Moms, kulang ba ang gatas na ibinibigay mo sa iyong anak? Huwag kang mag-alala, narito ang mga paraan na dapat mong gawin kung kulang ka sa gatas!
Ang isa pangunahing takot ng lahat ng ina ay ang walang maibigay na gatas sa bagong panganak na sanggol, o hindi sapat ang mailabas para sa sustansiyang kailangan ng anak.
Paano kung maganang kumain si baby? Paano kung matuyuan ng gatas si mommy—o maubos ito? Lahat ito ay balidong tanong at takot.
Kulang sa gatas si mommy, ano ang dapat gawin? | Image from Unsplash
Nangyayari ito sa iba, lalo kung hindi mabibigyan ng sapat na impormasyon ang ina. Nakaka-alarma ito kung ang iyong sanggol ay hindi nadadagdagan ng timbang, o mas malala, bumababa ang timbang.
Kulang sa gatas si mommy: Ano ang dapat gawin?
Narito ang payo ng mga inang masayang nagpapasuso ng kanilang mga baby, na minsan ding naharap sa ganitong takot at problema:
1. Sige lang, magpasuso ka lang
Payo ng OB GYNE ko noon, huwag na huwag sumuko pagdating sa pagpapasuso. Alam ng katawan ng isang ina na kailangan ni baby ng gatas kung ito ay mararamdaman sa pamamagitan ng pagsuso.
Ayon kay Mrs. Abbie Yabot, isang lactation counselor,
“Ang pwede mong gawin para ang gatas ay mag-flow ng smoothly is to relax and concentrate on how to position and latch your baby.
I-latch mo siya ng pinakamadalas kahit gaano niya kagusto okay lang. Kasi alam mo ‘yong first three days na pag-latch mo napakaimportante para masabi mo sa katawan mo kung gaano kadalas.
Gaano kalakas mag breastfeed si baby at certain times of the day so ‘pag ‘di ka nag breastfeed directly in the 1st 3 days parang it send signals na to the mommy’s brain na hindi na kailangan ng gatas”
Sinang ayunan naman ito ni Nanay Dian. “The best way to boost breastmilk supply is to breastfeed often,” payo niya. “Kasi the body adjusts to the needs of the baby.” Kapag tumigil ka, titigil din ang produksyon ng gatas.
Konti o wala mang lumalabas na gatas, huwag ipagkait ang karanasang ito sa iyong sanggol. Dahil kung wala mang lalabas na gatas, napakaganda pa rin na bonding para sa inyong dalawa ito kahit sandali lang.
Pasusuhin si baby sa tuwing gutom ito, kung gaano katagal niya gusto, lalo sa unang buwan ng kapanganakan.
Ibigay din ang parehong suso sa bawat oras ng pagkain. Kahit madaling araw, maaari kang gumising upang mag pa dede.
Dagdag pa ni Mrs. Abbie Yabot,
“Ang pag urong ng gatas o milk flow ay hindi ‘yon dahil sa pagligo niyo ng hapon, pagtulog niyo ng nakataas ang kamay.
Para talaga lumabas ang gatas kailangan talaga si baby ay mag suck. Alam mo walang pump at walang klasing supplements kailangan may mag-latch na bata para lumabas ‘yong gatas.
Kailangan talaga tuloy-tuloy na pagsususo si baby. magconcentrate ka sa pag-latch ‘pag nahihirapan ka hanap ka ng tulong sa isang professional.”
Kaya’t huwag maniwala sa ibang impormasyon, ang tanging nakaka apekto lamang sa produksyon ng gatas ay ang emosyon ni mommy at ang hindi pag-latch ni baby.
Pasusuhin si baby sa tuwing gutom ito, kung gaano katagal niya gusto, lalo sa unang buwan ng kapanaganakan. Ayon kay Heather Oliveros, nagpasuso siya noon sa anak na si Piper ng eksklusibo hanggang ito ay halos 2 taong gulang.
“Every 2 hours ‘yon, kaya’t kung malalayo ako sa kaniya ng matagal, gumagamit ako ng breast pump every 2 hours din, para masanay ang katawan ko,”
Ibigay din ang parehong suso sa bawat oras ng pagkain. Kahit madaling araw pa, sadyang gumigising si Heather para magpadede—walang mintis.
