Bakit naman sa dinami-dami ng lulugaran, doon pa sa pinaka-sensitibong bahagi ng katawan lumabas ang pigsa? Hindi biro ang pagkakaroon ng pesteng pigsa sa pepe dahil napakasakit at hindi basta-basta ang paggamot dito.
Pigsa sa pepe
Image from Freepik
Ang pigsa sa pepe ng babae, o vaginal boil ay bukol sa balat na puno ng nana sa labas ng vagina, sanhi ng isang baradong hair follicle o oil gland.
Kapag kasi may natanggal na pubic hair, halimbawa, nabubuksan ang follicle at puwedeng pasukan ng bacteria, o ang tinatawag na folliculitis, paliwanag ni Dianne Gakit-Cortes, RN. May mga nagkakaro’n ng pigsa sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pero karaniwan itong tumutubo sa vagina, sa labia, o sa pubic area.
Minsan ay tinatawag itong abscess, pero iba din ang abscess sa pigsa dahil ang abscess ay karaniwang mas malalim na impeksiyon sa balat.
Kahit na hindi naman delikado ang pigsa sa ari, dapat mabutihing gamutin ito para masigurong walang mas malalang impeksiyon na mangyari—at para maibsan din ang nakakairita at masakit na kondisyong ito.
Sintomas ng pigsa sa ari ng babae
Karaniwang napagkakamalang herpes ang pigsa sa pepe. Pareho kasi itong tila pimples sa umpisa at parehong may madilaw na discharge o nana. Subalit ang herpes ay karaniwang nananatiling maliit hanggang sa maging kumpol-kumpol.
Maaari mang mawala nang kusa at nang hindi ginagamot ang pigsa sa pepe, mahalaga pa rin na malapatan ito ng paggamot para di mauwi sa impeksyon.
Sa malalang kondisyon ng pigsa sa ari ng babae, maaaring i-lance o hiwain ng doktor ang pigsa at i-drain ang discharge at infection.
Nagsisimula ang pigsa sa pepe na parang mapulang pimple hanggang sa unti-unting mamaga at magkaroon ng nana. Posible mang manatiling maliit lang ang pigsa, mayroon pa ring mga kaso na lumalaki ito hanggang maging kasinglaki ng walnut.
Kung mayroon kang spot o tila tigyawat sa iyong ari at hindi ka sigurado kung ito ba ay pigsa sa pepe, agad na kumonsulta sa iyong doktor para matiyak ang root cause at kung paano ito gagamutin.
12 Bagay na dapat malaman tungkol sa pigsa sa pepe:
Image from Freepik
1. Nagsisimula ito sa skin irritation, at nagsisimulang lumala kapag napasok ng bacteria, tulad ng Staphylococcus aureus, Escherichia coli, at Chlamydia trachomatis, ang ilalim ng balat.
2. Kapag naimpeksiyon ang Bartholin gland, maaaring may cyst na mabuo, at ito ang magkakaro’n ng impeksiyon. Ang Bartholin gland ay nasa ilalim ng balat sa labas lamang ng vagina. Kapag nagbara ang mga glands na ito, nagkakaro’n ng cyst o isang pabilog na bukol, na bukas sa impeksiyon.
3. May mga babaing nagkakaron ng pigsa sanhi ng mga skin conditions tulad ng eczema, vulvovaginitis o pamamaga ng vulva at vagina, at contact dermatitis o pagiging sensitibo sa mga kemikal, sabon at pabango na matapang ang amoy, pagkakarong ng ingrown hair, at sugat dahil sa pagkamot (kaya naimpeksiyon).
4. Ang mga impeksiyong sexually transmitted, pati mga genital piercings ay maaari ring maging simula ng pigsa sa ari.
5. Kung nagkaroon ka ng close contact sa isang tao na may pigsa sa pepe, halimbawa ay nanghiram ng damit, underwear o gumamit ng iisang towel, maaari kang mahawa ng pigsa.
6. Pwede ring maging sanhi ang kagat ng insekto para mabuksan ang skin sa vagina at pasukin ng bacteria na magdudulot ng pigsa sa pepe.
7. May mga pagkakataon din na walang makitang dahilan o sanhi ng pagkakaron nito. Ibig sabihin ay wala kang puwedeng gawin para maiwasan ito. Bigla na lang itong lumalabas at gumagaling din kahit walang paggamot.
Paalala: Mas mainam na magpatingin agad sa doktor kapag nakapansin ka na tila pigsa o bukol sa iyong ari.
8. Kapag lumala ang isang pigsa, napupuno ito ng pus o nana at lumalaki. Kapag malala ang impeksiyon, maaaring turukan ito ng sterile na karayom ng doktor para alisin ang nana.
9. Ang pigsa sa ari ng babae ay labis na makati, masakit, sensitibo, at maaaring maging sanhi ng vaginal discharge (na karaniwang may mabahong amoy) o minsan din ay pagdurugo. May mga nakakaranas din ng pelvic pain, hapdi, lalo na kung umiihi.
