Kapag hindi ba sumusunod ang iyong anak, pasaway na bata na ba siya? Alamin kung paano dapat disiplinahin ang batang sensitibo at mahirap pasunurin.
Mababasa sa artikulong ito:
- Dapat mo bang bansagan na “pasaway” ang bata kapag ayaw niyang sumunod?
- Paano didisiplinahin ang sensitibong bata
- Anong dapat sabihin sa iyong anak kapag hindi siya nakikinig
Isa sa mga pinakamahirap na bahagi ng pagiging magulang ang pagdidisiplina sa ating mga anak. Lalo na kung hindi mo alam kung ano ang tamang paraang para disiplinahin siya.
Minsan, kahit anong subok natin, tila hindi sila nakikinig at sa halip ay lalong tumitindi ang pagmamaktol. Pero ibig sabihin ba nito na pasaway ang bata?
Bilang magulang, kailangan mong tandaan na magkakaiba ng ugali ang mga bata. Walang one-size-fits-all pagdating sa pagdidisiplina.
Sa aking mga anak, mayroong isang sabi mo lang ay susunod kaagad, at mayroon rin namang mas mahirap kausapin at pasunurin. Ito ang mga batang sumusubok talaga ng ating pasensiya.
Mga batang sensitibo – pasaway na bata ba?
photo: dreamstime
Ayon kay Dr. Maureen Healy ng Psychology Today, maaaring ang pagiging “pasaway” ay dulot lang ng pagiging sensitibo nila. Ang pagiging “strong willed” ay hind naman laging masama. Sabi nga ng iba, nag-aadjust lang ang mga anak natin sa pagiging independent, isang natural na parte ng development nila.
Si Dr. Becky Kennedy, isang sikat na child psychologist at parent coach, ay may tawag sa mga batang sensitibo at tila mas mahirap pasunurin o kausapin.
Binansagan niya silang “deeply feeling kids.” Gaya ng sabi ni Dr. Healy, mayroong talagang mga batang mas sensitibo pagdating sa kanilang emosyon kaya hindi sila nagre-respond sa mga karaniwang paraan ng pagdidisiplina na epektibo sa ilang bata.
“Deeply feeling kids feel things intensely. They escalate quickly. They go to anger and rage and they have a harder time coming down and feeling grounded. These kids often don’t respond well to so many of the parenting interventions we hear so much about,” aniya.
Subalit ani Dr. Becky, walang masama o hindi masama o pasaway ang mga batang ganito. Kailangan lang nila ng ibang approach ng pagdidisiplina.
Pahayag niya,
“There is nothing wrong with these kids. They just need to be understood and they need intervention that are a little bit different from other kids.”
Paano disiplinahin ang batang sensitibo at ayaw makinig
Ayon kay Dr. Becky, isa sa mga mahalagang bagay na dapat tandaan sa mga deeply feeling kids ay naiuugnay nila ang pagdidisiplina sa shame o pakiramdam na na napapahiya o nahuhusgahan sila. Kapag naramdaman nila ito, lalong titindi ang kanilang emosyon o galit.
“One of the key points with deep feeling kids is their vulnerability sits so close to their shame. It’s almost like they can’t feel vulnerable in an emotion without shame getting activated as well.
So what does that mean? They shut down. They push parents away when they actually need parents the most,” paliwanag ng batikang psychologist.
Larawan mula sa Freepik
Kung ganoon, ano nga ba ang tamang paraan ng pagdidisiplina sa mga ganitong klaseng bata? Narito ang ilang tips ayon sa mga eksperto:
-
Maging consistent sa mga patakaran
Mas magiging madali para sa bata kung alam niya ang mga dapat at hindi dapat gawin upang maiwasan ang pagmamaktol o pagtaas ng emosyon sa mga bagay.
Siguruhing naiintindihan niya ang mga patakaran sa bahay. Kung alam niya kung ano ang aasahan niyang mangyayari o magiging resulta ng isang aksyon, mas mahihikayat siyang gawin ang tama.
Kaya hindi makakabuti sa mga bata ang pabugsu-bugsong parusa dahil lalo lang silang magagalit o hindi makikinig sa’yo.
-
Iwasan ang pagalitan, pahiyain o asarin ang bata
Dahil nga madali nilang naiuugnay sa shame o pakiramdam ng hiya ang isang emosyon, dapat ay maging maingat ka sa pagdidisiplina sa bata.
Ayaw mong maramdaman niya na pinapahiya mo siya o na wala na siyang ginawang tama. Gayundin, iwasan ang pagbibigay ng mga labels o bansag sa bata kapag nagiging mahirap siyang disiplinahin. Huwag mong sabihin na isa siyang sutil o pasaway na bata.
-
Sa halip na pilitin, maging mabuting modelo sa bata
Mahirap naman talagang puwersahin o pilitin ang iyong anak kapag ayaw niyang gawin ang isang bagay. Maaaring imbis na makinig siya sa ‘yo ay gawin pa niya ang kabaliktaran ng pinapagawa mo. Kaya naman ang pamimilit ay hindi talaga isang epektibong paraan ng pagdidisiplina.