Sa pangalawang anak na si Hailey, 5 buwang gulang, nakakatulog siya sa gabi dahil tulog din ang sanggol sa gabi. Paggising sa umaga ay punung-puno na siya ng gatas kaya’t masaya nang mag-aalmusal ang anak.
Dala din niya ito sa eskwelahan kung san siya nagtuturo, kaya’t napapadede niya ito anumang oras magutom ang anak.
Kulang sa gatas si mommy, ano ang dapat gawin?
2. Kulang sa gatas ang ina? Kumain ka rin, mommy!
Lahat ng kinakain at iniinom mo ngayon ay may direktang epekto sa iyong sanggol. Kailangan mo ng hindi bababa sa 1,800 calories bawat araw at uminom ng 6 baso ng tubig kung ikaw ay nagpapasuso.
Kung dehydrated ang ina, mahihirapan talagang maglabas ng gatas. Isantabi muna ang pagpapababa ng timbang dahil mahalaga ang mabigyan mo si baby ng sustansya.
Sinabi ni Mrs. Abbie Yabot sa isang webinar,
“May mga pagkain lang na dapat iwasan if only bumababa lang ang iyong milk supply, eat everything in moderation.
Sabi nga sa mga lactation books natin ang mga pagkain na napaka alat napakatamis at napaka taba so ‘yan ang nakakakonti ng gatas.”
Dagdag pa niya,
“Meron ding tayong mga pagkain na diuretic or mga pagkain na nakakatuyot ng katawan nanotice mo ikaw ay nagkape o nag tiyaa.
Iba-iba ang tolerances natin pero maraming replacements ang kape kung ang gusto mo lang ay magpagising. Mga diuretic, super tatamis, super tataba at super aalat” Dagdag pa niya.
Bukod sa mga pagkaing dapat iwasan, mayroon ding mga pagkain na pamparami ng gatas ng ina.
Humanap ng mga pagkaing may calcium, para sa buto ninyo ni baby, tulad ng gatas, berdeng gulay, at isda tulad ng salmon at sardinas.
Kumain ng prutas imbis na processed food o meryenda, lalo na ang sagana sa fiber. Subukan ang pagkaing may complex carbs tulad ng brown rice, whole-grain pasta at tinapay at beans. Kumain ng karne at iwasan ang matatabang pagkain, skinless chicken breast, isda, mga produktong may low-fat dairy, at tofu.
Kumunsulta sa doktor tungkol sa mga herbal supplements na pampadami ng gatas. Nariyan ang fenugreek, blessed thistle at red raspberry.
3. Subukan mag-pump
Kung hindi sapat ang pagsuso ni baby, gumamit ng breast pump. Dahil nga by demand ang produksiyon ng gatas, nakakatulong itong mag-stimulate ng paglabas ng gatas. Mag-invest sa isang maganda at matibay na pump.
Kapag nasanay ka, magagawa mo ito kahit nasa trabaho ka na, tuwing 15 minuto pagkalipas ng ilang oras. Subukan mo ding mag-pump 5 hanggang 10 minuto pagkatapos magpasuso. Huwag kalimutang mag-pump ng parehong suso sa bawat pagkakataon.
Suhestiyon ni Heather, gumamit ng electric pump. “Less effort, more efficient and convenient compared to manual,” paliwanag niya.
4. Relaks lang
Isang dahilan ng hindi maayos na paglabas ng gatas ay ang stress. Napakalaki kasi ng pressure mula sa mga taong nakapaligid sa iyo, at pati na rin ng lipunan, na magpasuso. Tuloy, nalilimutan ring isipin ang emosiyonal at mental na kalusugan ng ina.
“Usually kasi pag may negative emotion talaga tayo hirap talagang lumabas yung gatas kaya talagang psychological sya, i relax mo yung katawan mo” -Mrs. Abbie Yabot isang Lactation counselor.
Huwag isasantabi ang sarili, mga mommies. Maghanap ng mga bagay na kagigiliwan tulad ng libro, mga babasahin, TV, pelikula, at musika. Isipin mong kapiling mo ang pinaka-importanteng nilalang sa buong mundo—hindi ba’t ang saya non?
Magpahinga at itaas ang dalawang paa at kalimutan ang kahit anong problema, pansamantala. Subukang maglagay ng warm compress sa dibdib at masahehin ito ng magaan lamang. Idlip at tulog din ang katapat, payo ni Heather.
