Nakakulong na aktibistang si Reina Nasino patuloy na umaapela sa korte upang makita sa huling pagkakataon ang kaniyang namayapang anak na si Baby River. Si Baby River ay 3-buwang gulang palang at nahiwalay sa kaniyang ina wala pang isang buwan matapos itong maipanganak.
Apela ng aktibistang ina na si Reina Nasino
Image from Kapatid Facebook account
Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang kampo ng nakakulong na aktibistang si Reina Nasino na mapagbigyan siyang makita ang nasawi niyang 3-buwang gulang na anak na si Baby River. Ito’y matapos ang makailang beses na nilang paghingi ng konsiderasyon sa sitwasyon ng mag-ina.
Si Baby River, nasawi nito lamang October 9 dahil sa acute respiratory syndrome. Dalawang linggo matapos dalhin ito sa Philippine General Hospital dahil sa mataas na lagnat at pagtatae.
Kuwento ng legal counsel ni Reina na si Atty. Katherine Panguban, November 5, 2019 ng maaresto ito kasama ang dalawa pang aktibistang kagrupo niya sa isang search operation sa Maynila. Si Reina ay aktibong miyembro ng organisasyong KADAMAY at BAYAN na nakikipaglaban sa karapatan ng mahihirap. Sa nasabing operasyon ay nakuhanan umano si Reina at mga kasama niya ng mga high-powered firearms at explosives. Ngunit ayon kay Reina, ang mga nakuhang armas ay hindi sa kanila. Ito’y itinanim lang habang isinasagawa ng mga pulis ang search operation sa kanilang BAYAN office sa Maynila. Pero ang pahayag na ito ni Reina hindi pinaniwalaan ng korte. Dahilan upang hainan sila ng non-bailable offense na illegal possession of firearms and explosives.
Pagbubuntis sa loob ng selda
Nang araw na iyon ay naaresto at nakulong si Reina at kaniyang mga kasama. Kung hindi dahil sa medical examination na kaniyang pinagdaanan ng maaresto ay hindi niya malalaman na siya pala noon ay buntis na.
Pero hindi naging dahilan ang kondisyon ni Reina upang iurong ang mga isinasampang kaso sa kaniya. Lumaki ang tiyan ni Reina at siya ay nanganak sa baby girl na pinangalanang River Emmanuelle noong July 1, 2020. Ipinanganak niya si Baby River sa loob ng Manila City Jail Female Dormitory kung saan siya nakakulong.
Si Baby River ay ipinanganak na underweight at may timbang lang na 2,435 grams o 5.5 lbs. Kaya naman mula noon ay umapela na ang kampo ni Reina na mapagbigyan siyang makasama ang anak ng mas matagal upang ito ay maalagaan at mapasuso niya. Humiling din si Reina na kung hindi ito papayagan ay baka maaari siyang mabigyan nalang ng malinis na lactation facility sa loob ng kulungan upang makapag-express ng gatas para sa anak niya. Ngunit ang mga kahilingang ito’y hindi pinayagan at binasura ng korte.
Hiling ng ina na mabigyan ng pagkakataong mapasuso ang kaniyang anak
Image from Kapatid Facebook account
“River Emmanuelle (Mikmik) was born on July 1, 2020, while her mother Reina is in jail. She was born of low birthweight and thus exclusive breastfeeding was strongly recommended. Throughout Reina’s pregnancy, she and her baby were deprived of appropriate pre-natal care behind bars. The COVID-19 pandemic made the situation for the mother and daughter worse.”
“We pleaded to the court to allow Reina to breastfeed, care and nurture for her baby. We cited both domestic and international laws to support Reina and River’s appeals. But our pleas fell on deaf ears.”
Ito ang bahagi ng pahayag ni Atty. Panguban na na-feature sa Facebook post ng Humans of Pinas.
Ang nakakalungkot pa, wala pang isang buwan matapos maipanganak si Baby River ay inutos ng korte na maihiwalay na ito sa kaniyang ina. Ayon kay Atty. Panguban, malaki itong paglabag sa karapatan pantao ng nakakulong na ina na mabigyan ng maximum na 30 days para makasama at mapasuso pa ang kanyang sanggol. Pero wala silang nagawa kung hindi ang sumunod at mailagay ang sanggol sa pangangalaga ng kaniyang lola.
Hanggang sa nitong September 24, isinugod sa ospital si Baby River. Dahil sa nagpapakita siya ng sintomas ng COVID-19. Siya’y may lagnat at nagtatae. Bumaba ang oxygen level nito na malayo sa normal. Nang araw na iyon ay humiling na ang kampo ni Reina sa korte na pagbigyan siyang makita ang anak. Ngunit hindi parin siya pinayagan at pinagbigyan.
Hiling ng ina makita ang kaniyang sanggol sa huling pagkakataon
Image from Kapatid Facebook account
Natubuhan si Baby River at nitong October 8 ay mas lumala ang kondisyon ng sanggol. Hanggang, kinabukasan, ayon sa mga doktor ng sanggol hindi na ito nagre-respond sa mga gamot na ibininibigay sa kaniya. At tuluyan ng sumuko ang kaniyang baga. Pero ang sanggol hindi pa nakikita ng kaniyang inang si Reina. Hanggang sa ito ay tuluyan ng nasawi, 8:50 ng gabi ng October 9. Sa pamamagitan ng isang tawag lang naipaalam kay Reina ang kinahantungan ng anak. Isang eksenang puno ng paghagulgol at pag-iyak mula sa isang ina na hindi man lang nahawakan ng buhay ang kaniyang sanggol sa huling pagkakataon.
Nitong Sabado, sa pamamagitan ng isang Twitter post ay ibinahagi naman ni Atty. Maria Sol Taule, legal counsel pa rin ni Reina, ang larawan ng ina habang tinitingnan ang labi ng kaniyang anak sa pamamagitan ng video call. Isang tagpo na inilarawan ng abogado na tunay na nakakapanlumo.
Kaya naman patuloy nilang apela, mapagbigyan si Reina na makita ang kaniyang anak. Isang maliit na hiling na malaki ang kahulugan at malaki ang puwang na mapupunan sa kaniyang puso.
Source:
Inquirer News
BASAHIN:
Paano nga ba magkaroon ng sapat na gatas ng ina?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!