Maaaring minsan ay nasasabihan ka ng anak mo na masyado kang mahigpit dahil hindi mo sila hinahayaan na gawin lang ang kanilang gusto.
At maaaring maramdaman mong tama siya. Pero kapag mayroon naman sa iyong pumuri na ibang tao dahil sa pagdidisiplina mo sa iyong anak, malilito ka kung ano ba talaga ang tama. Kailangan nga bang maging mahigpit para di lumaking pasaway ang anak?
Siguradong naka-encounter ka na ng mga batang spoiled at pasaway na anak at sinabi mo sa sarili mong ayaw mong maging ganun ang iyong anak. Kaya naman kung sa tingin mo ay nagiging masyado ka nang mahigpit sa iyong anak, alalahanin mo lang ito.
Kaya naman kung nasasabihan ka ng mga tao na masyado kang uptight o mahigpit sa iyong anak, huwag kang magpadala. Hindi naman masama ang tough love, dahil pagmamahal pa rin ito.
12 bagay na madalas ginagawa ng mga “mean mom”
1. Pinapatulog nang maaga ang mga bata
Nasabihan mo na ba ang anak mo na masamang magpuyat? Dapat mo itong gawin dahil para rin naman sa kanila ang paalalang ito. Bukod sa kailangan nila ang pahinga para sa enerhiya, nakakatulong din ito sa pag-boost ng immune system.
2. Hindi mo binibigyan ng dessert ang bata kung kailan niya gusto
Kaya nga ito tinatawag na “treat” ay dahil hindi naman talaga dapat ito palagi. Kailangan din matutunan ng iyong anak na masama ang too much sugar para sa kanila. Puwede mo ring sabihin na nagdudulot ito ng black teeth at maaring pumunta kayo lagi sa dentista kapag nangyari ito.
3. Hayaan mo silang i-earn ang mga bagay bagay
Kung mayroon silang gusto, kailangan nila itong i-earn. Hindi dapat ibigay lang ang kanilang gusto sa lahat ng oras. Puwede mong bigyan ang bata ng allowance para matuto kaagad silang mag-budget ng pera at maging wise sa pag gastos.
4. Huwag iparamdam sa kanilang naka-ayon ang lahat sa kanila
Kailangan na magsimula ito sa inyong bahay. Kailangan mong ipaintindi sa kanya na hindi lahat ng bagay ay naka-ayon sa kanila. Hindi lahat ay puwede nilang makuha o makontrol base sa kagustuhan lang nila. Sa ganitong paraan, ipine-prepare mo rin sila para sa real world.
5. Hayaan silang makaranas ng mahihirap na gawain
Huwag silang tulungan agad kung nahihirapan silang gumawa ng mga bagay bagay. Mainam ang struggle dahil dito sila matututo.
6. Bigyan sila ng alarm clock o orasan
Kailangan matutunan ng mga bata na mag-manage ng kanilang oras. Kung hindi nila ito agad matutunan ay magiging sanay sila na late sa lahat ng bagay. Ito rin ay makakapag-boost ng kanilang confidence. Dahil mararamdaman nilang responsable na sila.
7. Huwag silang bilihan ng latest o pinakamagandang gamit
Kung ayaw mo ng spoiled na anak, huwag mo silang sanayin na nasa kanila ang lahat. Kailangan nilang maintindihan na hindi lang ito ang mahalaga sa buhay. Bigyan mo sila ng lesson tungkol sa true value ng mga bagay. At sa paraang ito, magkakaroon sila ng sense of gratitude at matututo silang makuntento sa mga bagay na mayroon sila.
8. Hayaan mo silang makaranas ng pagkatalo
Kung mayroon silang nasira, hindi mo ito kailangang palitan. Kailangan nilang matuto na alagaan ang mga gamit na mayroon sila. Sa katunayan, hayaan silang magkamali minsan. Ito ang makakapagpaintindi sa kanila ng responsibilidad at accountability.
9. Kontrolin ang kanilang screen time
Importante ang screen time. Hindi dapat hayaan ang bata na masyadong ma-expose sa gadgets dahil magiging unhealthy obsession ito. Maging strikto pagdating dito dahil para talaga ito sa ikabubuti ng iyong anak.
10. Turuan silang mag-apologize
Pasaway na anak
Kung hindi alam ng iyong anak kung paano mag-sorry at matukoy kung kasalanan niya, paano na lang kapag tumanda siya? Paano sila magkakaroon ng healthy long-term relationships?
Kapag may ginawa siyang mali, ipa-realize ito kaagad sa kanila at huwag matakot na magbigay ng consequences. Hindi mo dapat ipagsawalang bahala ang pagiging rude at dishonest ng isang bata.
11. Paaalalahanan sila palagi tungkol sa manners
Kailangang maaga pa lang sa buhay ng isang tao ay matuto na siya ng manners. Magiging habit ang sa una pa lang na rude behavior kung papabayaan mo lang ito. Kailangan mo siyang turuan na maging polite at masunurin.
12. Turuan sila ng mga volunteer work
Puwedeng simulan mo ito sa pag-require sa kanilang tumulong sa mga gawaing bahay o sa pagtulong sa mga lolo at lola nila. Tinuturo nito sa kanila ang pagiging generous at compassionate.
Bukod dito, made-develop din ang empathy sa kanila. Mainam ito dahil maiintindihan nila na may mga problema na mas malaki sa mga problema nila at magiging mas maunawain sila.
Ang pagiging “mean mom” ay nakakabuti rin minsan
Huwag mag-alala kung sinasabihan ka minsan ng iyong anak na masyado kang mahigpit. Sa katunayan, ipagpatuloy mo lang ito dahil sa huli ay pasasalamatan ka pa nila para rito.
Imbis na mainis sa kanila, sabihin lang at i-reassure sila na mahal mo sila kaya mo iyon ginagawa. Kapag sila ay tumanda at naging mabuti lahat, masasabi mo na nagawa mo nang maayos ang iyong part sa kanilang buhay.
Translated with permission from theAsianParent Singapore
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!