Maraming pagbabago sa katawan ang mararanasan kung ikaw ay buntis. Kabilang na ang pagtaas ng level ng hormones na maaari ding magdulot ng insomnia at food aversion. Karaniwan na sa mga buntis ang hirap sa pagtulog, pero bawal ba magpuyat ang buntis? Ano ba ang epekto ng pagpupuyat sa buntis?
Pagpupuyat ng buntis
Maraming iba’t ibang kaganapan sa katawan ang dapat na asahan kapag ikaw ay buntis. Nariyan na mararamdaman mo ang panaka-nakang pananakit ng puson at balakang, pati na rin ang pagkakaroon ng constipation at heartburn.
Ang mga ito ay sila ring dahilan kung bakit karamihan sa mga babae na nagbubuntis ay nakararanas ng mga gabing hindi makatulog o hirap sa pagtulog.
Ayon sa Hopkins Medicine Org., pangkaraniwan na ang pagpupuyat ng buntis. First trimester pa lamang umano ng pagbubuntis ay makararanas na ng hirap sa pagtulog ang buntis dahil sa pagtaas ng level ng progesterone hormone sa katawan.
Sa second trimester naman ng pregnancy journey ay bahagyang mababawasan ang hirap na dinaranas ng buntis. Pero pagdating ng third trimester, ang pressure sa sinapupunan ng buntis at ang lumalaking tiyan ang karaniwang dahilan kung bakit napupuyat ang buntis.
Normal na nahihirapang makahanap ng komportableng posisyon sa paghiga ang mga buntis sa third trimester. Sa third trimester din tumataas ang level ng estrogen hormone na maaaring maging dahilan para magkaroon ng rhinitis ang isang babae. Ang rhinitis ay pamamaga ng nasal tissue na maiuugnay sa kondisyon na tinatawag na obstructive sleep apnea.
Nangyayari ang sleep apnea kapag ang hangin ay hindi makadaloy nang maayos papasok at palabas ng bibig at ilong. Nagdudulot ito ng hirap sa paghinga at isa rin sa mga dahilan ng puyat sa mga buntis.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Ketut Subiyanto
Bukod pa rito, ang restless legs syndrome ay karaniwan din na dinaranas ng mga buntis. Ito ay ang uncontrollable na paggalaw ng mga binti habang nagpapahinga. Madalas itong dinaranas ng mga matatanda pero isa rin ito sa mga karaniwang rason kung bakit napupuyat ang mga buntis.
Kadalasang umaatake ang restless legs syndrome tuwing gabi, kung kailan oras na ng pagtulog. Pero hindi naman umano ito dapat na ikabahala dahil kusa rin itong mawawala matapos manganak.
Ayon pa rin sa Hopkins Medicine, ang restless legs syndrome ay naiuugnay sa anemia na karaniwan sa mga buntis. Makabubuti umanong kumonsulta sa iyong doktor at humingi ng rekomendasyon para sa prenatal vitamins at supplements tulad ng folic acid at iron para maiwasan ang anemia sa buntis.
Bawal ba magpuyat ang buntis? Mga dahilan kung bakit napupuyat ang buntis
Ayon naman sa Healthline, isang health website, bukod sa mga nabanggit na dahilan kung bakit nagkakaroon ng insomnia ang buntis, narito pa ang ibang mga dahilan ng puyat sa buntis:
- Vivid dreams o pananaginip
- Pagduduwal at pagsusuka
- Pakiramdam na madalas naiihi
- Pananakit ng likod, tiyan, at dibdib
- Pamimintig ng binti
- Hirap sa paghinga
- Heartburn
Dagdag pa sa mga ito ay posibleng nakadarama ng anxiety tungkol sa labor at delivery ang buntis kaya hindi ito makatulog. Tandaan mommy, na hindi makabubuti ang labis-labis na pag-aalala habang ikaw ay buntis. Makakatulong ang pagsusulat sa journal para maibsan kahit paano ang anxiety. Makakatulong din ang pagkausap sa iyong partner tungkol sa mga bumabagabag sa iyo.
Epekto ng pagpupuyat sa buntis: Bawal ba magpuyat ang buntis?
Ngayong alam na natin kung ano ang mga dahilan kung bakit napupuyat ang buntis, mahalagang alam din natin kung masama ba sa buntis ang laging puyat. Bawal ba magpuyat ang buntis? Ano ang masamang epekto ng pagpupuyat sa buntis?
Masama ba sa buntis ang laging puyat?
Bagama’t normal o pangkaraniwan sa buntis ang madalas na napupuyat, mayroong masamang epekto ng pagpupuyat sa buntis.
Bawal ba magpuyat ang buntis?
