Pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon? Narito ang sagot sa tanong na ito ng mga eksperto.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon?
- Paalala sa pagpapaligo kay baby
- Mga tips sa pag-aalaga sa baby na may sakit
Talaan ng Nilalaman
Pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon?
Isa ito sa madalas na itinatanong ng mga magulang lalo na ang mga first time moms. Dahil ito sa pag-alala na baka kapag pinaliguan sila ay mas lumala pa ang sakit na kanilang nararamdaman.
Ngunit sa mga panahon tulad ngayon na mainit at maalinsangan, ay malaki ang maitutulong ng paliligo para sila ay maginhawaan. Kaya naman ang isang malaking tanong ng mga magulang, pwede bang paliguan ang baby na may ubo at sipon?
Sagot ng mga eksperto
Ayon kay Dr. Alan Greene, isang pediatrician at clinical professor mula sa Stanford University, ang pagpapaligo sa isang sanggol na may ubo at sipon ay ayos lang. Basta hindi lang siya lalamigin kapag ginawa ito.
“Bathing your baby is okay, as long as she doesn’t get too chilled.” aniya.
Habang ayon naman kay Dr. Gellina Maala, isang Filipino pediatrician, ang pagpapaligo sa isang baby kapag ito ay may ubo at sipon ay depende sa pakiramdam o kondisyon ng sanggol.
Kung mukhang okay naman sila at masigla pa rin sa kabila ng nararamdaman ay puwede pa rin silang paliguan. Basta ang gagamiting tubig lang ay maligamgam lang o lukewarm.
Dahil ang steam o usok mula rito ay nakakatulong para maibsan ang bara sa kanilang ilong at dibdib. Ang resulta mas nagiging maluwag ang kanilang paghinga.
“It is a case-to-case basis. It’s okay to give them baths when afflicted with mild flu, especially when you use lukewarm water. It is soothing for them plus the temperature helps to loosen up clogged nose.”
Ito ang pahayag ni Dr. Gel.
Ngunit kung si baby raw ay masama talaga ang pakiramdam at umiiyak kung mapaliguan ay mas mabuti munang ipagpaliban ito. At sa halip ay punasan lang siya ng basang bimpo upang malinisan.
“Sometimes when the baby is not really feeling well, they become fussy during bath time. We can do sponge bath using wash cloth to clean them.” dagdag ng doktora.
Mga paalala sa pagpapaligo kay baby
May sakit man o wala, ang pagpapaligo sa isang maliit na sanggol ay isa sa mga kinatatakutang bagay ng mga magulang. Bukod sa napaka-fragile nila, nag-aalala tayo kung komportable ba sila habang pinaliliguan. “Masyado bang mainit ang tubig? Tama ba ang ginagawa ko? Iyan ang mga karaniwang inaalala ng mga magulang.
Mapa-first baby man o pangatlong anak mo na ang pinaliliguan mo, mapapaisip ka pa rin kung gaano kadalas ba dapat pinapaliguan ang sanggol.
Narito ang ilang bagay na dapat tandaan sa pagpapaligo kay baby ayon sa kaniyang edad:
-
1 hanggang 3 buwan
Sa mga unang buwan ng iyong anak, mas makakabuti kung 1 hanggang 2 beses lang sa isang linggo mo siya papaliguan. Habang hindi pa natatanggal ang kaniyang umbilical stump, kailangan mong maging maingat na hindi mabasa ito. Dampian lang muna ng basang washcloth ang kanilang katawan, mula ulo hanggang paa.
Kapag natanggal na ang kanilang umbilical stump, pwede mo nang simulan ang mas tradisyunal na paraan ng pagligo. Muli, magsimula sa kanilang ulo pababa sa paa.
Tandaan na dapat ay mabilis na mabilis lang ang pagpapaligo sa baby (mga 5-10 minuto lang) at siguruhin na tama ang temperatura ng tubig. Lukewarm water ang dapat na gamitin.
Paalala ni Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center,
“Ang importante lang not the the time of the day, like I mentioned earlier iyong hamog at rain, it is not the water, its how fast you’re going to do the bathing of your baby. And at the same time dapat bibiihisan agad.
Kasi iyong sudden shift of temperature doon puwedeng magkaroon ng problem ang baby sa kaniyang nervous system. Masama sa bata iyong from mainit biglang malamig, tapos hindi ninyo pa binihisan agad, doon siya magkakasakit.”
-
3 hanggang 6 na buwan
Habang lumalaki si baby, maaari mong palitan ang kanilang bath routine. Pwede pa rin silang maligo ng 2 beses sa isang linggo, pero kung napapansin mong natutuwa sila kapag pinaliliguan, maaari mo namang mas dalasan ito. Ugaliin na gumamit ng mild cleanser sa balat ni baby para maiwasang maging dry ito.
