May PhilHealth COVID benefit package para sa mga nag-positive sa sakit at naka-isolate. Alamin ang mga detalye dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang PhilHealth COVID benefit package na maaring matanggap ng mga nag-positive at naka-isolate dahil sa COVID-19.
- Sino ang kwalipikadong makatanggap ng benepisyo mula sa COVID-19 Home Isolation Benefit Package.
PhilHealth COVID benefit package
Patuloy na dumadami ang nabibiktima ng kumakalat na sakit na COVID-19. Maliban sa tunay na nakakatakot ang malalang sintomas na idinudulot nito ay magastos din ang treatment na kailangang gawin para gumaling ang isang taong infected ng sakit.
Kaya naman bilang tulong sa mga Pilipino partikular na sa kanilang mga miyembro ay may mga COVID-19 benefit package na ini-offer ang PhilHealth.
Maliban sa mga severe cases ay may PhilHealth benefit package rin para sa mga nag-positive sa sakit ngunit kailangan lang mag-home isolate.
Ito ay maaaring dahil sa mild symptoms lang ang kanilang nararanasan o kaya naman sila ay asymptomatic. Ang mga benepisyo sa ilalim ng PhilHealth COVID benefit package na ito ay ang sumusunod:
Ano ang COVID-19 Home Isolation Benefit Package (CHIBP)
Woman photo created by wayhomestudio – www.freepik.com
Ang COVID-19 Home Isolation Benefit Package ay ang PhilHealth COVID benefit package na nagkakahalaga ng P5,917.00. Ito ay ang benepisyong matatanggap ng mga PhilHealth member na nagpositibo sa sakit na COVID pero asymptomatic, mild ang kaso at nangangailangan ng isolation.
Sa kabuuan, katumbas ng nasabing halaga ay narito ang mga benepisyong matatanggap ng PhilHealth member na mag-aavail ng package na ito.
- Hindi bababa ng 10 araw na home isolation consultations. Dalawang beses sa mga konsultasyon na ito ay gagawin mismo ng isang doktor mula sa isang PhilHealth accredited facility. Ang inisyal na konsultasyon ay dapat face-to-face. Ang mga susunod na konsultasyon ay maaari ring maging face-to-face o sa pamamagitan ng teleconsultation.
- 24/7 o araw-araw na pagsubaybay ng isang nurse sa health status ng pasyente sa pamamagitan ng telecommunication.
- Mga home isolation kit na binubuo ng 1 litro na 70% alcohol, 5 piraso ng face mask, 1 thermometer, 1 pulse oximeter, consent form at mga gamot. Ang mga gamot na maaaring ibigay sa ilalim ng benefit package ay ang mga sumusunod bilang halimbawa: 18 paracetamol, 12 lagundi tablets o kahalintulad na gamot, 6 sachet ng oral rehydration salts, 10 ascorbic acid, 10 vitamin D at zinc.
- Maaari ring mabigyan ng referal ang pasyente sa mas mataas na pasilidad at mabigyan ng suporta habang inililipat siya kung kinakailangan.
- Papaliwanagan din ang pasyente ukol sa sakit na kaniyang nararanasan at paano niya matutulungan ang sarili para magkaroon ng dagdag na proteksyon.
Sino ang kwalipikadong makakuha ng benefit package na ito?
Medical photo created by freepik – www.freepik.com
Katulad ng naunang nabanggit ang mga pasyenteng kwalipikadong gumamit ng COVID-19 Home Isolation Benefit Package o CHIBP ay ang mga miyembro ng PhilHealth na mga nag-positive sa sakit ngunit wala o may mild na sintomas lang na nararanasan. Sila rin ay dapat may kakayahang mag-isolate o mayroon ng mga sumusunod na criteria:
- May sarili o nakabukod na kwarto.
- May sapat na airflow o bentilasyon ang tinutuluyang kwarto.
- Mayroong sarili o nkabukod na banyo o toilet.
- Mayroong mag-aalaga o kakayahan na maibigay ang pangangailangan araw-araw.
Samantala, hindi naman maaaring mag-home isolate ang isang pasyenteng positibo sa COVID kung siya ay nakakaranas ng mga sumusunod:
- nahihirapang huminga
- nanakit ang dibdib
- may history ng pagkakaroon ng malubhang sakit o may health risk factor
BASAHIN:
Gabay para sa mga magulang sa panahon ng COVID-19
6-month-old baby, aksidenteng nabakunahan ng COVID-19 vaccine
REAL STORIES: “Perfectly healthy” na 5-anyos, pumanaw nang dahil sa COVID
Paano ma-avail ang COVID-19 Home Isolation Benefit Package (CHIBP)?
Medical photo created by freepik – www.freepik.com
Para maka-avail ng COVID-19 Home Isolation Benefit Package ay narito ang mga dapat mong gawin.
- Tawagan ang iyong BHERT o Barangay Health Emergency Response Team at ipakita ang iyong positive na COVID-19 test result.
- Alamin kung ikaw ay papasa sa criteria na hinihingi ng benefit package sa pamamagitan ng clinical at social assessment.
- Kung ikaw ay eligible sa home isolation, tumawag sa kahit anumang accredited provider ng CHIBP.
- Kung mayroon ka ng provider ay sunod mo ng matatanggap ang iyong home isolation kit at magkakaroon ng home visit para sa iyong konsultasyon.
- Habang naka-isolate ay i-record ang sintomas na nararanasan para na rin ma-track ang health status mo.
Ang bayad na katumbas o halagang nakasaad sa COVID-19 Home Isolation Benefit Package ay direktang ibabayad sa pasilidad na nag-asikaso sa ‘yo habang ikaw ay naka-isolate.
Dapat ding isaisip na ang bawat Pilipino ay maaring mag-avail ng PhilHealth benefits sa ilalim ng Universal Healthcare Law. Kaya kung hindi ka rehistrado sa PhilHealth ay mabuting pumunta na sa pinaka-malapit na branch ng ahensya. O kaya naman ay humingi ng registration form mula sa iyong healthcare provider.
Source:
PhilHealth
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!