Magpamasahe ng likod sa iyong asawa habang nagpapahinga, dagdag niya. Kapag kulang sa tulog, stressed ka, kaya’t makakaapekto ito sa produksiyon ng gatas mo. Umidlip kapag tulog din si baby para may panhinga ka.
Kulang sa gatas si mommy, ano ang dapat gawin?
5. Suporta rin
Kuwento ni nanay Joanna Trono-Unson, halos 2 buwan bago siya tuluyang nasanay sa pagpapasuso.
“Dawalang buwan ng sakit at pag-iyak dahil namamaga at parang ma kalyo na ang nipples ko,” dagdag niya. Pero nandiyan ang kaniyang Mommy para suportahan siya at ipaalala sa kaniya na kaya niya ito, at malalagpasan niya din ang sakit.
“Una naisip ko, Naiintindihan ba niya ang sinasabi niya? Ang sakit sakit na! Pakiramdam ko talaga walang nakakaintindi kung gano kasakit yong nararamdaman ko. Si Louise pa naman, every 30 minutes gustong dumede,” kuwento ni Joanna. Pero totoo nga, nalagpasan niya lahat at naibigay niya ang kailangang sustansiya ng anak sa loob ng 3 taon.
Ngayon ay 4 na taong gulang na si Louise. “Importante talaga ang may support system. It encouraged me to press on despite the pain, because it really was worth it to breastfeed my child,” dagdag pa niya.
6. Iwasan muna ang pacifier at bote sa unang ilang linggo
Hangga’t maaari, huwag munang gumamit ng pacifier o bote dahil gusto mo munang masanay si baby sa haplos at amoy mo, at sa iyo. Kailangang maramdaman niya na ang lahat ng pangangailangan niya ay si Mommy ang magbibigay.
Ang paggamit ng bote ay kapag mas malaki-laki na ang iyong anak. Ikaw muna, bago ang mga alternatibong ito.
7. Ikonsulta sa doktor ang mga gamot na iniinom
Baka kasi nakakaapekto ang isa sa mga ito sa milk supply mo. Ang mga gamot tulad ng antihistamines at decongestants, diuretics, hormonal contraceptives na may estrogen, lalo na ang mga weight-loss medication ay mga uri ng gamot na maaaring nakakaantala sa supply ng iyong gatas.
“Kahit ikaw ay umiinom ng gamot as long as you tell your doctor that you are breastfeeding, they will give you a breastfeeding safe medicine your doctor feels that he’s not sure make sure to contact a lactation professional” turan ni Mrs. Abbie Yabot, isang lactation counselor.
Maaari rin umanong mag pasuso ang isang COVID positive na ina. Dagdag pa ni Mrs. Abbie Yabot,
“Even if you’re a covid patient it is still found na you can also do breastfeeding as long as you practice proper distancing nakamask, double masks. Faceshield, alcohol, mag mittens & sanitize. Kasi maliit ang tiyansa na si baby ay magkasakit kapag siya ay nagpatuloy sa pag breastfeed kahit na may sakit si mommy.”
May mga lactation consultant na ngayon ang DOH sa mga ospital.
5 na pagkain na pamparami ng gatas ng ina
Dahil sa nutrition at quality ng kinakain at iniinom ng nanay nakasalalay ang kalidad ng breast milk na mapo-produce nito, mainam na bantayang mabuti ang diet. Siguraduhing well-balanced ang diet at makabubuti para sa bata. Ang mga sumusunod na pagkain at inumin ay nakapagpapataas ng breastmilk supply:
- Oatmeal – Bukod sa madali itong ihanda, nakakatulong ito para magkaroon ka ng sapat na energy sa pag-aalaga ng iyong pamilya. May fiber din ito na good for digestion.
- Papaya – Mayaman ito sa Vitamin C na kailangan ninyo ni baby para makaiwas sa sakit. Mabuti rin ito para sa digestion lalo na at kasalukuyang mag-aadjust ang katawan post-pregnancy.
- Carrots – Bukod sa pagsahog nito sa mga ulam, subukang gumawa ng carrot juice para bumilis ang breast milk production ng iyong katawan. Sagana ito sa Vitamin A na nag-iimprove din ng quality ng gatas.
- Water at natural juices – Malaki ang naiaambag ng healthy fluids sa mabilis na pagkakaroon ng supply ng gatas. Siguraduhing uminom agad matapos ang isang breastfeeding session para makapag simula na uli gumawa ang katawan ng gatas para kay baby.
