Gaano kaimportante ang paglalaan ng oras sa mga anak? Basahin ang kuwentong ito ng isang mom-of-three.
Mababasa sa artikulong ito:
- Naii-spoil ba si baby kapag lagi mo siyang karga?
- Gaano kahalaga ang paglalaan ng oras sa mga anak?
Proud na proud ang mga nanay habang kinukwentong “Mama,” o “Nanay” ang unang salita ng baby nila. Sa’kin hindi ito ang kaso. Pero ayos lang, dahil “Mom” naman ang salitang pinakasinasabi ng aking tatlong anak sa loob ng isang araw.
Kapag masaya sila, “Mom!” Ganun din kapag malungkot o natatakot sila, “Mom!” Siyempre kapag may kailangan sila, “Mom!” Ako ang laging hinahanap nila. Subalit hindi naman ako nagrereklamo.
“Love is spelled as T-I-M-E,” ayon nga sa isang kasabihan. Kaya para sa’kin, napaka-importante ng paglalaan ng oras sa aking mga anak.
Larawan mula sa Freepik
Bakit lagi mong karga ang iyong baby?
Kapag sanggol pa sila, kailangan tayo ng ating mga anak para sa kanilang kalusugan at kaligtasan. Nakakatulong ang pagkarga ng magulang para makaramdam ng ginhawa ang bata, makatulong sa kanilang paghinga at tibok ng kanilang puso. Gayundin, nakakatulong ito sa development ng kanilang katawan.
Nang lumalaki na ang mga anak ko, nakaugalian na lang nilang magpakarga o lumapit sa akin kapag may problema sila o gusto lang nila ng kalinga. Dahil hindi ko na kayang buhatin ang panganay ko, yakap lang ni Mommy, ayos na.
Noong first-time mom ako, una kong naranasan ang tinatawag nilang “maternal instinct,” nang ayaw kong ipakarga sa iba ang anak ko.
Gayundin, hindi titigil sa pag-iyak ang baby ko kahit kargahin siya ng ibang tao. Titigil lang siya sa pag-iyak kapag ako na ang may karga sa kaniya o dumedede na siya sa akin. Lahat ng tatlong anak ko ay ganito.
“Masyado namang maka-mommy ‘yan,” nasabi na iyan sa ‘kin dati, patungkol sa mga anak ko.
Alam ko wala silang masamang ibig sabihin roon, pero hindi ko maiwasang isipin na nahuhusgahan ako at ang mga anak ko, at para bang may mali sa ginagawa ko.
Masama ba kung ako ang unang hinahanap ng nila? Hindi ba natural lang ito dahil ako ang lagi niyang kasama?
BASAHIN:
Open letter ng isang ina sa mga chismosang mahilig makialam sa buhay ng iba
STOP saying “Nasa bahay ka lang naman, ‘di ba” to Stay-At-Home Moms
Stay-at-home mom depression: Ano ang senyales nito?
Larawan mula sa Freepik
“Baka ma-spoil ang baby kapag laging kinakarga.” Narinig ko na rin ‘yan. Subalit, walang katotohanan ang katagang ito.
“A spoiled child is one that’s manipulative, but babies don’t learn until they’re about 9 months that they can cry to get you to do something for them,” ani Dr. Barbara Howard, assistant professor of pediatrics sa Johns Hopkins University in Baltimore and at miyembro ng American Academy of Pediatrics’ committee on psychosocial aspects of child and family health.
Sa katunayan, nakakadagdag ang madalas na pagkarga o paghawak sa iyong anak sa kaniyang pagkakaroon ng seguridad.
“Babies learn a sense of security, comfort, nurturing and warmth, which in turn gives them the confidence to explore and learn,” ayon kay Dr. Deborah Campbell, director of neonatology ng Montefiore Medical Center sa New York.
Mas nagiging independent, masayahin at mas may kumpiyansa sa sarili ang bata kapag maaga siyang nakaramdam ng sense of security mula sa kaniyang pamilya.