Ayon sa pag-aaral na nabanggit sa artikulo ng Hopkins Medicine Org, ang mga buntis na hindi nakakukuha ng sapat na tulog ay mayroong mataas na risk na magkaroon ng pregnancy complications. Ilan sa mga masamang epekto ng pagpupuyat sa buntis ay ang pagdanas ng preeclampsia o high blood pressure habang buntis. Bukod pa rito, tumataas din ang tiyansa na magkaroon ng gestational diabetes ang buntis na palaging puyat.
Dagdag pa rito, mas mataas ang tiyansa ng cesarean section at matagal na pagle-labor kung laging puyat ang buntis lalo na kung mas maikli pa sa anim na oras ang naitutulog nito sa loob ng 24 oras.
Paano maiiwasan ang pagpupuyat habang buntis?
Pangkaraniwan man ang insomnia sa buntis, may mga paraan pa rin para maiwasan na mapuyat ang buntis.
1. Magkaroon ng bedtime routine
Mahalaga na sanayin ang katawan na magkaroon ng good sleeping habits. Mag-set ng oras kung kailan kailangan mon ang humiga at magpahinga nang makatulog. Gawin ito gabi-gabi at pare-parehong oras dapat ang oras ng pagtulog.
2. Iwasan ang screen time
Isang oras bago matulog ay dapat na iwasan na ang paggamit ng mga gadget tulad ng telebisyon, cellphone, at tablet. Ang blue light kasi mula sa mga gadget na ito ay nakaaapekto sa circadian rhythm ng ating katawan. Mas makabubuti kung magbabasa ng libro para antukin.
Larawan mula sa Pexels kuha ng cotton bro studio
3. Uminom ng sapat na dami ng tubig
Tiyaking sapat ang naiinom na tubig sa loob ng isang araw. Pero iwasan na ang pag-inom ng tubig pagkalagpas ng 7:00 pm. Iwasan din na uminom ng caffeinated drinks tuwing hapon.
4. Kumain ng masustansyang pagkain
Masustansya dapat ang kaining hapunan at dahan-dahan ang gawing pagkain para maiwasan ang pagkakaroon ng heartburn. Makakatulong din kung maaga kang kakain ng dinner pero tiyakin din na hindi ka matutulog nang gutom.
Puwedeng kumain ng light snack kapag nakaramdam ng gutom bago matulog. Makakatulong din ang pag-inom ng maligamgam na gatas para makatulog ka nang mahimbing.
5. Mag-ehersisyo
Alamin sa iyong doktor kung ano ang mga ehersisyo na puwede sa iyo habang ikaw ay buntis. Makatutulong ang pag-eehersisyo sa umaga at manatiling active hanggang sa hapon para makatulog nang mahimbing sa gabi.
Tandaan lang na hindi lahat ng ehersisyo ay puwede sa buntis, kaya mahalagang konsultahin ang iyong doktor para malaman kung anong ehersisyo ang angkop sa iyong kondisyon.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Yan Krukov
6. Gawing komportable ang sarili
Kung nagdudulot ng discomfort ang pananakit ng dibdib tuwing gabi, magsuot ng komportableng sleep bra na angkop ang sukat sa iyo. Ayos lang din na hanapan ng angkop na sleeping position ang sarili para maging mahimbing ang pagtulog.
7. Gumamit ng dim light
Makatutulong para makatulog nang mahimbing sa gabi kung gagawin mong medyo madilim ang iyong kwarto. Gayundin kung ito ay tahimik at sapat ang lamig sa loob ng kwarto. Puwedeng gumamit ng dim light para ma-relax ang mga mata.
8. I-distract ang sarili
Mas madali kang aantukin kung ididistract mo ang iyong sarili habang nakahiga. Maaari kang magbasa ng libro hanggang sa ikaw ay antukin. Huwag gagamitin ang cellphone sa pagdistract sa sarili. Lalo kang hindi aantukin dahil sa blue light mula rito.
9. Mag-meditate
Puwedeng subukan ang meditation o iba pang relaxation techniques at exercises. Sa pamamagitan nito marerelax ang iyong isipan at makakatulog ka nang mahimbing sa gabi. Ang ganitong uri ng mga relaxation techniques ay karaniwang itinuturo sa mga childbirth classes.
10. Cognitive behavioral therapy
Kung matindi ang insomnia at hindi talaga umubra ang mga naunang paraan para makatulog sa gabi, maaaring subukan ang cognitive behavioral therapy. Matutulungan ka ng CBT na maunawaan kung bakit ka mayroong insomnia.
Gayundin, sa pamamagitan nito malalaman mo kung ano ang mga emosyon na maaaring dahilan ng insomnia at matuturuan ka kung anong mga lifestyle changes ang dapat gawin para mabawasan ang insomnia.
Makatutulong ang cognitive behavioral therapy partikular sa mga buntis na mayroong anxiety at depression.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!