Pregnant OFW namatay sa COVID-19. Ipinagbubuntis na sanggol ng biktima naipanganak sa pamamagitan ng cesarean delivery ilang oras bago siya nasawi.
7-month pregnant OFW namatay sa COVID-19
Isang buntis na OFW ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa UAE dahil sa COVID-19. Siya ay si Grace Joy Tiglao, 28-anyos.
Base sa kuwento ng kaniyang asawa na si Joseph Ayson Tiglao, May 23 ng masawi ang kaniyang asawa dahil sa sakit. Hindi niya daw ito kasama at mapuntahan dahil siya rin ay nag-positibo sa sakit at naka-isolate. Noong una akala niya ay bumubuti na daw ang lagay ng kaniyang asawa. Pero nagulat daw siya ng ito ay lumala at kailangan ng ma-intubate. Sumailalim rin ito sa emergency cesarean section delivery upang mailigtas ang baby na kaniyang ipinagbubuntis.
“At the time, isolated na ako. Nagkausap naman kami ni misis. Nagiging better naman na daw sya. Pero lumalala, sobrang nahihirapan siyang huminga kaya in-intubate. Nag-decide sila na mag-CS operation to save the baby.”
Baby ng OFW ligtas na naisilang via CS delivery
Matagumpay daw na naisilang ang kanilang baby na isang babae at pinangalanan nilang Dylhanne Grace, 10:30 ng gabi. Habang napayagan naman si Joseph na lumabas sa isolation center at makita ang kaniyang asawa at anak, 4 a.m ng sumunod na araw. Ngunit makalipas ng ilang oras matapos ang panganganak, bandang 5:30 am nasawi ang kaniyang asawa. Ito ay matapos umano itong makaranas ng cardiac arrest ng dalawang beses.
“On that day, she was asking me to be there next to her kasi one week na kaming hindi nagkikita. Hindi ko alam na parang yun na… parang gusto na pala niyang magpaalam sa ‘kin.”
“Super sakit isipin kasi nga andito ako wala akong magawa bilang asawa niya. If alam ko lang, hindi ko na siya iniwan sa hospital nun since parehas naman kaming positive.”
Ito ang malungkot na pag-alala ni Joseph sa nangyari sa kaniyang misis.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga parin daw ng ospital ang kanilang baby. Habang si Joseph naman ay idineklara ng COVID-19 free nito lamang June 27.
Samantala, ayon naman sa OWWA o Overseas Workers Welfare Administration, ang kaso ng asawa ni Joseph na si Grace ay kanila ng pinag-aaralan. Ito ay upang malaman kung mag-qualify siyang mabigyan ng burial assistance mula sa ahensya.
Si Joseph at ang kaniyang namayapang asawa na si Grace ay nagtratrabaho bilang restaurant staff sa UAE. Si Joseph ay nagmula sa San Luis, Pampanga. Habang si Grace naman ay mula sa Cagayan Valley. Sila ay nakatakda na sanang bumalik ng Pilipinas nitong Hunyo kung hindi lang sila nahawa ng sakit na COVID-19.
COVID-19 sa buntis
Ayon sa CDC, ang mga buntis ay nakakaranas ng immunologic at physiologic changes sa kanilang katawan. Ito ay nagiging dahilan upang mas maging susceptible sila sa mga viral infections tulad ng COVID-19.
“Pregnant women experience immunologic and physiologic changes which might make them more susceptible to viral respiratory infections, including COVID-19.”
Ito ang pahayag ng CDC. Bagamat, sa ngayon ay wala pang sapat na impormasyon upang mapatunayan ang susceptibility nila sa COVID-19. Ang mga nakalipas na datos na nakalap kaugnay sa kahalintulad nitong coronavirus infection na SARS at MERS, ay napatunayang mas at risk sila sa mga ganitong uri ng impeksyon kumpara sa iba.
Pagdating naman sa epekto ng COVID sa buntis ay hindi parin sapat ang impormasyong mayroon ang ahensya. Ngunit kung ikukumpara muli sa SARS at MERS ay naitalang may mga buntis ang nakaranas ng pregnancy loss tulad ng miscarriage at stillbirth ng madapuan ng virus.
“We do not have information on adverse pregnancy outcomes in pregnant women with COVID-19. Pregnancy loss, including miscarriage and stillbirth, has been observed in cases of infection with other related coronaviruses [SARS-CoV and MERS-CoV] during pregnancy.”
