Totoo ba ang pilay sa baby? Dahil sa kanilang natural na kalikutan at madalas na paglalaro, hindi maiiwasang masaktan, madapa o matumba ang bata. Minsan, maaari silang mauntog at magkaroon ng bukol, minsan naman sa kanilang pagkakadapa, maaari silang magkaroon ng pilay.
“Ang sabi ng matatanda, kapag laging may lagnat ang bata, na ‘di gumagaling, malamang may pilay—kaya pinapahilot,” paliwanag ni Anna May Axalan-Dalisay, isang parenting expert, teacher, at dating Pediatric Medical Representative.
Pero ano ba talaga ang pilay at paano ba dapat gamutin ito lalo na sa mga bata?
Ano ang pagkakaiba ng bali at pilay sa baby?
Totoo ba ang pilay sa baby? Ito ang tanong ng ilang mommy. Dahil sa malambot pa ang buto ng mga bata, mas malaki ang posibilidad na ang mga ito ay mabaliko o magkaroon ng maliliit na bali. Sa Ingles, tinatawag itong bend fractures o greenstick fractures. Mas karaniwan itong nakikita sa mga batang edad 10 pababa.
Kapag mayroong bali sa buto ng bata, posible itong mamaga at mamula. Minsan, maaari din itong magdulot ng impeksyon at mababang lagnat. Ito ang madalas sabihin ng mga magulang at matatanda na pilay.
Minsan naman, pilay rin ang tawag kapag nababanat ang ligament na nakapalibot sa buto ng bata. Tinatawag naman ito sa Ingles na strain o sprain.
Sintomas na may pilay si baby: Paano malalaman kung may pilay si baby?
Simple lang naman ang mga sintomas o senyales na may pilay si baby. Paano nga ba malalaman kung may pilay si baby?
Ayon kay Dr. Angelica Tomas, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, masasabi rin na pilay ang nararanasan ng bata kapag namamaga ang bahagi ng kaniyang braso o binti. Ito ang pangkaraniwang sign na may pilay si baby.
‘Yong pilay sa medical (term) is namamaga. Makikita mo talaga na namamaga, Kunwari, doon nga sa paa niya kung saan siya nadapa.”
Kapag bata ang napilayan, minsan ay hindi nito kayang sabihin kung anong uri ng sakit ang nararamdaman. Madalas din na hindi ito sumasakit, hanggang pagkalipas ng ilang oras matapos ang pagkahila o pagkabagsak.
May mapapansin na pamamaga o minsan ay pasa, pero minsan ay mapula lang din. Hirap ding igalaw ang bahagi ng katawan na may pilay.
Kapag bali ang buto, makikita kaagad ang deformity o kakaibang itsura ng bahagi ng katawan na may bali (fracture o dislocation). Isa rin ito sa mga pangkaraniwang sign na may pilay si baby.
Kapag hindi magalaw ng bata ang bahagi ng katawan na apektado, posibleng ito ay bali. Kung malala ang bali, madalas ay makikita agad ang buto na nakausbong sa balat at malinaw na may bali, paliwanag ni Caryl Waite, PA-C, isang physician assistant ng Mount Nittany Physician Group Pediatrics.
Muli, narito ang mga senyales na may pilay si baby:
Ang pagkakaroon ng pilay o sprain sa baby ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sintomas. Narito ang mga posibleng palatandaan na may pilay ang iyong baby:
- Ang apektadong bahagi ay maaaring mamaga.
- Maaaring umiyak o magpakita ng discomfort ang baby kapag hinawakan ang apektadong bahagi o kapag ito ay ginagalaw.
- Ayaw ng baby na igalaw ang apektadong bahagi dahil may nararamdaman siyang pananakit.
- Maaaring magkaroon ng pasa o pamumula sa apektadong lugar.
- Pag-iwas sa paggamit ng apektadong bahagi. Halimbawa, kung ang pilay ay nasa binti, maaaring ayaw tumayo o gumapang ng baby.
Kung pinaghihinalaan mong may pilay ang iyong baby, mabuting kumonsulta sa isang doktor upang masuri ito nang tama at mabigyan ng tamang lunas. Ang X-ray ang pinakaepektibong paraang medikal para malaman kung may bali nga ang bata.
Hilot, epektibo ba para sa pilay ni baby?
Ang hilot ay isang tradisyonal na paggamot ng mga matatanda sa karamdaman, bata man o matanda. Naging kaugalian ito sa paggamot ng mga sanggol at bata dahil noong araw, lalo na sa probinsiya, mahal at hindi madali ang pumunta sa ospital.
Sa kaugaliang Pilipino, langis ng niyog na sariwa ang pinapahid sa pilay at buong katawan din ng bata.
Ang hilot ay isang pinaniniwalaang base rin sa agham, at gumagamit ng chiropractic manipulation at masahe, para malaman ang sakit o kondisyon na dahilan ng sakit.
Ang mga hilot ay gumagamit ng kaalaman nila sa paggamot ng sakit sa pilay at bali ng buto, sa tulong din ng herbal medicine o mga halamang gamot, init ng langis, at orasyon.
Karaniwang hinihilot ang bata sa gabi bago matulog para umano maalis ang pilay. Hinahagod ang likod, braso, balakang, pigi, pati binti at mga paa.
Palagi kasing nababanat ang mga braso, kamay at binti ng isang bata tuwing iginagalaw niya ang mga kamay at buong katawan kapag gumagapang o nagsusubok na lumakad, pati na rin kapag binubuhat siya ng mga matatanda.
BASAHIN:
Paniniwala ng mga hilot, ang pilay ay hindi lang simpleng pagkabanat ng litid o muscle. Nakakapagbigay ito ng balanse sa katawan, at ginagamot ang sintomas ng hangin, init, at lamig, na nagiging sanhi ng sakit. At tulad ng matagal nang paniniwala, nagagamot nito ang pilay, ipit ng ugat, at bali o dislocation ng buto.
