Hindi lang palo, kundi pati mga salita ay nakakasakit ng bata. Alamin kung bakit dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- “Hindi mo na ako love?” Bakit dapat iwasang sabihin ito sa iyong anak.
- Bakit nakakasama ang pagkontrol sa damdamin ng iyong anak
“Hindi mo na ba love si Mommy?”
Noong hindi pa ako magulang, ayos lang sa akin na naririnig ang salitang ito. Parang wala namang masama kung naglalambing ang magulang sa isang anak.
Subalit nang naging magulang na ako, natuklasan ko na hindi pala magandang sinasabi ito sa bata. Bukod sa nagiging “needy” ang tingin sa iyo ng iyong anak, nasasaktan mo na pala ang damdamin niya.
Kahit ang iyong mga salita ay nakakasakit ng bata
Lagi nating na ang pananakit o pang-aabuso sa ating mga anak ay sa pisikal na paraan lamang. “Hindi ko naman siya pinagbubuhatan ng kamay, so hindi ko nasasaktan ang anak ko.”
Subalit pagdating sa mga bata, madalas ang ating mga salita ay mas malakas kumpara sa ginagawa at mas nakakasakit ng bata habang-buhay.
Ang nakakasakit na sinabi sa isang 5-taong-gulang na bata ay maaaring magkaroon ng matinding impact kumpara sa pagpalo sa puwet dahil sa maling nagawa nito.
Bilang magulang, hindi natin alam na nakakasakit na pala ito sa ating anak. O kaya naman ay nakuha lang natin ito sa ating mga magulang. Ito kasi ang paraan ng pagdidisiplina nila noon.
Mga bagay na nakakasakit ng damdamin ng iyong anak
1. Panlalait sa harap ng pamilya, kaibigan at mahal sa buhay
Bilang magulang, gusto nating pinagmamalaki ang mga kakayahan ng ating anak sa ibang tao Ngunit madalas na kapag hindi nila nagawa, minsan ay hindi natin mapigilang magbitaw ng masasakit na salita sa kanila.
Madalas ginagawa ito sa harap ng mga bisita sa mga ganitong sitwasyon. Marahil ay napapahiya ang magulang kaya nagagawa niyang pagsalitaan o ipahiya ang sariling anak.
Subalit ito ay isang uri ng bullying na hindi natin namamalayan ay nagagawa na pala natin sa ating anak. Kadalasan, nagdudulot ito ng pakiramdam ng rejection sa bata at lubos na nakakasira sa kaniyang self-esteem.
Dapat din natin itigil ang pagtrato sa mga bata bilang sanggol kahit pa alam nating naiintindihan at nararamdaman nila ang lahat at pabirong nagkokomento sa sa harap ng iba.
“Tignan mo, kita mo paano niya ginagawa ‘yon? Bakit hindi mo magawang maging tulad niya?”
Madalas kapag may nasasabi tayong ganito o kinukumpara ang anak sa iba, nawawalan ang bata ng kumpiyansa sa kaniyang sarili.
photo: dreamstime
2. Pagbabanta o emotional blackmailing na nakakasakit sa bata
Nasabi mo na ba ang mga ito sa iyong anak?
“Sige na, huwag ka nang sumunod sa’kin, kasi si Daddy lang ang love mo.”
“If you don’t hug Lola, I will cry.”
O kaya sasabihin sa isang kapatid, “Halika na dito, ikaw na lang ang love ko kasi good girl ka.”
Pabiro man ito o hindi, hindi dapat ito sinasabi sa bata. Ito ay paglalaro sa emosyon ng bata at pagpapakita sa kanila na kapag may gusto kang gawin na bagay, dapat ay sumunod sila para mapasaya ka.
3. Hindi pagbibigay ng atensyon sa nais nilang sabihin
Napakarami nating paalala at sinasabi sa ating anak – huwag maglaro sa putik, maghugas ng kamay bago kumain, huwag lalabas ng classroom nang walang pahintulot ng teacher, huwag magsalita kapag nagsasalita ang teacher…
Subalit nasubukan mo na bang pakinggan kung ano ang gusto niya?
Minsan, gusto lang natin na pakinggan at sundin tayo ng ating anak. Kapag hindi sila sumunod ay pagagalitan natin sila. Pero hindi naman natin sila tinatanong kung sang-ayon ba sila dito.
Kung bibigyan mo lang ng atensyon ang iyong anak at pakikinggan ang pananaw niya, mas magkakaintindihan kayo at maiiwasan mong gumawa ng bagay na makakasakit sa kaniya.
4. Sinisigawan ang iyong anak
Ang pagsigaw, pagmumura at maging mga kilos na nagpapakita sa bata na galit ka ay isang paraan ng emosyonal na pananakit sa iyong anak.
Minsan, nagagawa ito ng magulang upang takutin ang bata at para mapasunod ito sa gusto nilang mangyari. Subalit maraming pag-aaral ang nagsabi na hindi naman nakakatulong ang takot o fear sa pagdidisiplina ng bata.