Kapag papalitan rin ng diaper si baby, siguruhin na pupunasan mo at lilinisin ang mahahalagang bahagi para makaiwas sa infection at sakit.
Laging linisin ang paa at kamay ni baby dahil mas madalas nilang hawakan ang kanilang paa at isubo ang kanilang kamay. Huwag ring kalimutan ang mga folds o singit sa kanilang katawan tulad ng leeg, sa may siko at singit. Nakakatuwang pagmasdan ang mga ito, pero maaring dito ma-trap ang bacteria.
-
6 hanggang 12 buwan
Kapag nagsimula nang kumain ng solids ang iyong anak, kung iyong gugustuhin, maaari na siyang paliguan araw-araw.
Puwede mo na rin siyang bigyan ng sponge bath sa gabi para maging presko ang kaniyang pakiramdam bago matulog.
Ngayong mas madalas nang maligo si baby, dapat ay mas ingatan siya at siguruhing hindi siya makakainom ng tubig. Ani Dr. Tiglao, maaari silang magkasakit kapag nainom nila ang tubig panligo.
“Puwede namang maligo ang bata twice a day. Isang reason pa kung bakit nagiging problem ang paliligo kapag iniinom ng bata ang tubig. Kapag madalas na naliligo nagkaka-diarrhea sila o amoebiasis kasi naiinom nila iyong tubig sa sobrang dalas nilang maghilamos. Kaya iwasan na lang na makainom ng tubig ang bata kung mahilig siya maligo.” aniya.
Dapat siguruhin rin na ligtas si baby kapag siya ay pinaliliguan. Iwasang ipatong ang kaniyang bath tub sa isang mataas na lugar kung saan pwede siyang mahulog, at siguruhing babantayan siya nang maigi kapag pinaliliguan.
Ayon sa American Academy of Pediatrics, maaaring malunod ang bata kahit sa 1 to 2 inches lang ng tubig, kaya huwag na huwag kang malilingat kahit sandali.
Dapat ay abot-kamay mo na lahat ng gamit panligo ni baby para hindi mo na kailangang umalis at iwanan siya.
Siguruhin rin na gumamit ng mga produktong ligtas at ginawa para sa mga sanggol para maiwasang mairita ang balat nila.
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang puwedeng gawin kapag may baradong ilong ang baby?
5 best na sabon para sa eczema ni baby at mga gabay sa tamang pagpili
Dapat tandaan sa pagpapaligo sa batang may sakit
Samantala, ayon naman kay Dr. Laura Hirl, isang pediatrician mula sa West Des Moines, Iowa, ang pagbibigay ng lukewarm bath sa isang may sakit na sanggol ay nakakatulong upang bumalik sa normal ang kanilang body temperature.
Nakakatulong din ito sa pagpapalambot ng mucus na bumabara sa kanilang ilong at nagdudulot ng ubo.
Mahalaga lang na tandaan sa bawat kada paligo gamit ang maligamgam na tubig ay kailangan ng 20-30 minutes ng kanilang katawan upang makapag-adjust muli sa room temperature sa kanilang paligid.
Sa loob ng mga oras na ito ay dapat iiwas muna sila sa electric fan o air conditioner. Dahil lalamigin ang kanilang katawan na maaaring mas magpalala ng kanilang ubo at sipon.
Payo naman ng isang artikulo na nailathala sa website na Baby Center, mainam na ibalot muna ang isang sanggol sa hooded towel matapos ang paliligo.
Ito ay upang matuyo ang kaniyang katawan. Saka sila i-cuddle o yakapin sa loob ng 10 minuto upang mainitan ang kanilang katawan bago sila tuluyang bihisan.
Hindi rin dapat umano masyadong tumatagal ang paliligo ng isang sanggol. Dapat ay nasa pagitan lang ito ng 5-10 minuto. Dahil maliban sa lalamigin sila sa matagal na pagkakababad sa tubig ay maari ring mag-dry dahil rito ang kanilang balat.
Paano kapag nagsimula nang lagnatin si baby?
Ayon sa Medline Plus, pwede pa rin namang paliguan ang sanggol kapag siya ay nilalagnat. Siguruhin lang na paainumin mo siya ng gamot at iiwasang paliguan o punasan siya ng malamig na tubig. Dahil mas delikado kay baby kapag nanginig o nag-chills siya dahil sa lamig ng tubig.
