Dapat bang mag-alala sa pike na paa ng iyong baby? Alamin ang sagot dito.
Habang lumalaki ang ating sanggol, dumarami ang mga bagay na napapansin natin sa kanila. Bilang magulang, gusto nating masiguro na lalaki sila ng normal malusog. Kaya naman kapag may napansin tayong kakaiba, nababahala tayo at inaalala kung ayos lang ba ito o dapat nang bigyan ng pansin.
Isa sa mga bagay na nakakapag-alala sa ilang mga magulang ay ang sakang o pike na paa ng mga bata. Habang natututong tumayo o maglakad ang ating anak, maaring mapansin natin na masyadong magkalapit ang kanilang tuhod, o kaya naman ay hindi diretso ang turo ng kanilang paa.
Pike at sakang na paa ng bata, dapat bang ikabahala?
Ayon sa Boston Children’s Hospital, ang knock-knees o mas kilala natin sa tawag na piki o pike ay isang kondisyon kung saan ang mga tuhod ay nakaturo paloob. Bowlegs naman o sakang ang tawag kapag sa halip na diretso ay parang nakapalabas ang mga tuhod ng isang tao.
Ang sakang o pike na paa ay karaniwang napapansin daw sa mga sanggol. Ito ay dahil noong nasa loob pa sila ng ating sinapupunan, nakahawak ang baby sa kaniyang mga paa.
Subalit ito naman ay normal at bahagi ng kanilang development, dahil hindi pa ganoong kalakas ang kanilang mga tuhod at binti. Tutuwid din ito ng kusa pagdating ng ika-6 hanggang ika-12 na buwan.
Paliwanag ni Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, lahat ng bata ay dumadaan sa yugto na parang pike o sakang ang kanilang paa kapag nakatayo.
Pahayag niya,
“Kasi iyong leg ng bata may stages ‘yan e. Sa umpisa parang medyo sakang then later on madederetso ‘yan. May time akala mo pike pero kapag nag-7 years old madederetso rin ‘yan.”
Hindi naman ito masakit, at kadalasan, hindi ito nakakasagabal sa paglalakad at pagtayo ng isang bata.
Larawan mula sa Boston Children’s Hospital
Mga posibleng sanhi ng pike na paa
Bagama’t mas karaniwan sa mga sanggol ang maging sakang sa unang dalawang taon, maraming bata ang nagiging pike habang nagde-develop ang kanilang mga paa.
Pero may mga kaso na nagiging pike ang paa ng bata dahil sa ilang bagay:
- Mga genetic condition gaya ng skeletal dysplasias o sakit sa buto gaya ng rickets
- Kung masyadong mabigat ang timbang ng bata, maaari siyang magkaroon ng gait abnormalities na may pagkakatulad sa pike na paa.
- Kapag nakatamo sila ng injury sa buto ng alulod ng kanilang paa (tibia) o buto sa kanilang hita (femur).
Puwede rin namang maging pike ang paa ng isang sanggol, pero kapag natuto na siyang lumakad, unti-unti namang didiretso ang kanilang tuhod at matututong magbalanse.
Kailan dapat mabahala?
Maaari pang kusang magbago ang tayo at maitama ang piki na paa ng bata habang siya ay lumalaki. Subalit mas makakabuting kumonsulta sa kaniyang doktor sa mga sumusunod na kondisyon:
- kapag mas kapansin-pansin ang pike bago mag-edad 2 o lagpas ng edad na 7
- kapag parang lumalala ang pagkapike ng paa pagdating niya ng edad na 7
- parang hindi pantay ang paa ng bata
- iika-ika ang kaniyang paglakad
- pananakit ng balakang o mga tuhod
Kapag laging karga si baby, magiging pike?
“Huwag mong masyadong kargahin si baby, baka maging pike ‘yan.” Narinig mo na ba ang katagang ‘yan? Paniniwala kasi ng matatanda, kapag laging kinakarga ang mga bata, baka maging pike raw ang mga paa niya.
