Madalas mo bang makitang malungkot at tahimik ang iyong anak? Alamin kung ito ba ay sintomas ng depresyon sa mga bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga posibleng sanhi ng depresyon sa bata
- 13 sintomas ng depresyon sa mga bata
- Mga pwede mong gawin bilang magulang
Natural para sa mga bata na malungkot at mainis paminsan-minsan. Pero kung ang ganitong pakiramdam at pag-uugali ay nagtatagal nang walang dahilan at nakakasagabal sa kaniyang pamumuhay, maaring ang iyong napapansin ay sintomas na ng depresyon.
Akala ng ibang magulang, imposibleng makaranas ng depresyon ang mga bata. Ngunit sa kasamaang palad, kahit sa murang edad, maaaring makaranas ng sintomas ng depresyon ang mga bata.
Ang depression o depresyon ay isang mood disorder na inilalarawan ng madalas at matinding kalungkutan, pagka-irita at kawalan ng pag-asa sa buhay.
Sa mga bata, maari itong makaapekto sa kanilang kalusugan, sa kanilang pagkain, pagtulog at maging ang kanilang kakayahang mag-concentrate at makitungo sa ibang tao. Ang mga batang may depresyon ay maaring mawalan ng gana sa kanilang pag-aaral o kahit sa paglalaro, mabilis mapagod at kadalasan, mailap sa ibang tao.
Mga posibleng sanhi ng depression
Gaya ng depresyon na mayroon ang matatanda, maraming bagay ang posibleng naging sanhi ng sintomas ng depresyon sa mga bata. Narito ang ilang sa kanila:
Maaring namana ng bata ang depresyon sa kaniyang mga magulang o ibang miyembro ng kanilang pamilya. Ang mga batang may family history ng depression ay may mas malaking posibilidad na magkaroon rin ng karamdamang ito.
Maaring mayroon siyang pinagdaraanan sa bahay o sa kaniyang paaralan na nagdulot ng kaniyang kalungkutan at hindi niya alam kung paano haharapin ito.
Maaring mayroon siyang sakit na nakakapagdulot ng mga sintomas ng depresyon gaya ng sakit sa puso.
Gayundin, ang mga batang biktima ng pang-aabuso at mga batang lumaki sa magulong tahanan ay may mas malaking posibilidad na magkaroon ng sintomas ng depresyon.
Sintomas ng depresyon sa bata
Maaaring nakakaranas na ng senyales ng depression ang bata, subalit hindi niya mahanap ang mga salita para maipahiwatig ang kaniyang nararamdaman. Kaya naman bilang magulang, dapat maging mas mapagmatyag at bantayan ang mga senyales na ito sa iyong anak:
1. Bumababa ang mga grado sa paaralan
Kapag nakakaranas ng depresyon ang mga bata, nahihirapan silang mag-focus, makinig sa mga guro at sumabay sa mga aralin. Kapag ang mga grado ng iyong anak ay biglang nagsibabaan, alamin kung ano ang dahilan nito.
Maaring sabihin ng bata na hindi siya makapag-isip nang mabuti at pakiramdam niya ay hindi gumagana nang tama ang isip niya.
2. Laging pagod kahit kumpleto sa tulog
Maaaring nakakaranas ng sintomas ng depresyon ang mga bata kung may malaking pagbabago sa kanilang pagtulog.
Kadalasan, kapag nagising ng maaga ang batang nakararanas ng depresyon, nahihirapan silang matulog muli. Ang tulog nila ay hindi mababawi kahit pa matulog sila buong hapon kinabukasan.
Ang pagod na naidudulot nito ay maaaring maka-apekto sa kanilang mga grado at sa mga relasyon sa tao sa paligid nila. Naaapektuhan rin nito kung paano sila mabuhay.
3. Pakiramdam ng bata ay wala siyang halaga
Nasasabi ba ng iyong anak na “Walang may gusto sa’kin,” o “Wala akong kwenta?”
Lumapit sa espesiyalista kapag napansin na ang bata ay may mababang self-esteem o walang pagpapahalaga sa sarili. Maaaring makatulong ang mga eksperto upang makilatis ang mga ganitong naiisip ng bata.
13 sintomas ng depresyon | Image from Freepik
4. Parang wala siyang kaibigan ngunit ayos lang ito sa kaniya
Wala namang masama kung gusto ng bata maglaro nang mag-isa paminsan-minsan. Subalit kung lagi niyang pinipiling mapag-isa, maaring senyales ito na mayroon siyang depresyon.
Ang batang nakararanas ng sintomas ng depresyon ay kadalasang pinipiling ibukod ang sarili niya mula sa iba.
Dahil dito, nagiging mailap sa kaniya ang ibang bata kaya hindi siya naiimbita o naaaya ng mga kaibigan. Kung mayroon mang mag-aya sa kaniya, hindi siya sumasama o hindi natutuwa kung sumama man siya.
5. Parang wala siyang ganang maglaro o gumawa ng ano mang aktibidad
Sa pag-aasikaso sa mga aralin, pakikipaglaro, mga extra-curricular activities at iba pa, natural lamang na mapagod ang bata. Ngunit kailangang maging mapagmasid ng mga magulang kung ang mga aktibidad ng mga bata ay hindi na nagbibigay ng kasiyahan sa kanila.
Ang mga may depression ay hindi tumutugon nang maayos sa mga masasayang aktibidad dahil napupuwersa silang ipakita na masaya sila kahit hindi.
6. Mahirap siyang kausapin
Minsan, ang sintomas ng depresyon ng bata ay hindi nilalarawan ng pagiging malungkot, kundi ang pagiging masungit o iritable.
