Narito ang mga sagot sa mga ikinahihiya nating itanong tungkol sa regla ng babae.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga frequently asked questions tungkol sa regla ng babae.
- Mga madalas na nararanasan ng babae tuwing nireregla.
Regla ng babae: Ang mga dapat mong malaman
Ang regla o menstruation ay ang normal na pagdudurugo o vaginal bleeding na nararanasan ng mga babae buwan-buwan. Sa mga batang edad 11 hanggang 14-anyos, ito ay palatandaan ng pag-dadalaga.
Bagama’t ang pagdating nito sa ilang batang babae ay maaaring mapaaga. Senyales din ito na ang isang babae ay maaari ng mag-buntis o magdalang-tao na possible niyang maranasan hanggang siya ay mag-51 anyos.
Karamihan sa mga babae ay nagkakaroon ng regular na regla buwan-buwan. Ito ay maaaring magtagal ng tatlo hanggang limang araw.
May ilan namang irregular ang regla o hindi dinadatnan nito kada buwan. Dahil sa ito ay parte ng buhay ng mga babae, maraming tanong ang gumugulo sa isip ng mga babae tungkol dito.
Karamihan ay mga tanong na nahihiya tayong i-discuss o itanong sa doktor na nagdudulot sa atin ng pag-aalala. Ang mga tanong tungkol sa regla ng babae na ito ay ang mga sumusunod:
1. Gaano karaming dugo ang inilalabas ng babae sa tuwing nireregla?
Photo by Karolina Grabowska from Pexels
Malamang dahil sa malakas ang iyong regla ay inaakala mo na halos kalahati ng dugo ng iyong katawan ang inilalabas mo. Pero sa katotohanan ay nasa 8-12 teaspoons o kutsarita lang ang average na inilalabas na dugo sa katawan kada menstruation ng isang babae.
Ito ay tinatayang nasa 2 ½ kutsarita ng dugo kada araw na katumbas ng 2-3 beses na pagpapalit ng tampon o sanitary napkin. Ngunit kung pakiramdam mo ay mas higit pa dito ang dugo na inilalabas mo o nagpapalit ka ng punong napkin kada oras ay mabuting ipaalam na ito sa iyong doktor.
Ganoon din kapag umabot na ng higit sa isang linggo ang iyong regla at malakas pa ito. Lalo pa kung sasabayan ito ng pagkahilo, labis na pananakit ng puson at pananamlay ng iyong katawan. Maaaring ang labis na pagdurugo na ito ay dulot na ng isang kondisyon at hindi basta regla lang.
2. Bakit minsan ay kulay brown ang regla ko at hindi pula?
Ayon sa Los Angeles based OB-Gynecologist na si Dr. Sarah Yamaguchi normal lang na minsan ay hindi maging pulang-pula ang reglang lumalabas sa isang babae.
Dahil ang kulay ng regla ay nakadepende sa kung gaano kalakas ang lumalabas na dugo o kung ang regla ay nagsisimula pa lang o patapos na.
Ang kulay ng regla ay nakadepende rin sa bagal ng paglabas nito mula sa katawan. Kaya kung napapansing brown ang iyong regla sa simula o pagtatapos ng iyong period ito ay dahil may katagalan na ito sa iyong uterus bago mailabas sa iyong katawan.
3. Bakit madalas akong nadudumi o natatae sa tuwing nireregla?
Ang isa sa palatandaan ng pagkakaroon ng regla ay ang pananakit o cramping sa puson. Ito ay dulot ng hormone na prostaglandins na nakakatulong para normal na mailabas ng katawan ang regla o dugong nasa matris ng babae.
Pero dahil sa hormone na ito hindi lang puson ang humihilab sa tuwing may regla ang babae. Pati ang bituka sa tiyan o intestines ay humihilab din.
Dahilan para magpabalik-balik rin sa banyo ang babaeng nireregla para dumumi. Pero maaari rin namang maging constipated habang nireregla ang isang babae. Ito naman ay palatandaan na mababa ang level ng prostaglandins sa kaniyang katawan.
Samantala, kung masyado namang slimy o matubig ang dumi habang nireregla, mas mabuting ipaalam ito sa iyong doktor. Maaring may ibang dahilan kung bakit ito nangyayari na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
4. Totoo bang nakakatulong ang orgasm para maibsan ang cramps o pananakit ng puson dulot ng regla?
Ayon kay Dr. Allan Warshowsky, isang board certified OB-Gyne mula sa New York ito ay totoo. Nangyayari ito sa tulong ng hormone oxytocin na ipino-produce ng katawan ng babae sa tuwing nag-oorgasm.
Ang hormone na ito ay tinatawag na cuddling hormone na isang “natures pain reliever”. Ito ay nakakatulong para maibsan ang mga pananakit sa katawan katulad ng cramps o pananakit ng puson.