Pagalitan sila nang may pagmamahal, kalmado, at hindi gumagamit ng mga nakakasakit na salita. May paraan para maging mahigpit sa kanila nang hindi ipinaparamdam na hindi sila mahal.
5. Hindi pagpansin sa kanila
Minsan, para maiwasan ang masigawan ang mga bata, may mga magulang na hindi na lang pinapansin ang kanilang mga anak. Sa madaling salita, silent treatment.
Minsan pa, ipaparamdam nila ang inis nila sa bata sa pamamagitan ng pagiging malapit sa isang anak tapos ay tahasang hindi kakausapin ang isang anak na sumuway sa kaniya.
Subalit ayon sa mga psychologist, ang silent treatment ay isang masamang uri ng punishment dahil nagdudulot ito ng mental at psychological abuse.
Gayundin, hindi naman ito epektibong uri ng pagdidisiplina, dahil maaaring gumawa ang bata ng mas matinding bagay para makuha ang atensyon ng kaniyang magulang.
Gaya ng nabanggit, marahil ay hindi natin alam na ang ganitong aksyon o pagdidisiplina ay nakakasama para sa ating mga anak. Marahil ay nakuha lang din natin ito sa ating mga magulang. Subalit hindi dahil ginagawa na ito dahil, ibig sabihin ay tama na ito.
“You don’t love me anymore!”
Anong sinasabi mo na nakakasakit ng damdamin ng bata | Larawan mula sa Pexels
Minsan ko na ring nasabi ito sa aking anak dahil sa inis ko sa kaniya. Ilang beses ko na kasi siyang pinagsabihan sa dapat niyang gawin pero parang hindi niya ako sinusunod.
Subalit agad kong pinagsisihan ang aking nasambit dahil nakita ko ang lungkot sa mata ng aking anak. Sa kaniyang reaksyon (parang pinipigil ang pag-iyak), alam ko na nasaktan ko ang damdamin niya.
Pero bakit nga ba hindi dapat sinasabi itong salitang ito, at mga ganitong klase ng nakakasakit na salita sa bata? Narito ang tatlong dahilan:
Ipinaparating nito sa bata na nakasalalay sa kanila ang ating kasiyahan.
Ang masaklap dito, naririnig ito ng bata mula sa kaniyang mga magulang o sa mga taong malapit sa kaniya. Tayo na dapat nagtuturo sa ating anak na pangasiwaan ang sarili niyang emosyon.
Bilang magulang, dapat ipakita natin sa ating anak na kaya nating kontrolin ang ating mga emosyon. Dapat nating iparating sa kanila na sila ang may hawak ng sarili nilang emosyon, at hindi ito nakasalalay sa ibang tao.
Ito ay isang uri ng guilt-tripping o emotional blackmail.
Minsan, sinasasabi ng mga magulang ang salitang ito para ma-guilty ang kanilang anak dahil hindi nila ginagawa ang isang bagay. Kapag guilty ang iyong pakiramdam, napipilitan kang gawin ang isang bagay kahit labag sa iyong kalooban.
Kapag sinasabi mo sa iyong anak na hindi ka niya mahal dahil hindi ka niya sinusunod, isa itong uri ng manipulation at hindi mo dapat ginagawa sa iyong anak. Narito ang ilang epekto ng manipulation sa isang tao:
- Nagiging malungkutin o depressed
- Nagkakaroon ng anxiety
- Laging sinusubukang ma-please ang isang tao kahit labag sa loob niya
- Nagsisinungaling tungkol sa kanilang nararamdaman
- Inuuna ang pangangailangan ng iba bago ang kanilang sarili
- Nahihirapang magtiwala sa ibang tao
Bukod sa mga hindi magandang epekto na nabanggit, maaring isipin ng bata na tama ang ganitong pag-uugali at makasama sa kaniya sa hinaharap.
Parang sinasabi mong posibleng magbago ang pagtingin mo sa kaniya.
Kailangang maramdaman at maiparating natin sa ating anak na hindi magbabago ang pagmamahal natin sa kanila kahit anuman ang maging aksyon nila. Sundin man nila tayo o hindi.
Ayon sa clinical psychologist at parenting expert na si Dr. Becky Kennedy,
“Our children need to hear that our love is consistent and dependable. Especially when they are acting out.”⠀⠀
Aniya, nakakatulong ito para sa self-esteem ng bata at mas matututunan nilang gawin kung ano ang tama. Dagda pa niya
“Kids need to know that a parent’s love is dependable and won’t change based on good or bad behavior. This actually helps them feel more stable and secure, which promotes more regulated behavior.”
Bakit hindi mo dapat kinokontrol ang iyong anak?