10. Kailangan magpatingin sa doktor kapag naramdaman o nakikitang lumalala ang pigsa. Isang masusing physical examination (o pelvic exam) ang paraan para malaman kung ano ang dapat na paggamot.
Aalamin ng doktor ang medical history. ng pasyente, at maaaring kumuha din ng blood tests para malaman ang sanhi ng pigsa. Saka pa lamang malalaman ng doktor kung ano ang nararapat na treatment o gamot para mapagaling ito ang kondisyon, o kung may mga komplikasyon na dapat gamutin.
11. Habang naghihintay ng appointment sa doktor, o resulta ng mga tests, maaaring gumawa ng tinatawag na sitz bath para malinis ang perineum at maibsan ang hapdi o sakit na nararamdaman.
Ito ay pag-upo sa bath tub (o palanggana) na may maligamgam na tubig, na hinahaluan ng Epsom salt, tablespoons baking soda, at iba pang natural ingredients tulad ng witch hazel, olive oil at pinapataka ng lavender essential oil at chamomile essential oil.
Siguraduhin lang na walang sugat mula sa operasyon o surgical wound sa ari, o di kaya ay almuranas, at malinis ang bath tub o mga gamit bago mag-sitz bath.
12. May mga topical at oral medications para sa sakit na dala ng pigsa sa sensitibong bahaging ito ng katawan. May mga antibiotic, antiviral medication, corticosteroid, pain relievers, hydrocortisone at gamot sa pangangati.
9 na home remedies para sa pigsa sa pepe
Image from Freepik
Narito ang mga ilang mga paraan upang maibsan ang pananakit sa ari ng babae:
- Warm compress. Makakatulong na maibsan ang pananakit at labis na pamamaga sa pagdampi ng warm compress (maligamgam, hindi mainit) sa pigsa sa ari ng 10 hanggang 15 minuto. Kadalasang mas mabisa kung bulak ang gagamitin para hindi mahapdi sa buong ari. Ulitin ng 3 hanggang 4 na beses sa isang araw.
- Hugasan ang ari gamit ang antibacterial soap, at panatilihing tuyo ang pigsa. Ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos hugasan ang pigsa, at bago gamitin ang daliri sa paglalagay ng anumang ointment tuwing gagamutin ito.
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang sanhi ng mabahong vaginal discharge ko?
May kinalaman ba ang vaginal discharge sa pagkakaroon ng cervical cancer?
10 tips upang maalagaan ang kalusugan ng iyong vagina
- Magsuot ng malinis na cotton underwear para makahinga ang aring may pigsa. Iwasan ang mahihigpit na underwear na maaaring makagasgas sa pigsa.
- Gumamit ng honey at turmeric paste, na parehong antibacterial and antiseptic. Ipahid ito sa pigsa sa gabi, at paggising sa umaga, putok na ito at tatagas na ang nana sa loob. Linisin kaagad ang pigsa. Mas epektibo ito kung hinog na ang pigsa.
- Maghalo ng isang kutsaritang gatas, kalahating kutsarita ng suka, at asin at turmeric saka ipahid sa pigsa. Gawin ito ng 2 beses sa isang araw hanggang pumutok ng kusa ang pigsa.
- Ilang patak lang ng Castor oil sa pigsa, ilang beses sa isang araw ay epektibo nang paggamot dito.
- Humiwa ng pipino at ipahid ito sa pigsa. Maiibsan nito ang hapdi at sakit ng pigsa.
- Epektibo din ang bawang at sibuyas sa paggamot ng pigsa sa ari. Magdikdik ng bawang o katasan ang sibuyas, at ipahid sa pigsa. Kumain na rin ng maraming bawang. May antibacterial at antibiotic properties ang mga ito na mabilis makakapagpagaling sa vaginal boil.
- Subukan din ang ginger powder at turmeric powder, haluan ng kaunting tubig, at saka ipahid sa pigsa.
Iba pang tips:
Mahalaga pa ring magpatingin sa doktor kung nakikitang lumala ang pigsa o hindi bumubuti ang kondisyon, lalo na kung may mataas na lagnat o may dugong lumalabas mula sa pigsa.
Ang pag-drain ng nana ng pigsa ay epektibong paggamot, pero makakabuting doktor lang ang gumawa nito. Dadampian din ito ng antibiotic ointment at tatakpan ng sterile bandage hanggang gumaling ito.
Samantala, kung medyo masakit ang pigsa sa pepe, maaaring uminom ng over-the-counter pain reliever tulad ng acetaminophen o ibuprofen. Importanteng kumonsulta agad sa iyong doktor kung hindi umubra ang mga gamot na ito sa pigsa sa pepe.
Kung pumutok naman ang nana, linisin ito agad at lagyan ng antibiotic ointment tulad ng pinagsamang bacitracin, neomycin, at polymyxin B.
Pagkatapos ay agad na balutin ito ng sterile gauze o adhesive bandage. Panatilihing malinis ang area ng pigsa at palitan ang dressing araw-araw.
