mapansin na nanganganak na pala siya sa banyo! Dahil dito, tumawag na lang sila ng midwife na tumulong sa panganganak.
Sa kabutihang palad ay naging matiwasay at maayos naman ang panganganak, at healthy ang kaniyang baby.
Nangyari ang panganganak sa bahay matapos ng 3 miscarriage
Sa mga naging comments sa kaniyang post ay maraming mga mommy ang nagbahagi ng positibong mensahe at congratulations. Tanong pa ng isang mommy kung ito raw ang una nilang baby, at ayon kay Mommy Honesty, ito raw ang una nila matapos ng 3 miscarriage.
Talagang nakakatuwa ang mga ganitong kuwento dahil kahit ano pang klaseng pagpaplano ang gawin, may mga pagkakataon talaga na inaabutan ng panganganak ang mga ina sa mga hindi inaasahang lugar.
Kaya’t importante na palaging maging handa, at alamin kung ano ang iyong puwedeng gawin kung sakaling abutan ka ng panganganak nang wala sa ospital.
Gaano ka-safe ang panganganak sa bahay?
Bago pa man magkaroon ng mga ospital at advanced na paraan ng panganganak, ang mga ina ay kadalasang nanganganak mismo sa kanilang mga tahanan. Sa tulong ng mga midwife o kumadrona, nasisiguradong ligtas at walang problema ang kanilang panganganak.
Kung tutuusin, hanggang ngayon nga ay ginagawa pa rin ito, lalo na sa mga lugar kung saan mahirap magkaroon ng access sa mga ospital at tulong ng doktor.
Ngunit gaano nga ba ka-safe ito? Dapat ka bang mag-alala kung sakaling hindi ka sa opsital abutan ng panganganak?
Image from Unsplash
1. Sa panahon ngayon, safe naman ang home birth
Dahil sa mga naging pagbabago sa medisina, mas safe na ngayon ang panganganak sa bahay, lalo na kung mayroong kasamang doktor o midwife. Basta’t sinusunod lamang ang tamang procedure, at buwan-buwan ay nagpapacheck-up ang ina, ang pagkakaroon ng home birth ay posibleng maging option.
2. Hindi lahat ng ina ay maaaring isagawa ito
Ngunit mahalaga ring malaman na hindi lahat ng ina ay posibleng magsagwa ng home birth. Kadalasan, safe ito sa mga ina mayroong normal pregnancy, at wala ring mga kondisyon na nakuha habang nagbubuntis.
Para sa mga ina na mayroong preeclampsia, breech o suhi na baby, o kaya ay kinakailangan ng caesarean section, hindi nirerekomenda ang home birth.
3. Mahalaga pa rin ang mayroong kasamang doktor, o kaya professional midwife
Importante rin na mayroong kasamang health professional, tulad ng doktor o midwife kung nais mo magkaroon ng home birth. Ito ay upang makaiwas sa mga komplikasyon, at kung magkaroon man ng problema ay agad-agad na maaagapan.
Image from Unsplash
4. Dapat ay kumonsulta muna sa doktor bago ito gawin
Mahalaga rin ang pagkonsulta sa doktor bago magsagawa ng home birth. Ito ay upang malaman mo kung safe ba itong gawin para sa iyo at kay baby.
5. Mahalagang alamin ang panganib
Higit sa lahat, alamin na mayroong panganib ang pagkakaroon ng home birth. Kung mayroong emergency na kailangan ng ospital ay baka mahirapan ang mga mommies na gustong manganak sa bahay.
Kaya’t mahalagang pag-isipan at pagplanuhan ito ng mabuti bago pa manganak sa bahay.
Source: theAsianparent Community, WebMD
Basahin: Dahil sa sobrang traffic sa EDSA, nanay nanganak sa kotse!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!