5. Puwede bang isang napkin o tampon lang ang gamitin buong araw at hindi na magpalit-palit pa?
Photo by Sora Shimazaki from Pexels
Kahit na mahina ang regla, kailangan pa ring magpalit ng napkin, tampon o panty liner kada 3 o 4 na oras. Ito ay upang maiwasan ang build-up ng bacteria sa iyong vagina na maaring mauwi sa impeksyon o kaya naman ay ang tinatawag na kondisyon na TSS (Toxic Shock Syndrome).
Ipinapayo ring magpalit ng napkin, tampon at panty liner kada 3 o 4 na oras o mas madalas pa kung malakas ang regla para maiwasan ang mabahong amoy sa genital part ng mga babae.
BASAHIN:
10 palatandaan na malapit ka nang reglahin at ang maaari mong gawin
Ano ang spotting at ano ang kaibahan nito sa buwanang dalaw o regla?
6. Posible bang makapagpalit ng menstrual cup sa public bathroom?
Sa ngayon ay nauuso na ang paggamit ng menstrual cups. Ito ay isang device na ipinapasok sa loob ng vagina para saluhin ang menstrual blood hanggang sa 12 oras.
Pero ang pag-aalis nito ay hindi madali lalo na kung gagawin sa isang public bathroom. Ito ay dahil kailangan mong hugasan ito bago ibalik muli sa iyong ari.
Isang mainam na paraan para ito ay magawa ay ang magbaon ng baby wipes na gagamitin mong panlinis sa menstrual cup. O isang maliit na bote na may tubig na puwedeng ipanghugas sa cup habang ikaw ay nasa loob ng cubicle o banyo.
7. Hindi ba delikado ang mga buo-buong dugo na lumalabas kapag may regla?
Photo by Monika Kozub on Unsplash
Ang paglabas ng blood clots o buo-buong dugo ay normal sa unang dalawang araw ng regla. Epekto ito ng anticoagulants na nire-release ng katawan ng babae para masigurong maging smooth ang flow ng kaniyang menstruation.
Sa tulong ng anticoagulants ay nailalabas ng katawan ang mga namuong dugo na pinaghalong tissue, protein at blood cells mula sa uterus.
8. Bakit mas horny o malibog ako kapag may regla?
Ito ay dahil pa rin sa hormonal changes na nangyayari sa katawan sa tuwing nireregla. Paliwanag ng mga eksperto, sa tuwing nireregla ang isang babae ay tumataas ang level ng hormone na testosterone sa kaniyang katawan.
Ang hormone na ito ay iniuugnay sa sex drive ng isang babae. Ganoon din ang primary sex hormone na estradiol na nakakatulong para ma-regulate ang regla.
Ang hormone na ito mas tumataas ang level sa katawan sa panimula ng menstruation na nagdudulot ng dagdag ng gana sa pakikipagtalik ng mga babae.
9. May paraan ba para makapag-sex habang may regla na hindi magkakalat ang dugo?
Bagama’t may mga tools na magagamit para magawa ito gaya ng diaphragm o cervical cup hindi naman ito madaling mabibili sa Pilipinas.
Ang tanging magagawa mo lang sa ngayon ay sapinan ang kama ng tuwalya upang hindi magkalat dito ang dugo kung makikipagtalik ng may regla.
At siyempre agad na maghugas para maalis ang nagkalat na dugo sa katawan at ang malansang amoy nito. Sa kabuuan, ang pakikipagtalik ng may regla ay ligtas.
Nakakatulong pa nga ito tulad ng naunang nabanggit para maibsan ang pananakit sa puson na iyong nararanasan dahil sa regla.
10. Bakit masyado akong moody at emotional sa tuwing may regla?
Photo by Polina Zimmerman from Pexels
Ito ay dulot pa rin ng hormonal changes na nararanasan ng iyong katawan sa tuwing may regla. Ito ay sintomas ng premenstrual syndrome o ang pinaghalong physical at emotional symptoms na nararanasan ng babae matapos mag-ovulate.
Maliban sa mood swing o labis na pagiging emotional, makakaranas din ng physical symptoms ang babae tulad ng bloating, paninigas o pananakit ng suso, pananakit ng ulo at mababang energy sa katawan ng dahil pa rin sa PMS.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga tanong tungkol sa regla ng babae na ikinahihiya nating banggitin o i-discuss sa ating doktor.
Pero para mas malinawagan ay mabuti paring magtanong sa doktor mo lalo na kung pakiramdam mo ay may kakaiba o abnormal sa menstruation mo. Dahil sa higit sa kanino pa man, ang iyong doktor ang makakatukoy at mas may higit na kaalaman sa history ng iyong kalusugan.
Source:
Good Housekeeping, Seventeen, Medical News Today, Cleveland Clinic, Medline Plus
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.