Kapag hindi rin umubra ang mga home remedy at lalong lumala ang kondisyon ng pigsa sa pepe, mahalaga ang medical attention. Agad na pumunta sa inyong doktor. Lalo na kung ma-obserbahan ang ano mang senyales ng impeksyon at kung ang babae ay lalagnatin.
Dagdag pa rito, kung mapansin na naging kumpol-kumpol ang mga pigsa, ipaalam agad sa doktor ang kondisyon. Maaaring may underlying na sanhi ang pagdami nito. Mahalagang magamot ang underlying cause ng cluster ng pigsa sa pepe para maiwasang magkaroong muli nito.
Mga bagay na hindi dapat gawin
- Huwag pipisain ang pigsa. Kung may lumalabas na nana, takpan ng malinis na bandage.
- ‘Wag din gagamit ng lotion, baby wipes, o ointment na may matapang na amoy.
Kung ang sanhi ng pigsa ay
sexual transmitted infection, iwasan ang pakikipagtalik hanggang hindi nagagamot at lubusang gumaling at mawala ang pigsa.
Gaano katagal gumaling ang pigsa sa pepe
Karaniwang gumagaling ang pigsa sa pepe matapos ang tatlong linggo. Pwedeng umimpis ito at tuluyang mawala o kaya naman ay pumutok at maiga ang nana.
Kung hindi gumaling sa loob ng tatlong linggo ang pigsa sa pepe o kaya naman ay mas lumala pa ito, magpakonsulta na agad sa inyong doktor.
Titingnan ng mga doktor kung ano ang dapat gawin. Pwedeng magrekomenda ng antibiotic ang mga ito o kaya naman ay i-require ang pagdrain ng pigsa.
Narito ang mga senyales ng posibleng impeksyon:
- lagnat
- panlalamig o malamig na pawis
- paglaki ng pigsa
- matinding pananakit ng pigsa
- kapag mas malapad na sa 2 inches ang pigsa
- kapag hindi ito agad gumaling sa loob ng tatlong linggo
May magagawa ba para maiwasan ang pagkakaroon ng pigsa sa pepe?
Ang pangunahing payo ng mga medical practitioners, tulad ni Nurse Diane ay ang pagpapanatili ng personal hygiene at healthy weight para maiwasan ang vaginal boils.
Makakatulong din ang madalas na pagpapalit ng underwear para maiwasan ang impeksiyon, lalo na pagkatapos ng ehersisyo.
Panatilihing malinis ang buong katawan, lalo na ang vaginal area. Hugasan ito palagi at tuyuin din, lalo na pagkatapos ng pubic area waxing at shaving. Iwasan lang ang mga sabon na matapang ang pabango, pati na ang mga douche at pulbos na nakakairita sa tissue ng vaginal area.
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa
vitamin C, vitamin A at vitamin B complex, at uminom ng maraming tubig para mawaksi ang mga toxins sa katawan. Iwasan ang mga fatty at processed na pagkain.
Iwasan ang paggamit ng tuwalya at underwear ng iba.
Bukod pa rito, narito ang ilan pa sa mga maaaring gawin para maiwasan ang pigsa sa ari ng babae:
- Mas makabubuting i-trim ang pubic area gamit ang malinis at matalim na gunting kaysa i-shave ito.
- Palitan kada tatlo hanggang apat na linggo ang ginagamit na razor. Ang paggamit ng mapurol na razor blade ay maaaring maging rason ng pagdami ng ingrown hairs na maaaring mauwi sa pagkakaroon ng pigsa sa pepe.
- Huwag i-shave nang tuyo ang pubic area. Mahalagang gumamit ng shaving lotion o cream para magkaroon ng extra moisture ang balat at maiwasan ang friction. Pwede ring mag-shave habang naliligo.
- Sundan ang direksyon ng tubo ng pubic hair para maiwasan ang pagkakaroon ng ingrown hair.
- Marahang i-exfoliate ang balat sa pepe para matanggal ang mga dead skin cells at maiwasan ang pagkakaroon ng ingrown hairs.
- Tiyaking naiinom nang tama ang antibiotics na nirekomenda ng iyong doktor. Tapusin o kompletuhin ang prescription kahit na unti-unti nang gumagaling ang pigsa sa pepe. Ang biglang pagtigil sa pag-inom ng antibiotics nang hindi pa tapos ang prescribed date ng doktor ay maaaring maging dahilan upang bumalik ang pigsa.
Risk factor sa pigsa sa pepe
May mga factor na maaaring maging rason para magkaroon ng pigsa sa pepe:
- Friction o pagkiskis ng masisikip na salawal o underwear
- Ingrown hairs mula sa pagshe-shave
- Close contact sa taong may pigsa sa pepe
- Pagbahagi ng personal na mga gamit sa taong may pigsa sa ari
- Acne, eczema, o iba pang kondisyon na maaaring makasira sa protective barrier ng balat
- Mahinang immune system
Karagdagang impormasyon mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!