May mga magulang na nagpapahilot ng anak kapag may sakit ito, sa payo ng mga nakatatandang biyenan, tiyahin o kasambahay. Wala namang masama rito, basta’t siguraduhing mapapagkatiwalaan ang hilot, at nakabantay ang mga magulang habang hinihilot ang bata.
Subalit gaya ng pag-iingat ng mga babaeng buntis kapag nagpapamasahe, kailangan ding mag-ingat ang mga magulang kung ipapahilot nila ang pilay sa baby.
Dahil bukod sa walang sapat na kagamitan at kaalaman tungkol sa paggamot ang mga manghihilot, maari silang gumamit ng mga bagay na magdulot ng allergies sa bata kaya sa halip na makatulong ay baka lalong lumala ang sakit ng bata.
Anong dapat gawin sa pilay ni baby?
Kung hindi ka naniniwala sa hilot, anong mabisang paraan para gamutin ang pilay sa baby?
Ayon kay Dr. Tomas, mayroong sinusunod na RICE rule ang mga doktor sa paggamot sa pilay.
R- Rest
Ipahinga muna ang bahagi ng katawan na may pilay, at hangga’t maaari huwag galawin o dadaganan ito.
“Rest muna, as much as possible huwag nilang galawin ‘yong affected area.”
I – Ice
Lagyan ng cold compress o yelo na ibabalot sa tuwalya at idikit sa lugar kung saan may pamamaga. Gawin ito sa loob ng 20 minuto ilang beses sa isang araw para mabawasan ang pamamaga.
C- Care
Maaari mo ring lagyan ng takip o proteksyon ang bahagi ng katawan na may pilay. Pwedeng lagyan ng splint o bandage para ma-compress ang namamagang bahagi.
E – Elevate
Iangat ang bahagi ng katawan na may pilay, kung maari, mas mataas dapat sa puso. Pero kung hindi naman kaya, basta naka-angat lang ito.
“Kunwari nagrerest ‘yong bata, medyo naka-angat dapat ‘yong kaniyang affected area.” ani Dr. Tomas.
Kapag matindi pa rin ang pamamaga ng bahaging may pilay matapos ang ilang linggo, o kung hindi kaya ng iyong anak ang sakit na dulot nito, mas mabuti pa ring kumonsulta sa doktor para mabigyan ng tamang lunas.
Tandaan, ang pamamaga ang pangunahing reaksyon ng katawan sa isang injury, kaya kung mayroon pang pamamaga, ibig-sabihin ay mayroon pa ring injury at kailangan pa ring ingatan ang bahaging iyon ng katawan ng bata.
Pag-iingat para makaiwas sa pilay ang bata
Bilang magulang, hindi natin gustong makaranas na magkaroon ng anumang bali o pilay ang ating anak. Bagama’t mayroon talagang mga hindi inaasahang pangyayari na nagdudulot ng sakit sa mga bata, may mga paraan naman para mabawasan ang posibilidad ng mga sitwasyong ito.
Narito ang ilang paraan para maingatan ang bata mula sa bali o pilay:
-
Kung maglalaro (lalo na ng mga contact sports), magsuot ng tamang kasuotan at protective equipment. Kung magbibisikleta ang bata, pagsuotin siya ng helmet, elbow pads at knee pads. Siguruhin din na tama ang sapatos niya para sa kaniyang gagawin.
- Ugaliing mag-stretching bago magsimulang maglaro.
-
I-kondisyon at palakasin ang mga muscle bago maglaro.
-
Magpahinga kapag nakaramdam ng pagod.
-
Ihinto ang ginagawang activity kapag nakaranas ng sakit sa katawan.
-
Uminom ng maraming tubig habang naglalaro.
Para sa mga baby:
- Siguruhing na-baby proof ang iyong tahanan para makaiwas sa mga aksidente gaya ng pagkahulog sa kama, pagkalaglag sa hagdan o pagkaipit sa pinto.
- Bantayan din nang maigi si baby lalo na kapag siya ay natutulog sa inyong kama (o kaya ilipat siya sa kaniyang crib) o kaya nag-aaral pa lang siyang gumapang at lumakad.
- Siguraduhing ang crib, stroller, walker, at iba pang gamit ng baby ay ligtas at naaayon sa tamang edad at bigat ng baby. I-check ang mga straps at latches upang masigurong maayos ang pagkakabit.
- Alisin ang mga bagay na maaaring makasagabal o maging sanhi ng pagkadulas, tulad ng mga laruan sa sahig, basang lugar, o matutulis na sulok ng muwebles. Gumamit ng mga edge protector at non-slip mats sa mga lugar kung saan madalas gumala ang baby.
- Habang lumalaki ang baby, ituro ang tamang paraan ng pag-upo, pagtayo, at paglakad upang maiwasan ang maling galaw na maaaring magdulot ng pilay.
- Siguraduhing ligtas at angkop sa edad ang mga laruan ng baby. Iwasan ang mga laruan na may maliliit na bahagi na maaaring magdulot ng aksidente.
- Ang wastong nutrisyon at regular na ehersisyo ay mahalaga upang mapanatiling malusog ang mga buto at kalamnan ng baby. Tiyaking nakakakuha siya ng sapat na calcium at vitamin D.
- Siguraduhing ang kasuotan at sapatos ng baby ay komportable at tama ang sukat. Ang masyadong masikip o maluwag na sapatos ay maaaring magdulot ng aksidente.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, maaaring mabawasan ang panganib ng pilay at mapanatiling ligtas ang iyong anak.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.