Tandaan lang na bago painumin ng anumang gamot si baby, dapat ay kumonsulta muna sa kaniyang pediatrician. Gayundin, kung ang bata ay 4 na buwan pababa at nilalagnat, dapat ay dalhin na agad siya sa doktor.
Iba pang paraan para maginhawaan si baby kapag siya ay may ubo at sipon
Samantala, dagdag na payo pa ni Dr. Hirl, maliban sa lukewarm bath, mayroon pang ibang paraan upang maginhawaan ang isang sanggol sa oras na siya ay may ubo at sipon:
-
Paggamit ng saline drops at nose suction.
Paliwanag ni Dr. Hirl, dahil sa hindi pa kayang isinga ng mga sanggol ang sipon sa kanilang ilong, ang pagpapatak ng small amount ng saline drops ay makakatulong upang ma-clear o ilabas ng kanilang ilong ng kusa ang sipon.
Habang ang paggamit naman ng nose suction ay makakatulong upang masipsip ang natira pang sipon sa loob ng kaniyang ilong. Na magreresulta ng mas maluwag nilang paghinga.
“Infants can’t blow their noses like adults, and therefore, using a small amount of saline to the nose followed by suction allows the nasal passages to be cleared more effectively than just wiping the outside of the nose. They’ll breathe easier and sleep better if their nasal passages are cleared.” dagdag niya.
-
Maraming fluids
Siguruhin na ang bata ay nakakakuha ng maraming liquids para maiwasan ang dehydration.
Depende kung nagpapadede ka o umiinom ng formula milk ang iyong baby, mas dalasan ang pagbibigay ng gatas kay baby para magbigay ng hydration at gumanda ang pakiramdam niya.
Dahil may sakit si baby, maaaring humina siya dumede kaya mas makakabuti ang madalas pero mas maiksing breastfeeding session.
Pwede ring bigyan ng 2 hanggang 4 ounces ng tubig ang sanggol kung siya ay 6 na buwan pataas. Hindi puwedeng bigyan ng tubig ang mga batang 6 na buwan pababa dahil hindi pa kaya ng kaniyang kidney ang tubig.
-
Sapat na pahinga
Kailangan din ng maraming tulog at pahinga ni baby para mapabilis ang kaniyang paggaling. Patulugin ng maaga ang sanggol at hikayatin siyang mag-nap.
Iwasan din ang mga sitwasyon na makakapag-stimulate kay baby, at ilayo rin siya sa mataong lugar para hindi na lumala ang kaniyang sakit at hindi rin siya makahawa pa.
-
Humidifier
Ang paglalagay ng cold-mist humidifier sa kwarto ni baby ay makakatulong para maging moist ang hangin sa paligid at mawala ang pagbabara ng ilong. Siguruhin lang na tama ang paggamit ng humidifier at palitan ang tubig nito araw-araw para maiwasan ang pagbubuo ng bacteria.
-
Pagtaas ng kaniyang ulo
Makakatulong din ang pagtaas ng ulo ni baby para maging mas madali ang kaniyang paghinga.
Kailan dapat pumunta sa doktor para sa ubo at sipon ni baby?
Paalala ni Dr. Hirl, sa oras na hindi pa rin bumubuti ang kondisyon ng isang sanggol o mas lalong lumalala pa ito, dapat ay ibalik siyang muli sa kaniyang doktor upang muling matingnan. Dahil maaaring hindi lang ito basta ubo o sipon na kailangan ng agad na maagapan at malunasan.
Tawagan agad ang pediatrician ni baby kapag napansin ang mga sumusunod na sintomas:
- Lagnat kapag 4 na buwan pababa
- Mataas na lagnat (38.9 pataas) sa mga sanggol na 3-6 buwan
- Walang ganang kumain o dumede si baby
- Mahirap gisingin o laging matamlay ang sanggol
- Laging balisa si baby
- Nahihirapang huminga ang bata
- Mahigit 10 araw na ang kaniyang sipon
- Nagpapakita siya ng senyales ng dehydration (kaunting ihi, tuyong labi, walang luha kapag umiiyak)
Ang pag-aalala ay bahagi na ng pagiging magulang. Pero ang pagiging maalam tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin kapag may sakit ang iyong anak ay makakatulong para maibsan ang pag-aalala at maging mas mapanuri sa mga nararamdaman niya.
Ayon nga sa mga doktor, maaari namang paliguan si baby kahit may ubo’t sipon siya. Pero kailangan lang maging mas alerto at bantayang maigi ang mga sintomas na ipinapakita niya.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa pagpapaligo sa iyong baby habang mayroon siyang sakit, o anumang may kinalaman sa pag-aalaga sa iyong sanggol, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.