Alam mo ba na hindi lang si misis ang may Maternity Leave? Puwede rin mag-leave si Mister, alamin ang mahahalagang bagay patungkol sa Paternity Leave sa Pilipinas at mga benepisyo na maaaring makuha sa SSS.
Ano nga ba ang Paternity Leave?
Ang Paternity Leave of 1996 o Republic Act 8187 ay ang pitong araw na leave na ibinibigay sa mga lalaking may asawa. Ang pitong araw na ito ay may buong bayad. kakailanganin lamang na ikaw ay empleyedo sa mapapubliko man o pribadong sektor.
Pinahihintulutan ng batas na ito na maalagaan ng mga ama ang kanilang mga bagong panganak na asawa o di kaya naman ay matulungan silang makarecover sa miscarriage.
Ito ay maaaring magamit sa unang apat na anak ng iyong legal na asawa.
Bukod sa panganganak ay maaari rin itong magamit kung sakaling ang iyong asawa ay nakunan o nakaranas ng miscarriage.
Bakit kailangan ni Tatay mag-leave?
Larawan mula sa iStock
Napakahalaga ng unang linggo pagkatapos mapanganak ang sanggol. Kailangan ng nanay ng sapat na oras para alagaan ang kaniyang newborn. Ayon din sa mga eksperto, kailangan din ng babae ng panahon para magpahinga at maka-recover mula sa panganganak.
Kaya naman napakahalaga na magkaroon siya ng katuwang sa pag-aalaga ng kanilang baby. Ganoon din sa pagsalo sa mga gawaing bahay habang nagpapahinga at nagpapalakas. Kaya kailangan talagang magbigay rin ng oras ang lalaki para magawa ang mga responsibilidad na ito.
Gayundin, siya ang maglalakad ng mga papeles ng mag-ina sa ospital. Mula sa pag-aasikaso ng hospital bills para sa panganganak, maging sa birth certificate at newborn screening test results ni baby.
Ayon din sa mga pag-aaral, nakakatulong na magkaroon ng skin-to-skin contact si daddy at baby hindi lang para magkaroon sila ng bonding, kundi para sa mas malakas na immune system ng sanggol.
Kailangang-kailangan talaga si tatay ng kaniyang mag-ina, kaya naman dapat ay alamin niya kung paano matatamasa ang mga benepisyo ng paternity leave na nakasaad sa batas.
Reminders na dapat tandaan tungkol sa paternity leave Pilipinas
1.Puwede kang mag-apply ng Paternity leave kung ikaw ay:
May mga kuwalipikasyon na dapat isaalang-alang upang makapag-apply ang mga mister ng Paternity leave. Hindi lahat ng mga magiging ama ay posibleng makakuha nito. Narito ang mga bagay na dapat tandaan.
- Kinakailangan na ikaw ay isang empleyado sa panahon ng panganganak ng iyong asawa.
- Ang iyong asawa ay buntis, manganganak o nakunan.
- Ang panganganak, pagbubuntis o miscarriage ay hindi nangyari ng lalagpas ng apat na beses.
- Ikaw at ang iyong misis ay dapat legal na ikinasal.
- Ikaw at ang iyong legal na asawa ay dapat nakatira sa iisang bubong o iisang tahanan.
2. Paano naman masasabi na ikaw ay hindi pwedeng magavail ng leave na ito?
Kung ikaw at ang iyong asawa ay hindi kasal, hindi ka puwedeng mag-apply ng Paternity leave. Dagdag pa rito, hindi mo rin pwedeng makuha ang benepisyong ito kung ikaw at ang iyong misis ay magkalayo ng tirahan o hindi nakatira sa iisang bubong.
Ang pagtanggap ng paternity leave ay limitado lamang hanggang sa apat na pagkakataon. Nangangahulugan ito na kung ang iyong asawa ay nanganak o nakunan sa ikalimang pagkakataon ay hindi ka na pwedeng mag-apply nito.
3. Kailangan nga ba puwedeng mag-apply ng Paternity Leave?
Ang kabuang bilang ng day off ay hindi dapat lalagpas ng pitong araw.
Halimbawa, maaari kang mag-apply ng leave dalawang araw bago manganak ang iyong asawa, isang araw para mismong araw ng panganganak at apat na araw pagkatapos.
Ayon din sa Paternity Leave Act, maaari kang mag-apply ng leave sa loob ng 60 araw matapos maipanganak ang bata.
4. Mga paraan kung paano mag-apply ng Paternity Leave sa Pilipinas.
Kung ang maternity leave ay inaapply sa SSS, ang paternity leave naman ay sa mismong employer.
Narito ang mga hakbang na dapat sundin sa pag-aapply.