Ayon sa isang pag-aaral mula sa University College London, ang mga tao na nagsabing hindi naging controlling at mas mapagkalinga ang mga magulang ay lumaking mas masaya at kuntento kumpara sa mga taong nakaramdam ng psychological control mula sa kanilang mga magulang.
Ayon kay Mai Stafford, ang lead author ng pag-aaral:
“We found that people whose parents showed warmth and responsiveness had higher life satisfaction and better mental wellbeing throughout early, middle and late adulthood.
By contrast, psychological control was significantly associated with lower life satisfaction and mental wellbeing.”
Aniya, ilang halimbawa ng psychological control ay kapag hindi nila hinahayaang magdesisyon ang bata para sa kanilang sarili, kawalan ng privacy, emotional blackmail at hindi sila hinahayaang maging independent.
Iba naman ang psychological control sa behavioral control. Ilang halimbawa ng behavioral control ay pagset ng curfew, pagbibigay ng gawaing-bahay at pagsiguro na ginagawa ng bata ang kaniyang homework.
Ito ay pag-set ng limitasyon sa ilang behavior o aksyon, pero hindi ang emosyon o damdamin ng bata.
Sa psychological control, nararamdaman ng bata na kinokontrol ng magulang ang lahat ng ginagawa niya, at kinokontrol sila sa pamamagitan ng guilt. Pinararamdam ng magulang sa bata na hindi sila mamahalin kung hindi niya gagawin ang gusto nila.
“We know from other studies that if a child shares a secure emotional attachment with their parents, they are better able to form secure attachments in adult life.
Parents also give us a stable base from which to explore the world, while warmth and responsiveness has been shown to promote social and emotional development.” ani Stafford.
“By contrast, psychological control can limit a child’s independence and leave them less able to regulate their own behavior,” dagdag niya.
Narito ang ilan pang senyales ng mga controlling na magulang:
- Gustong sinusunod sila lagi at bawal suwayin ang kanilang sinabi
- Hindi hinahayaan ang anak na magtanong tungkol sa kanilang desisyon
- Hindi hinahayaan ang bata na magdesisyon para sa kaniyang sarili
- Walang puwang para maging independent ang bata
- Laging dinidiktahan ang anak sa kung anong dapat niyang gawin
- “Tumutulong” kahit hindi naman kailangan ng anak
- Ginagamit ang mga dahilang “Because I said so,” kapag nagdidisiplina
- Mina-manipulate ang emosyon ng anak sa pamamagitan ng guilt
- Negatibo ang approach sa disiplina, tulad ng pagpapahiya o silent treatment
Tamang paraan ng pagdidisiplina nang hindi kinokontrol ang bata
Ngayong alam na natin ang mga hindi dapat ginagawa o sinasabi sa bata, at ang masamang epekto nito, ano ang dapat nating gawin?
Ibig-sabihin ba nito ay hindi sila pwedeng pagbawalan at malaya lang silang gawin ang gusto nila?
Hindi. Bilang magulang, responsibilidad mo na disiplinahin ang iyong anak. Pero dapat ay gawin mo ito ayon sa nararapat at sa ikakabuti nila, at hindi ayon sa iyong emosyon. Gaya ng laging sinasabi, iwasang magdesisyon o magsalita kapag galit ka.
Pwede ka pa rin namang magbigay ng limitasyon. Maari mo pa ring iparating sa iyong anak kung anong inaasahan mo mula sa kaniya. Subalit dapat ay hindi matapos doon. Kausapin mo ang iyong anak at ipaliwanag kung para saan ang mga patakaran. Ipaintindi sa kanila kung bakit ka nakarating sa desisyon na iyon.
Kung hindi sila sang-ayon, pag-usapan niyo itong muli pero huwag mo subukang kontrolin kung ano ang mararamdaman nila. Hayaan rin silang magsalita at pakinggan ang kanilang sinasabi. Ipakita mo na kahit magkaiba ang inyong pananaw, nirerespeto mo pa rin ang opinyon niya.
Sa huli, ikaw pa rin naman ang magdedesisyon kung may kinalaman ito sa kalusugan at kaligtasan ng iyong anak.
Higit sa lahat, dapat ay iparamdam mo sa iyong anak na hindi magbabago ang pagmamahal mo sa kaniya kahit anuman ang gawin niya. Payo ni Dr. Becky, ito ang lagi mong sabihin sa iyong anak:
“Anuman ang nangyayari sa pagitan nating dalawa, anuman ang nararamdaman ko, o nararamdaman mo sa panahong iyon, tandaan mo na mahal kita at wala kang pwedeng gawin na makakapagpabago ‘nun.”
Larawan mula sa Instagram account ni Dr. Becky Kennedy
Wala namang perpektong magulang. Lahat tayo ay nagkakamali. Subalit sa dami ng impormasyon at payo na nakukuha natin bilang magulang, maari nating itama ang ating pagkakamali at maging mas mabuting magulang para sa ating anak, para na rin sa ikabubuti niya.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Healthline, Parenting for Brain, Healthday
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!