Kung ang bata ay nagagalit bigla nang walang sapat na dahilan sa kahit anong sitwasyon, maaaring nakararanas sila ng sintomas ng depresyon.
7. Hindi siya napapasaya ng masasayang alaala
May mga bata na likas lang na tahimik at seryoso, at may mga bata na mayroong depresyon.
Paano malalaman kung alin sa dalawa ang iyong anak? Magkwento ng isang masayang alaala. Kapag napangiti ang bata, ibig sabihin ay wala siyang depression at kung ano man ang kaniyang nararamdaman ay normal lang at lilipas rin ang kaniyang kalungkutan.
Subalit kung hindi siya napangiti at napasaya nito kahit kaunti, maari ngang may depresyon ang bata.
8. Nagiging madalas ang kaniyang pag-iyak
Natural lamang ang pag-iyak sa mga bata. Ngunit kung mapansin na mas dumadalas na ang pag-iyak ng iyong anak at walang sapat na dahilan, suriin ang sitwasyon at kumonsulta sa isang eksperto.
13 sintomas ng depresyon | Image from Unsplash
9. Hindi madaling aliwin
Natural lamang na malungkot ang bata lalo na kung may pinagdadaanan siyang malaking pagbabago. Kadalasan ang tao na may pinagdadaanan ay tumatanggap ng pagbigay ng suporta ng ibang tao.
Ang batang nakararanas ng depresyon ay tumatanggi sa pag-aliw na binibigay ng mga tao dahil iniisip nila na hindi nito mababago ang kanilang sitwasyon.
10. Parang laging may sakit ang bata
Dahil wala silang ganang maglaro o kumain, mas madalas na magkasakit ang mga batang nakararanas ng depresyon. Kung dumadalas ang mga ganitong nararamdaman ng iyong anak, kumonsulta agad sa kaniyang doktor.
11. Walang gana sa mga bagay na dati ay nagpapasaya sa kaniya
Kung tila nawalan ng pakialam ang bata sa mga bagay gaya ng eskuwelahan man o kaibigan – na dati’y kinasasabikan niya, maaaring isa itong sintomas ng depresyon sa mga bata.
12. Nag-iba ang gana ng bata sa pagkain
Ang pagbago sa gana ng bata sa pagkain ay maaaring sintomas ng depresyon. Maaaring ang mapili sa pagkain ay biglang nagiging mahilig sa matamis o ang maganang kumain ay biglang nagiging mapili.
Natural lamang na magbago ang hilig ng bata sa pagkain ngunit kung biglaan ang pagbabago, makakabuting obserbahan siya.
13. Masyadong sensitibo sa sinasabi ng iba
Kapag napansin na ang bata ay nagiging mas sensitibo at mabilis sumama ang loob kapag may sinasabi ka sa kaniya, maaring senyales ito na nakakaranas siya ng depresyon.
BASAHIN:
Stay-at-home mom depression: Ano ang senyales nito?
Jolina, nagbigay ng tips sa pag-iwas sa depression at bullying sa mga kabataan
Mga hakbang upang mabawasan ang stress at anxiety ng iyong anak
Anong pwedeng gawin para makaiwas sa sintomas ng depresyon?
Kapag ang mga senyales na ito ay napansin sa iyong anak ng mahigit 2 linggo, dapat na kayong kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Kadalasan, susuriin muna ng doktor kung mayroon bang sakit ang bata, at ano kaya ang sanhi ng kaniyang depresyon. Maari siyang magreseta ng ilang gamot para mabawasan ang mga sintomas, o kaya naman ipayo niya na makipag-usap ka sa isang psychologist o psychiatrist.
Narito naman ang ilang bagay na dapat tandaan ng mga magulang pagdating sa depresyon ng kanilang anak:
-
Maglaan ng oras para sa iyong anak.
Makipaglaro sa bata at alamin na rin ang mga bagay na ayaw at gusto niya. Dalasan ang pakikipag-usap sa iyong anak para malaman mo ang kaniyang nararamdaman.
-
Palakasin ang tiwala sa sarili.
May mga batang sadyang mahiyain. Kaya huwag mong pilitin ang iyong anak na gawin ang bagay na hindi niya kaya o hindi niya gusto. Hintaying maging handa siya para rito. Sa halip, iparating mo sa kaniya ang iyong suporta at pagtitiwala.
-
Siguruhin ring malakas ang kaniyang katawan.
Bigyan siya ng masustansyang pagkain at vitamins, hikayating maglaro sa labas at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
-
Habaan din ang pasensya pagdating sa iyong anak
Kung napapansin na nagiging malungkot o iritable ang bata, pagpasensyahan muna at huwag sasabayan ang kaniyang mga emosyon. Sa halip, subukan mo siyang kausapin at intindihin kung anong pinagdadaanan niya. Iparating sa kaniya na handa kang makinig sa anumang oras.
Sa panahon ngayon, maging ang mga bata ay dapat turuan kung paano pangangalagaan ang kanilang mental health. Basta siguruhing malusog at masigla ang kanilang pangangatawan at ipaalala sa kanila na lagi kang nandiyan para sa kanila.
Kahit sino at kahit anong edad ay maaaring makaranas ng sintomas ng depresyon. Ang importanteng bagay ay mabantayan at mabigyan ng tulong ang mga bata para malaman nila na hindi normal ang kanilang nararamdaman.
Kung mayroong katanungan tungkol sa depression o mayroong napapansin na kakaiba sa ikinikilos ng iyong anak, huwag mahihiyang kumonsulta sa doktor.
Source:
Reader’s Digest, WebMD, KidsHealth, Cleveland Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!