- Ipaalam sa iyong HR Department ang tungkol sa pagbubuntis ng iyong at kung kailan ang inaasahang panganganak nito.
- Sagutan ang Paternity Notification form na ibibigay sa iyo ng iyong employer.
- Ipasa ang naturang form kasama ang mga sumusunod na dokumento sa HR: Marriage Certificate, maaari rin kayong hingan ng photocopy ng resulta ng ultrasound ng inyong asawa, at iba pang katunayan na ang iyong misis ay buntis.
Mga dapat gawin matapos makuha ang paternity benefits
- Maaari kayong hingan ng birth certificate ng inyong new born baby.
- Kung sakaling ang iyong misis ay nakunan o nakaranas ng miscarriage, kinakailangang magsubmit ng death certificate.
- Posible rin naman na ang inyong HR office ay may ibang requirements tungkol dito, makabubuti kung pagtuunan ng pansin ang pag-alam sa mga requirements na ito.
5. Convertible ba ang paternity benefits sa cash?
Ang paternity leave ay ay hindi convertible sa cash. Hindi rin maaaring ipasa sa susunod na pagbubuntis ang mga hindi nai-credit sa unang pagkakataon na nag-apply ka ng paternity leave.
Kaya ipinapayo na gamitin ng maayos ang pitong araw na leave na inyong makukuha upang maalagaan ng maayos ang iyong asawa at bagong baby.
6. Hindi pinayagan ni Employer na mag-apply ng Paternity leave? Ito ang askyon na pwede mong gawin.
Lahat ng mga tatay ay may karapatang i-enjoy ang paternity leave nila. Ngunit paano nga ba kung ito ay ipinagkait ng iyong employer?
Una mong maaaring gawing hakbang ay sumulat sa HR Department tungkol sa iyong concern.
Kung hindi ka pa rin pinakinggan, maaari ka ng magfile ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa Paternity Act, ang alin mang kumpanya na hindi sumunod dito ay may karampatang multa na Php 25, 000 o di kaya naman ay makulong 30 araw hanggang 6 na buwan.
7. Karadagang 7 araw? Hindi kasal? Walang problema!
Tama, maaaring madagdagan ng 7 araw ang Paternity leave, Paano? Ating alamin.
Ayon sa section 6 ng Republic Act 11210 o 105-Day Expanded Maternity Leave Law, ang sino mang babaeng empleyado ay may karapatang ilipat ang 7 araw ng kanyang 105 maternity leave sa ama ng kanyang mga anak, kasal man ang mga ito o hindi.
Nangangahulugan ito na ang 7 araw ni Mister ay ay maaaring maging 14 araw.
Ang pagiging ama ay may kalakip na responsibilidad, kung kaya naman ay napakalaking bagay na ang mga ama ay gamit ng maayos ang Paternity Leave na ipagkakaloob sa iyo.
Mga benepisyo ng Paternity Leave ng SSS sa Pilipinas
Ang Paternity Leave ay isang benepisyong binibigay sa mga lalaking empleyado ng pribado o pampublikong sektor. Nagbibigay ito ng 7 calendar days na leave o bakasyon mula sa trabaho, ng may buong bayad; para sa unang 4 na panganganak (buhay man o hindi ang sanggol) ng isang lehitimong o legal na asawa na kinakasama sa isang tahanan.
Partikular o specific ang batas, at mga kondisyon sa ilalim nito.
Sa madaling salita, maaari lang makuha ang benepisyong ito kapag legal na kasal ang mag-asawa at nagsasama sila sa isang tahanan. Katulad ng nabanggit na, buhay man o pumanaw ang sanggol, buo mang ipinagbuntis ng 9 na buwan, o nakunan bago ang full-term pregnancy, puwede pa ring makakuha ang tatay ng paternity leave, ayon sa batas.
Dagdag pa dito, hanggang 4 na panganganak lang ni misis ang maaaring mabilang sa benepisyo, at hindi na hihigit pa sa apat.
Paano maa-avail ito paternity leave sa Pilipinas?
Paternity leave sa Pilipinas. | Larawan mula sa iStock
Paano mo ba masisigurong magagamit mo ang paternity leave? Narito ang mga requirements at hakbang na dapat tandaan:
- Kailangang ipaalam ni Daddy sa kaniyang empoloyer ang pagbubuntis ng asawa, sa unang dalawang trimester pa lang. Hindi rin puwedeng agad-agad lang, maliban na lang kung nakunan o nagkaroon ng emergency case o abortion. May mga kompaniyang may policy o rules ukol dito. Ito ay dapat alamin ni mister sa oras na nalamang buntis si misis.