Bagama’t ang paggamit ng maling baby carrier ay maaaring magdulot ng kondisyon na hip dysplasia sa mga bata, hindi naman ito dahilan para maging pike o sakang ang kaniyang mga paa.
Pero ayon kay Dr. Tiglao, wala namang kinalaman ang dalas ng pagkarga sa bata sa kaniyang mga buto at paa. “No relation at all,” aniya. Dagdag pa niya,
“There’s a growth pattern rin kasi sa bone sa legs. So kahit anong gawin mo hindi mababago noon iyong growth development ng bata as long as the baby is healthy.”
Tandaan, napakaraming benepisyo ng pagkarga sa iyong anak, at hindi naman ito magiging dahilan para magkaroon siya ng pike na paa.
May kinalaman ba ang pagmasahe sa mga paa ng baby para maiwasan ang pagiging pike?
Larawan mula sa Freepik
“Masahiin mo lagi ang legs niya para hindi siya maging sakang,” o kaya “Pike ang baby niya, siguro hindi siya hinihilot.” Isa pa ‘yan sa mga bagay na madalas sabihin ng matatanda patungkol sa mga binti o paa ng bata.
Paniniwala nila, makakatulong ang pagmasahe o paghilot sa mga binti ng sanggol para hindi sila maging pike o sakang paglaki.
Pero taliwas sa inaakala nila, walang kinalaman ang dalas ng pagmasahe sa binti ng mga bata kung magiging diretso ang kanilang paa o hindi. Nilinaw ito ni Dr. Tiglao.
“Siguro ‘yong massage makakatulong na parang therapy siya, like for muscle relaxing o makakatulong sa bonding ng nanay iyon at ng baby.
Pero kung iyon mismo ang gagawin mong treatment para sa sakang, hindi po. Hindi po nakukuha sa massage iyon. Normal ang sakang, hanggang 2 years old po normal iyan.” aniya.
Paalala pa ng doktora, kailangang mag-ingat sa pagmamasahe ng paa ng sanggol dahil hindi pa ganoong katibay ang kaniyang mga buto. Kung hindi ka sigurado sa iyong gagawin, tanungin mo muna sa iyong doktor.
“At saka ingatan niyo rin po, ‘yong iba nangigigil, gusto nila agad i-diretso (ang paa ni baby). Kasi minsan iyong pagmamassage baka maka-pilay pa iyon.” ani Dr. Tiglao.
Pangangalaga ng mga paa at buto ni baby
Tandaan, walang kinalaman ang dalas ng pagkarga sa bata at pagmasahe sa kaniyang mga paa para hindi maging pike o sakang ang bata.
Sa halip na sumunod sa mga ganitong paniniwala, mas makakabuti kung humanap na lang ng mga paraan para mapanatiling malakas at malusog ang mga buto ng iyong anak. Narito ang mga pwede mong gawin:
-
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa calcium
Ang calcium ang bitaminang nakakatulong para maging matibay ang ating mga buto. Matatagpuan ito sa mga dairy products gaya ng gatas at keso. Mayroon ding calcium sa beans, nuts, at ibang prutas at gulay gaya ng broccoli at oranges.
-
Magpainit sa araw sa tamang oras
Para ma-absorb ng kanilang katawan ang calcium, kailangan ng vitamin D, at isang mga natural na source ng bitaminang ito ay ang araw. Hayaan si baby na lumabas at magbilad sa araw ng 30 minuto tuwing umaga (sa pagitan ng 7:00-9:00).
Larawan mula sa Freepik
-
Hikayatin si baby na mag-ehersisyo
Habang ginagamit natin ang ating mga muscles at mga buto, lalo itong lumalakas. Kaya bigyan din ng oras ang bata para gumapang at magsanay na maglakad.
Kahit paikot lang muna ng kaniyang kuna, o sa loob ng inyong tahanan. Siguruhin lang na binabantayan mo siya habang ginagawa niya ito para maiwasan ang mga aksidente.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!