- Green leafy vegetables – Nakasanayan na ng mga breastfeeding Pinay ang pagkain at paglalaga ng mga dahon gaya ng malunggay bilang pampagatas o para dumami ang supply ng breast milk. Isa ang malunggay sa mga mabisang pampagatas kay mommy. Ang mga gulay kagaya ng spinach at kale ay mayaman din sa vitamins at minerals gaya ng phytoestrogens – isang kemikal na halos pareho ng female hormone na estrogen na nag-iimprove ng lactation ni mommy.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Rabbi Islam
Vitamins pamparami ng breastmilk kung kulang sa gatas ang ina
Mayroong mga vitamins supplements na maaari ding inumin bilang pamparami ng gatas ng ina. Karamihan sa mga supplement na ito ay gawa sa plant o herbal ingredients.
Kung kulang ka sa gatas na pinapasuso sa iyong anak, maaaring kumonsulta sa doktor at humingi ng rekomendasyon kung anong vitamins na pamparami ng gatas ng ina ang angkop para sa iyong kondisyon.
Ang lactation supplements o mga food supplements at vitamins na pamparami ng gatas ng ina, ay uri ng galactagogue. Ito ang substance na makatutulong na ma-boost ang produksyon ng gatas ng ina.
Available ang mga substance na ito sa iba’t ibang porma. Maaaring pharmaceutical drugs o kaya naman ay herbal o food supplements. Karamihan sa mga lactation supplements ay capsule o tablets na maaaring inumin ng breastfeeding moms.
Pinadadami ng lactation supplements ang gatas ng ina sa pamamagitan ng pag-interact nito sa dopamine receptors at pag-boost ng prolactin levels.
Ang dopamine at prolactin ay parehong hormones na mahalaga sa produksyon ng breastmilk.
Samantala, sa pangkalahatan ng mga pagsasaliksik at pag-aaral na isinagawa para malaman kung epektibo ba ang vitamins supplement bilang pamparami ng gatas ng ina, kakaunti lang ang ebidensyang kaugnay nito.
Kaya naman bago sumubok ng food supplement o vitamins na pamparami ng breastmilk, mahalaga pa rin na ikonsulta muna ito sa doktor para makatiyak sa kaligtasan niyo ni baby.
Kulang sa gatas si mommy: Mga mainam na posisyon sa pagbe-breastfeed
- Cradle position – Ipatong ang ulo ng bata sa kanto ng iyong siko nang nakaharap ang katawan niya sa iyo. Para niyang hinihigaan ang iyong braso sa ganitong position. Gamitin ang kabilang braso para suportahan ang kanyang ulo at leeg, o kaya naman ay gamitin itong pangsapo sa kanyang balakang, likod, at mga hita.
- Football position – Para sa mga bagong panganak na baby na maliliit pa, mainam na gawin ang position na ito. Gamit ang isa mong braso, ipatong ang ulo ng bata sa iyong kamay ng makahiga siya sa braso na ito – nakaharap ang talampakan niya malapit sa iyong suso. Nirerekomenda rin ang position na ito para sa mommies na nanganak nang Caesarean Section (CS) para maiwasang madaganan ang tahi.
- Side-lying position – Ito ang madalas na ginagawang breastfeeding positions sa gabi kapag natutulog na ang mag-ina sa kama. I-align nang tama ang suso sa bibig ni baby para hindi siya mahirapan sa pagsipsip. Siguraduhin din na hindi mo ito makakatulugan dahil may mga experience ang ibang nanay na napupunta na sa ilong ng bata ang gatas, lalo na kung malakas ang supply nito. Delikado ang ganitong sitwasyon kaya maging alerto.
Malaki ang maitutulong ng breast feeding sa mag-ina. Kaya naman ay kung interesado kang gawin ito, paghandaan ito nang mabuti para siguradong mabibigyan ng tamang nutrisyon si baby sa wastong paraan.
“Ang breastfeed ay sobrang natural, lahat naman tayo are built for breastfeeding kaya nga tayo ginawa na may breast.
Ang pinaka magandang preparation talaga more than anything because it’s a natural response of our body is really to prepare our minds and our hearts and our bodies” – Mrs. Abbie Yabot, isang Lactation counselor.
Benepisyo ng breastfeeding
Larawan mula sa Pexels kuha ni Jonathan Borba
Mahalaga ang breastfeeding dahil karamihan ng nutrients na kailangan ng katawan ng bata sa mga unang araw ng kaniyang buhay ay makukuha niya sa gatas ng ina.