- Sa Human Resources Personnel ng kumpanya, may makukuhang Paternity Notification Form na dapat sagutan at ipasa kaagad ni mister. Kalakip dapat ang kopya ng marriage contract. Kung saan nakasaad na kasal na ang mag-asawa bago ang due date ni misis.
- Pagkapanganak naman ni baby, kailangang magpasa ng birth certificate ng sanggol. Sa kaso ng miscarriage, kailangan naman ng legal na death o medical certificate.
Kaakibat nito ang benepisyong paternity leave ng SSS (Social Security System), pero hindi ang SSS ang magbabayad ng pera sa mga tatay, hindi katulad ng Maternity Benefit.
Ang employer o kumpaniya ang magbabayad kay mister, na makukuha niya sa susunod na sweldo niya. Ang ibig sabihin lang nito ay maaaring lumiban si mister, at hindi siya mababawasan ng sweldo at annual leave o sick leave.
Hanggang kailan pwedeng gamitin ang paternity leave?
Larawan mula sa Pexels
Maaaring makuha ang paternity benefit bago, habang, o pagkatapos ng delivery ng sanggol, basta’t hindi lalagpas sa 7 working days. Halimbawa, puwedeng kunin ng tatay ang 1 hanggang 2 araw bago manganak si misis, 1 araw ulit sa araw ng panganganak, at 3 hanggang 4 na araw pagkatapos ng panganganak.
Puwede ring sunud-sunod na 7 araw, mula sa araw ng panganganak, at mga sumunod na araw pagkatapos, basta hindi lalagpas sa 60 araw pagkapanganak ng sanggol.
Kung sa anumang kadahilanan ay hindi kinuha ng tatay ang 7 araw na paternity leave benefit niya, hindi ito maaaring ipalit sa cash. Sa madaling salita, forfeited na ito.
At dahil nasa batas ito, sinumang employer o anumang kumpaniya ang hindi magbigay ng benepisyong ito ay maaaring idulog ang reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE). Basta’t lahat ng papeles ay kumpleto, walang dahilan para hindi ito ibigay ng employer ni mister.
Ayon pa rin sa batas, ang kumpaniya o employer na lumabag sa Paternity Leave Act ay maaaring magmulta ng hanggang P25,000 o pagkakulong ng hindi bababa sa 30 araw at hindi hihigit sa 6 na buwan.
Bitin ang 7 days? Hindi kasal? Narito ang magandang balita
May mga nagsasabing hindi sapat ang 7 araw para lubusang maalagaan ng isang lalaki ang kaniyang mag-ina. Pero dahil ito lang ang isinasaad ng batas, ang ginagawa ng ibang tatay ay idinadagdag pa ang kanilang annual leave.
Buo man o ilang araw lang para tuluy-tuloy pa rin kahit papaano ang pagliban sa trabaho. Depende pa rin ito sa usapan ng empleyado at employer.
Subalit noong Marso 2019, naipasa na at isa nang ganap na batas ang Expanded Maternity Leave Law sa ilalim ng Republic Act 11210.
Isinasaad nito ang mas mahabang maternity Leave days ng mga nanay mula sa kasalukuyang 60 days (para sa normal delivery) at 78 days (para sa Ceasarian delivery) sa 105 days, normal man o CS. Bukod dito, may karagdagan pang 15 days para sa mga solo parents.
Nakapaloob din sa batas na ito na maaaring ibigay ni misis ang hanggang 7 araw mula sa kaniyang Maternity Leave, sa ama ng bata, kasal man sila o hindi. Pwede rin itong ilipat sa mga kaanak na tumutulong mag-alaga sa isang nanay, may asawa man o wala.
Sa Canada, halimbawa, ang Parental Leave, o leave para sa parehong magulang ay mula 32 hanggang 52 weeks. Ibig sabihin ay puwedeng makibahagi o hatiin ng mag-asawa ang parental leave.
Para parehong makasama at makapag-alaga ng bata ang nanay at tatay, at hindi 7 araw lang ang para sa mga tatay. Mas mahaba pa rin ang panahon na ibinibigay sa mga mommies. Pero hindi lang din isang linggo ang para sa mga daddies.
Para matamasa ang benepisyong ito, kailangang ipaalam ng babae at lalaki sa kanilang mga employer ang kagustuhan ng babae na i-allocate o ibahagi ang 7 araw ng kaniyang leave sa kaniyang asawa o partner.
Napakalaki ng papel ng mga ama lalo na sa mga unang araw ni baby. Kaya naman mahalaga na malaman niya ang kaniyang mga karapatan. Para magkaroon siya ng sapat na oras para sa kaniyang binubuong pamilya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!