Kahit sinong babae siguro ay hindi gugustuhin na magkaroon ng pigsa sa pepe. Ngunit paano kung hindi pala ito isang pigsa, ngunit itlog ng insekto na nakabaon sa iyong balat?
Ganito ang nangyari sa isang 36-anyos na ginang nang magkaroon siya ng pigsa sa pepe. Noong una ay akala niya na pimple lang ito o kung anong kagat ng insekto. Ngunit itlog na pala ito ng isang insektong tinatawag na botfly.
Pigsa sa pepe, itlog ng insekto pala!
Ito ang itlog ng botfly na nasa loob ng pigsa sa pepe ng babae. | Source: Women’s Health
Ayon sa ulat, galing daw sa bansang Belize ang babae, kung saan sila nag-honeymoon ng kaniyang asawa. Dalawang buwan daw matapos nilang makabalik sa kanilang tahanan sa Florida, USA, may nakitang parang pimple ang babae sa kaliwang bahagi ng kaniyang ari.
Makati raw ito, pero hindi naman masakit. Akala niya ay dahil sa kagat lang ito ng insekto, pero nagpatingin pa rin siya sa doktor. Binigyan lang daw siya ng antibiotic para dito, at pinauwi rin kaagad.
Ngunit dahil hindi pigsa ang nasa pepe niya, hindi gumana ang mga antibiotic. Humingi siya ng second opinion sa ibang doktor, at napansin nila na parang may matigas daw sa loob ng pigsa. Nagkaroon na din ng nana sa gitna, kaya’t nirekomenda siya sa isang surgeon dahil tingin nila may tumutubo daw sa loob ng pigsa.
At nang hiniwa na ang sugat ng babae, nagulat ang lahat nang makitang isa pala itong human botfly larva, o itlog ng botfly.
Ano ang insektong ito?
Ang mga human botfly ay isang uri ng insekto na tumitira sa loob ng balat ng tao. Nangyayari ito kapag ang isang tao ay nakagat o nadapuan ng lamok o langaw na mayroong maliliit na itlog ng botfly.
Kapag nakabaon na sa balat ang mga itlog ay nagiging larva na ito, at umaabot ng 27 hanggang 128 na araw sa balat bago ito mag-mature. Nagnanana rin ang mga sugat galing sa botfly, at kaya ito may butas ay para makahinga ang insekto sa loob.
Madalas itong nakikita sa ari, dibdib, at mata ng mga tao. Mayroon pang mga kaso kung saan nararamdaman ng mga pasyente ang paggalaw sa loob ng insekto.
Sa kabutihang palad ay wala naman itong dalang sakit, pero posibleng magkaroon ng impeksyon ang sugat na dulot nito. Madalas ay kinakailangang operahan ito upang maalis ang botfly sa balat.
Matapos namang matanggal ang itlog ng botfly sa kaniyang balat, naging mabuti na ang ginang, at gumaling na rin ang kaniyang sugat sa balat.
Paano ito maiiwasan?
Upang makaiwas sa mga sakit na dala ng insekto, siguraduhing palaging malinis ang iyong paligid. Ang mga lamok at langaw ay maraming dalang kung anu-anong sakit.
Siguraduhing walang standing water sa paligid ng iyong bahay, at huwag mag-iwan ng tirang pagkain sa kung saan-saan. Palaging linisin ang bakuran, likod ng bahay, at mga lugar kung saan puwedeng manirahan ang mga langaw at lamok.
Kung masyadong masukal ang mga halaman sa bahay ay mainam na magputol upang mabawasan ang mga ito. Maganda ring magtanim ng mga halaman na natural na iniiwasan ng mga lamok, tulad ng citronella.
Kung nakagat ka man ng insekto, mabuting dalhin ito sa doktor kung hindi agad gumaling. Mabuti nang maagapan ito agad kaysa hayaan pang lumala.
Source: Women’s Health
Basahin: Pigsa sa Vagina: Lahat ng dapat malaman tungkol sa pigsa sa ari
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!