Matutulungan ng breastmilk ang iyong anak na maging malusog, malakas, at makayanan ng katawan na labanan ang banta ng anomang sakit na maaari niyang danasin sa hinaharap.
Mayaman ang gatas ng ina sa mga nutritional component, antioxidant, enzymes, immune properties, at live antibodies mula sa nanay na madaling naaabsorb ng katawan ng baby.
Ang mature immune system ng nanay ang siyang gumagawa ng antibodies na humahalo sa breastmilk. Kapag sinuso ng baby ang gatas ng ina ay magkakaroon ng sapat na antibodies ang katawan ng bata na proprotekta sa kaniya mula sa mga sakit na posibleng dumapo.
Narito ang mga benepisyo ng breastfeeding sa baby:
- Malakas na immune system
- Pagliit ng tiyansa na magkaroon ng kaso ng bacterial meningitis
- Mababang rate ng sudden infant death syndrome (SIDS) o pagkamatay ng sanggol habang natutulog nang di alam kung ano ang eksaktong dahilan.
- Lower rate ng infant mortality
- Makakaiwas sa mga sakit at malilimitahan ang pangangailangan na ma-ospital ang bata
- Maiiwasan ang pagkakaroon ng ear infections
- Mababawasan ang tiyansa na magkaroon ng trangkaso at iba pang sakit sa respiratory system tulad ng pulmonya, respiratory syncytial virus, at matinding ubo.
- Makakaiwas din sa pagkakaroon ng diarrhea, constipation, gastroenteritis, gastroesophageal reflux, at preterm necrotizing enterocolitis.
- Malinaw na paningin
- Kaunting instances ng allergies, eczema, at asthma.
- Improvement sa brain maturation ng bata
- Maiiwasan ang obesity
Dagdag pa sa mga na nabanggit na ito, makatutulong din ang gatas ng ina para mapababa ang risk ng pagkakaroon ng rheumatoid arthritis, at lupus sa pagtanda ng bata.
Gayundin ang heart disease, multiple sclerosis, at pre- and postmenopausal breast cancers. Makikita rito na long term ang magandang epekto ng breastfeeding sa kalusugan ng iyong anak.
Bukod sa mga benepisyo ng gatas ng nanay sa baby, marami ring tulong sa kalusugan ng ina ang maibibigay ng pagpapasuso.
Matapos manganak, makakatulong ang pagpapasuso para ma-stimulate ang uterus at mag-contract upang bumalik sa normal nitong sukat. Dagdag pa rito, liliit din ang tiyansa na magkaroon ng anemia, urinary tract infections, at postpartum depression ang nanay.
Kapag nagpapasuso ang isang ina, nagproproduce ng naturally soothing hormones ang kaniyang katawan. Kabilang na rito ang oxytocin at prolactin na tinatawag na happy hormones. Dahil dito, nababawasan ang pakiramdam ng stress bagkus ang humahalili ay positibong pakiramdam sa nanay.
Bukod pa rito, nakapagpapataas ng self-esteem at calmness ng ina ang breastfeeding.
Hindi lang sa emosyonal na aspeto nakakatulong ang breastfeeding sa mga mommy. Mayroon din itong benepisyo sa pangkalahatang kalusugan. Kapag nagpapasuso ang isang ina, mas mababa ang risk na magkaroon siya ng mga sumusunod na sakit:
- Breast cancer
- Ovarian cancer
- Rheumatoid arthritis
- Lupus
- Endometriosis
- Osteoporosis
- Diabetes
- Hypertension
- Cardiovascular disease
Tunay nga namang maraming mahalagang benepisyo sa kalusugan ni mommy at baby ang breastfeeding. Kaya kung may problema sa pagpapasuso, maaaring gawin ang mga hakbang na nabanggit sa itaas upang maparami ang iyong gatas.
Bukod pa rito, puwede rin kumonsulta sa iyong doktor para sa iba pang karagdagang hakbang na puwede mong gawin para sa inyo ni baby.
Huwag mag-atubiling humingi ng payo o makipag kwentuhan man lang sa mga kapwa ina, kasi ito ang magiging support group mo.
Higit sa lahat, kausapin si mister at isama siya sa problem-solving. Maraming libro at babasahin dito sa theAsianparent Philippines na maaari niyong basahing dalawa para sabay kayong matuto at malaman ang gagawin.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!