Sa buhay natin, hindi talaga naiiwasan na minsan o para nga sa iba ay madalas na tayo ay puyat. Maaaring dahil sa trabaho o karamdaman. Kaya naman ang tanong na madalas nating naririnig ay kung pwede ba maligo ang puyat? Totoo ba na nakalalabo ng paningin at nakabubulag ang pagligo nang puyat? Tunay rin bang bumababa ang blood pressure kapag puyat at naligo? Alamin dito!
Pwede ba maligo ang puyat?
Masama ba maligo ang puyat? Marahil ilang beses mo na rin itong naitanong tuwing napupuyat at nais na maligo. Ilang henerasyon na rin nating naririnig na ang pagligo kung ikaw ay puyat ay masama sa kalusugan. Pero ano nga ba ang katotohanan? Pwede ba maligo ang puyat?
Kapwa sinagot nina Dr. Kilimanguru, doktor at social media influencer, at ni Nurse Dash Bee, isa ring social media content creator ang tanong na: pwede bang maligo ang puyat?
Masama ba maligo ang puyat? Ito ang sabi ng experts!
Ayon kay Dr. Kilimanguru, sa isa niyang Facebook video tungkol sa pagligo sa gabi kung puyat at pawis na pawis, hindi umano masama ang pagligo ng puyat. Umaga man, tanghali, hapon, o gabi.
Aniya, hindi mahalaga kung kailan maliligo pero nakadepende ito kung gaano kainit o kalamig ang tubig na ipanliligo.
Marahil narinig mo na sa matatanda na kapag naligo nang puyat ay posibleng bumaba ang iyong blood pressure. Pero ang totoo, walang kinalaman ang puyat dito. Bagkus ang factor na nakaaapekto sa blood pressure ay ang malamig na tubig.
“Pwede [maligo kahit puyat]. Hindi mahalaga kung kailan ka maliligo. Ang mahalaga ay kung gaano kainit, kalamig, at kung gaano ka katagal nakababad sa tubig.
Kapag isang oras kang nakababad sa tubig na sobrang lamig…maaaring bumaba ang blood pressure mo, bumagal ang pagtibok ng puso at mawalan ka ng malay,” saad ni Dr. Kilimanguru.
Dagdag pa nito, “Pag-iyong tabo-tabo lang, shower-shower, hindi ka naman nakababad nang matagal at tama lang ang temperatura ng tubig.
Maligo ka kung kailan mo gusto. Walang mangyayari sa’yo. Tulad ng walang mangyayari sa’yo kung maliligo ka man sa umaga, hapon, o gabi.”
Ganito rin ang sinabi ni Nurse Dash Bee sa kaniyang Tiktok content. Marahil narinig niyo na rin ang sabi-sabi na maaaring lumabo ang mata o kaya naman ay mabulag kung ikaw ay maliligo ng pagod at puyat. Ngunit wala umano itong scientific evidence. Walang pag-aaaral na nagsasabing nakabubulag ang pagligo kung ikaw ay puyat.
Dagdag pa ng nurse, hindi ka rin lalagnatin, hindi maglalagas ang buhok at hindi bababa ang dugo kung ikaw ay maliligo nang puyat.
Pwede ba maligo kapag puyat?
Kaya naman, ang sagot din ni Nurse Dash Bee sa tanong na pwede ba maligo ang puyat, ay OO. Walang masama na maligo ang puyat.
Iwasan lamang maligo kapag labis na inaantok dahil baka mahulog o madulas. Iwasan din ang pagligo ng sobrang lamig na tubig. Importante na may presence of mind kapag naliligo upang maiwasan na madulas, mauntog o matumba.
Dagdag pa ni nurse Dash Bee, kung sobrang pagod ay magpahinga muna nang 30 minutes bago maligo. Ugaliin ding uminom ng maraming tubig at kumain nang wastong pagkain para lumakas ang immune system kung laging nagpupuyat.
Epekto ng pagpupuyat sa kalusugan
Samantala narito naman ang mga posibleng epekto ng pagpupuyat sa kalusugan ng isang tao:
1. Inaantok kapag umaga
Kapag puyat ang isang tao ay talaga namang aantukin ito sa umaga, kaya naman pakiramdam din ng mga taong puyat ay pagod. Ang daytime sleepiness ay maaaring rason kung bakit walang enerhiya ang isang tao na maaaring magdulot ng problema sa trabaho, paaralan, at mga relasyon.
2. Nababawasan ang pagiging alerto kapag puyat
Ang taong puyat ay nakakaranas ng cognitive impairment o sa madaling sabi ay hindi nakakapokus ng maigi at nababawasan ang pagiging alerto. Dagdag pa rito, maaaring mahirapan ang taong puyat sa pagmu-multitasking.
Kaya naman ang mga taong puyat ay maaaring magkamali ng mas madalas kaysa sa mga taong hindi puyat. Dagdag pa rito, ang mga taong puyat ay tumataas ang tiyansa na makaranas ng vehicle accident.
3. Pagbabago ng mood
Ang pagiging puyat ay magdudulot din nang pabago-bagong mood sa isang tao. Mas nagiging iritable, frustrated at unmotivated ang isang taong puyat.
4. Nababawasan ang immune function
Kapag puyat ang isang tao ay maaaring makaapekto ito sa kaniyang immune system. Maaari umano nitong pahinain ang resistansya ng isang tao, kaya naman maaaring mas madali siyang dapuan ng sakit.
5. Pagdagdag sa timbang
Ang pagiging puyat ng madalas ay maaaring magpadagdag sa iyo ng timbang. Maaari kasing maapektuhan ang iyong appetite at metabolism kapag ikaw ay puyat. Kaya naman kinokonekta ang puyat sa pagtaas ng tiyansa sa pagkakaroon ng obesity.
Tandaan
Mahalaga ang sapat na tulog para sa isang tao, ang sapat na tulog ay malaki ang impact sa kalusugan ng isang tao. Kaya naman sikapin na matulog ng 8 oras kada araw. Maaaring basahin ang artikulong ito kung ikaw ang nahihirapan makatulog sa gabi, i-click ito!
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!