Mas makabubuti kung sa halip na pilitin siya, i-modelo o ipakita mo sa iyong anak ang tamang asal at gawain. Humingi ng paumanhin kapag nagtaas ka ng boses o kaya ay hindi mo naintindihan ang kaniyang sinasabi.
-
Purihin siya kapag positibo ang kaniyang ipinapakita
Sa halip na antayin silang magkamali para disiplinahin sila at bigyan ng parusa, mas maganda kung itutuon mo ang iyong atensyon sa positibong ginagawa ng iyong anak. Purihin siya kapag napansin mong nakikinig siya sa sinasabi mo o kaya naman ay maayos ang tugon niya sa iyo.
-
Ipakita mong kakampi ka nila
Nagre-respond ang mga anak mo sa mood, tono ng boses, at pag-uugali mo. Kung pagsasabihan mo lang sila, dinidistansya mo ang sarili mo imbis na maramdaman nila na suportado mo sila.
Iparamdam mo sa kanila na magkakampi kayo at gusto mo lang siyang mapabuti kaya mo siya pinagsasabihan. Ipaalala mo sa kanya ang mga sinasabi ng mga magulang natin noon pa man: ang pag-didisiplina ay isang paraan na ipakita ng magulang ang kanilang pagmamahal.
BASAHIN:
WARNING: Ito ang epekto kapag tinatakot ang bata bilang paraan ng pagdidisiplina
5 Things You Can Do To Raise An Emotionally Secure Child
Uri ng disiplina sa batang umiiyak kapag natatalo sa isang bagay
-
Maging bukas sa negosasyon
Tanungin mo muna siya, “Bakit ka naiinis? Paano kita matutulungan? Anong kailangan mo?” Sa paraang ito, nai-empower ang bata at hindi nila nararamdamang hindi sila pinahahalagahan.
Tulad nang pagpapakita na kampi kayo, ang pagkakaroon ng bukas na linya ng komunikasyon ay isang epektibong paraan kung saan matuturo mo sa anak mo ang mga “social skills” at pag-explain ng emosyon nila, isang importanteng parte ng paglaki nila.
-
Iparamdam mo na naniniwala ka sa kakayahan nila
Ang mga batang sensitibo sila ay madaling maapektuhan ng mga salita at gawa ng magulang nila. Halimbawa, kung hirap sila sa math, huwag mo silang pagalitan agad.
Imbes, hanapin mo ang “strengths” nila para tumaas ang self-confidence nila. Kunwari sabihin mo, “Mahirap din ang math, kahit ako nahihirapan sa math pero huwag kang mag-alala magaling ka sa reading at kakayanin mo din ang math.”
Ayon nga sa parenting coaches na Little Big Feelings sa Instagram, “An escalated adult cannot de-escalate an escalated child.”
Bago mo disiplinahin ang iyong anak, siguruhin na nasa tama kang disposisyon kung saan makakapagsalita ka ng mahinahon at hindi nagagalit o nagtataas ng boses. Sapagat kapag sumigaw ka o nagsabi ng masama, lalong hindi makikinig sa iyo ang bata at sa halip ay lalong lalayo ang loob niya.
Kapag kinausap mo ang iyong anak sa paraang maayos at mahinahon, binibigyan mo ng mabuting halimbawa ang bata at maiisip niyang kahit gaano kahirap ay posible naman palang kontrolin ang kaniyang damdamin.
-
Iparamdam mo sa kanilang hindi mo sila iiwan
Isa sa kinatatakutan ng mga sensitibong bata ay ang mawawala ang pagtingin sa kanila ng kanilang magulang kapag mayroon silang nagawang mali, kaya inuuunahan na nila ito sa pamamagitan ng pagtulak sa mga magulang nila palayo.
Para maiwasan ang ganitong sitwasyon, dapat maramdaman ng bata na hindi mo siya iiwan, lalo na sa puntong ito na nahihirapan siya.
Kung nakakaramdam siya ng galit, hayaan siyang ilabas ito sa tamang paraan, at ipaalala sa kaniya na nariyan ka lang kung kailangan ka niya.
Dapat maiparating mo sa iyong anak na anuman ang mangyari at anuman ang gawin niya, hinding hindi magbabago ang pagmamahal mo sa kaniya.
Larawan mula sa Pexels
Mahirap magdisiplina ng anak, lalo na kung ang bata ay may pagkasensitibo at hindi nakikinig. Subalit hindi naman ibig-sabihin nito na siya ay isang pasaway na bata, o masama kang magulang.
Kailangan mo lang talagang humanap ng magandang paraan upang magkaintindihan kayo at maiparating ang pagmamahal niyo sa isa’t isa. Pasensya lang, mommy. Kaya mo ‘yan.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Dr. Becky at Good Inside, Healthy Place
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!