Epekto ng COVID sa mga sanggol
Dagdag pa ng CDC, sa ngayon ay hindi parin matibay na napapatunayan kung maari bang maihawa ng buntis na ina ang virus sa kaniyang dinadalang sanggol. Ngunit base sa mga naunang kaso ng buntis na na-infect ng sakit ay hindi nag-positibo sa virus ang mga bagong silang nilang sanggol. Hindi rin na-detect ang virus sa kanilang amniotic fluid samples at breastmilk. Bagamat ilan sa mga sanggol ang nakaranas ng adverse infant outcomes tulad ng preterm birth.
“However, in limited recent case series of infants born to mothers with COVID-19 published in the peer-reviewed literature, none of the infants have tested positive for the virus that causes COVID-19. Additionally, virus was not detected in samples of amniotic fluid or breastmilk.”
Ito ang dagdag pang pahayag ng ahensya. Pero sa kabila nito ay pinapaalalahanan ng CDC ang mga buntis na umiwas na mahawa sa sakit hanggat maari.
Payo naman ng Europe Center for Disease Prevention and Control o ECDC ay narito ang mga paraan na maaring gawin ng mga buntis upang maging protektado laban sa coronavirus disease.
Coronavirus sa buntis: Mga paraan kung paano maiiwasan
- Magbasa-basa at i-educate ang sarili tungkol sa COVID-19 mula sa mga reliable at trusted sources.
- Manatiling physically active para masiguro ang good physical condition.
- Tawagan at i-discuss sa iyong antenatal provider ang tungkol sa concerns mo sa kumakalat na sakit. Kausapin siya tungkol sa mga susunod mong pre-natal appointments at delivery plan. Ito ay upang makabuo siya ng plano o paraan na masisiguro ang kaligtasan ng iyong pagbubuntis laban sa sakit.
- Sa oras na makaramdam ng sintomas ng sakit tulad ng ubo, lagnat at hirap sa paghinga ay tumawag rin muna sa iyong doktor bago gumawa ng kahit anong hakbang. Hintayin ang kaniyang instructions bago uminom ng kahit anong gamot pati na sa kung ano ang dapat mong gawin.
- Mainam ring maghanda na ng mga over-the-counter medicines at iba pang medical supplies na iyong gagamitin.
- Maghanda narin ng sapat na groceries at iba pang household items na tatagal ng 2-4 na linggo. Ito ay upang maiwasan na ang paglabas at pakikihalubilo sa maraming tao. Ngunit gawin ito ng paonti-onti at iwasan ang panic buying.
- I-activate ang iyong social network. Tawagan at kausapin ang iyong kapitbahay, kaibigan at kapamilya sa dapat gawin sa oras na kumalat na ang COVID-19 sa inyong lugar.
- Sumunod sa mga instructions ng national authorities sa paghahanda sa emergency o pagkalat ng sakit.
- Ipagpatuloy ang pag-praktis ng good proper hygiene.
Iba pang paraan upang ma-proteksyonan ang iyong sarili at kapwa laban sa sakit
- Ugaliing hugasan ang iyong kamay gamit ang sabon at tubig o alcohol-based sanitizer. Gawin ito bago kumain, pagkatapos mag-CR, umatsing, umubo o bumahing. Agad ring maghugas ng kamay kapag nanggaling sa pampublikong lugar at matapos humawak sa mga surfaces o ibang tao.
- Iwasan ring hawakan ang iyong mukha, mata at ilong ng hindi pa naghuhugas ng iyong kamay.
- Iwasang magkaroon ng kontak sa mga may sakit lalo na sa may mga ubo.
- Huwag munang dumalo sa mga meetings, events at social gatherings sa inyong komunidad.
- Kung lalabas ng bahay o may ubo ay magsuot ng mask upang hindi na makahawa pa sa iba.
- I-praktis ang social distancing o iwasan munang magpunta sa matataong lugar. Pati na ang pagtambay sa mga poorly ventilated na lugar. Mag-grocery shopping sa off-peak hours. Iwasan ang sumakay sa mga public transport kapag rush hour. Mag-exercise sa labas o outdoors kaysa sa indoor settings.
Source:
GMA News, ECDC, theAsianparent PH
Basahin:
Mga dapat dalhin pag manganganak na sa panahon ng COVID-19 pandemic