Presyo ng panganganak sa Finland nasa P3,000 lang!
Mukhang hindi man kapani-paniwala lalo pa’t isa itong kilalang bansa pero ito ay totoo. Ang panganganak sa Finland ay hindi kasing gastos sa Pilipinas.
Ang Finland ay nangunguna sa listahan ng mga bansa na kung saan maeenjoy mo ang pagiging nanay. Dahil maliban sa mababang presyo ng panganganak ay maganda rin ang mga benefits na binibigay nila sa mga new moms.
Kapuri-puri rin ang healthcare system sa Finland kaya naman kilala ito na may pinakamababang maternal death rate sa buong mundo.
Presyo ng panganganak sa Finland vs sa Pilipinas
Pero ang talaga naman kahanga-hanga sa Finland lalo na kung ikukumpara sa Pilipinas ay ang presyo ng panganganak dito.
Ayon kay Dr. Aydin Tekay, chief physician ng isang labor ward sa Helsinki University Central Hospital, ang presyo ng panganganak sa Finland ay nagkakahalaga lamang ng €100 at ang 50% pa nito ay ibinabalik sa mga magulang bilang reimbursement.
Kung i-cocompute at i-coconvert sa Philippine peso ito ay nagkakahalaga ng humigit kumulang na P3,000!
Sa halagang iyan ay maari ng makakuha ng isang private room o hindi kaya naman ay manganak thru water birth ang isang expectant mom.
Kung ikukumpara sa Pilipinas na kung saan napakagastos ng panganganak, ang presyo ng panganganak sa Finland ay halos 10% lamang ng kabuuang halaga ng normal delivery sa isang semi-private lang na ospital sa bansa.
Dahil sa Pilipinas ang kadalasang presyo ng panganganak sa normal delivery ay nagkakahalaga ng mula P20,000-P40,000 sa isang semi-private na hospital.
Samantalang, ang presyo naman ng panganganak via normal delivery sa isang private hospital ay umaabot na ng mula P40,000 to P100,000.
Doble naman ang inaabot ng presyo ng panganganak para sa mga buntis na dadaan sa caesarean section delivery.
Bagamat mayroong mga programa ng gobyerno na tumutulong na sa gastos ng panganganak ng mga Pilipino, mayroon namang mga qualifications o requirements bago ma-avail ang mga benefits nito.
Dahil naman sa mababang presyo ng panganganak sa Finland at quality healthcare service ng mga ospital dito ay naging number one ito sa mga bansang pinipiling pag-anakan ng mga expectant moms sa buong mundo.
Finnish baby box
Isa pang dahilan kung bakit pinipili rin itong pag-anakan ng mga moms-to-be ay ang pinamimigay na libreng baby boxes ng Finland government.
Ang loob ng baby box ay puno ng basic necessities na kakailanganin ng isang newborn baby.
Tulad ng mga damit, sleeping bag, bedsheet, thermometer, diapers at iba pang gamit ng baby sa kaniyang unang mga buwan.
Ang tradisyon ng pamimigay ng baby box sa Finland ay nagsimula pa noong 1938 na kung saan bawat expecting parents ay makakatanggap nito bilang preparasyon sa pagdating ng kanilang baby.
Maternity benefits sa Finland vs sa Pilipinas
Maliban sa mababang presyo ng panganganak ay napaka-komprehinsibo rin ng ibinibigay na maternal benefits ng Finland sa mga babaeng buntis at bagong panganak.
Para sa mga locals na naninirahan sa Finland ay libre ang lahat ng check-up, examinations pati na mga laboratory testing at ultrasound sa mga nagdadalang-tao.
Pagtapos manganak ay entitled parin ang mga new moms at kanilang baby sa mga libreng check-up para masubaybayan ang kanilang health at development.
Marami ring oras ang mga new moms sa Finland sa kanilang newborn dahil sa four months paid maternity leave na nakasaad sa batas ng Finland government.
Mayroon ding six months paid parental leave na maaring hatiin ng ina at ama upang mas mabigyan ng kinakailangang oras pa ang kanilang anak.
Dito sa Pilipinas, kamakailan lang ay naging ganap na isang batas ang Expanded Maternity Leave Law o Republic Act 11210.
Sa ilalim ng batas na ito ay lahat ng babaeng bagong panganak mula sa government at private sector ay entitled na sa 105 days ng paid maternity leave credits na kung saan pitong araw rito ay transferrable o maaring gamitin ng ama ng tahanan o padre de pamilya.
May dagdag na 15 days maternity leave credits naman ang ibinibigay sa mga single mothers na walang katuwaang sa pag-aalaga sa bagong silang nilang anak.
Mayroon ding option ang mga bagong silang na ina na i-extend ang kanilang leave ng dagdag pang 30 days ngunit ito ay unpaid na.
Malaki ang naging pagbabago at improvement ng batas na ito pagdating sa pagbibigay ng maternal benefits sa mga babaeng bagong panganak.
Dahil maliban sa dagdag na 45 days paid maternity leave mula sa nauna ng nakasaad sa batas na 60 days paid leave para sa normal delivery ay inalis na rin ang 4-pregnancy cap para makuha ang mga benepisyo na ito.
Sa tulong ng bagong batas lahat ng bagong panganak na babaeng manggagawa single man o married, ay maaring makuha ang mga maternal benefits na nabanggit na walang limit sa bilang ng anak.
Samantala, sa kabila ng magagandang benepisyong ibinibigay ng Finland government sa mga bagong panganak ay patuloy paring bumababa ang birth rate sa kanilang bansa.
Sources: The Asian Parent Philippines, ABS-CBN News, CBS News
Basahin: Frequently asked questions tungkol sa Expanded Maternity Leave Law
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!