Paglalaan ng oras sa mga anak
Ngayong medyo malalaki na ang mga anak ko, hindi na sila laging nakabuntot sa ‘kin at nagpapakarga (puwera kay bunso, na toddler pa lamang). Pero kapag may kailangan sila, sa akin agad sila lumalapit. Kahit wala silang kailangan, gusto pa rin nilang maglaan ako ng oras para sa kanila.
Dahil isa akong work-from-home mom, lagi nilang inaabangan kung kailan ako matatapos sa aking trabaho.
Natuto rin sila ng gawaing-bahay. Tinutulungan na nila ako sa ibang gawaing-bahay para mabilis akong matapos at magkaroon kami ng oras para maglaro, gumawa ng crafts o makipagkwentuhan.
Kapag nagkukuwentuhan kami ng mga anak ko, mas nakikilala ko sila. Mas naiintindihan ko ang damdamin nila at nagkakaroon kami ng magandang relasyon.
Nakita ko rin ang pagmamahal nila sa akin at sa aming pamilya. Noong nakaraang Mother’s Day, siniguro ng mga anak ko na magiging espesyal ang araw ko kahit sa simpleng paraan lang. Kapag may sakit ako, kinukumutan nila ako at pinapatay ang ilaw para hindi na tumindi ang migraine ko.
Marahil ay natutunan nila ang pag-aalaga at pagkalinga sa kapwa mula sa ipinapakita namin sa kanila.
Hindi ako perpektong magulang, marami rin akong pagkukulang bilang isang ina, pero alam ko na tama ang naging desisyon ko na maglaan ng oras para sa mga anak ko kapag nakikita kong lumalaki sila ng maayos.
Hindi madali, pero worth it
Kahit buong araw naman kaming magkasama sa bahay, minsan nakakaramdam pa rin ako ng “mom guilt,” lalo na kapag inaaya ako ng anak kong makipaglaro, subalit hindi pwede dahil sa trabaho o gawaing-bahay.
Higit sa mga panghuhusga ng ibang tao, iyon siguro ang mas masakit. Kapag naiisip kong hindi sapat ang naibibigay kong oras sa kanila.
Hindi ko sinasabing hindi ako naiinis kapag parang puro ako na lang ang tinatawag nila, at hindi ibig sabihin na hindi ko hinahanap ang pagkakaroon ng “me-time.” Importante pa rin na maglaan tayo ng oras para sa ating sarili.
Mahirap, at minsan nakakapagod din. Nakakainggit ‘yong ibang tao na nakakaalis sa anumang oras nila gusto nang walang humahanap sa kanilang mga anak, at walang laging nakaasa sa kanila.
Pero kahit minsan ay hindi ko pinagsisihan ang paglalaan ng oras sa mga anak ko, lalo na ngayong bata pa sila.
Larawan mula sa Pexels
Alam ko balang araw, magkakaroon din ako ng mas maraming oras para sa sarili ko. Pagdating ng araw na iyon, hahanap-hanapin ko rin ang mga pangungulit ng mga anak ko sa akin. Hahanapin ko rin ang “Mom!” na madalas nilang sambitin.
Kaya habang maliliit pa sila, pahahalagahan ko ang bawat oras na kami ay masayang magkakasama.
“The days are long, but the years are short,” ika nga.
Ang bilis-bilis lumaki ng mga bata. Parang kahapon lang nang isinilang ko ang panganay ko. Ngayon, halos hindi ko na siya mabuhat dahil sa bigat at taas niya.
Kapag tinitingnan ko ang mga baby pictures ng mga anak ko, at pinapanood ko ang mga videos nila kung saan hindi pa sila nakakalakad o nakakapagsalita, halos hindi ako makapaniwala. Parang kumurap lang ako at ngayon, ang lalaki na nila.
Kaya paalala ko sa kapwa magulang: Kargahin mo ang baby mo hangga’t kaya mo pa. Yakapin mo ang anak mo habang gusto pa niya. Hindi mo pagsisisihan na ginawa mo ito. Hayaan mo ang sasabihin ng iba. Gawin mo kung ano sa palagay mo ang makakabuti para sa iyong pamilya.
Source:
WebMD
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!