Postpartum psychosis ang tinitingnang dahilan kung paano nagawang ilublob sa balde ng tubig ng isang ina ang kaniyang 11-buwang anak.
Nangyari ang insidente sa Cebu City na kung saan bumayahe pa mula Misamis Occidental ang mag-ina para maipagamot umano ang anak na laging may sakit. Habang nasa lungsod ay tumuloy muna ng pansamantala ang mag-ina sa isang dormitoryo na kung nasaan nangyari ang krimen.
Patay ang sanggol sa ginawang panlululob sa kaniya ng ina sa balde ng tubig. Ayon sa ginawang autopsy sa bata, lumabas na blunt traumatic injury ang ikinamatay ng 11-buwang sanggol na babae.
Dahil sa posibilidad na wala ito sa tamang pag-iisip ay dinala sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) ang ina ng bata. Ayon sa ina ay na-stress at na-depress daw siya dahil sa labis na pag-aalala sa anak niya.
Paliwanag ng psychiatrist mula sa VSMMC na si Dr. Rene Obra, maaring may postpartum psychosis ang ina ng bata.
“Kapag panganganak palang, may drastic change sa level ng female hormone. Kung mabilis o biglaan ang level ng pag-alter nito nagkakaroon ng behavioral changes,” paliwanag pa ni Dr. Obra.
Sa ngayon ay pansamantalang nakakulong ang ina sa Waterfront Station sa Cebu City habang patuloy parin ang ginagawang imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Postpartum psychosis
Ayon sa Postpartum Support International o PSI, ang postpartum psychosis ay isang bibihirang sakit na nararanasan ng mga babae matapos makapanganak. Ito ay tumatama sa isa hanggang sa dalawang babae sa kada 1,000 na panganganak.
Ang postpartum psychosis ay kaiba sa postpartum depression o anxiety dahil sa mas malala o lubhang nakakabahala ang mga sintomas nito. Magsisimulang mapansin ang sintomas ng postpartum psychosis madalas sa loob ng dalawang linggo matapos makapanganak ang isang babae.
Sintomas ng postpartum psychosis
Ang mga sintomas ng postpartum psychosis ay ang sumusunod:
- Delusions o strange beliefs
- Hallucinations o ang paniniwalang nakakakita o nakakarinig ng mga bagay na wala naman
- Pagkaramdam ng labis na iritasyon
- Hyperactivity
- Hirap na makatulog
- Paranoia at suspiciousness
- Rapid mood swings
- Hirap na makipag-communicate o makipag-usap
Mataas ang tiyansa ng isang babae na makaranas ng postpartum psychosis kung siya o isa sa miyembro ng kaniyang pamilya ay may history ng bipolar disorder o psychotic episodes.
Ayon sa mga pag-aaral, nasa 5% ang suicide rate ng mga babaeng nakakaranas ng postpartum psychosis. Habang 4% naman ang infanticide rate o ang pagpatay ng ina sa sarili niyang anak dahil sa sakit.
Ang postpartum psychosis ay pansamantala lamang at maaring malunasan. Kaya naman kung mapapansin na ang isang babae ay nagpapakita ng mga nasabing sintomas ay agad na humingi ng tulong mula sa isang doktor para maipagamot siya. At maiwasang masaktan niya ang kaniyang sarili o kaya naman ang anak niya.
Source: PSI , GMA News
Basahin: 14-buwang gulang na sanggol, nalunod sa timba
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!