Hindi madali ang buhay mag-asawa, at pag hindi maayos ang inyong komunikasyon, ang mga maliliit na pagtatalo ay puwedeng lumaki at makasira ng inyong pagsasama. Kung napapansin niyo na parang paulit-ulit lang ang mga away ninyo, huwag mag-alala kasi may pag-asa pa kayo. Kailangan ninyong malaman kung ano ang mga pinaka-karaniwang reklamo ng mga mag-asawa, at kung ano ang pinanggagalingan ng mga ito.
Ang mga pinaka-karaniwang reklamo ng mga mag-asawa
Ayon kay Robert Taibbi, isang clinical therapist, apat ang pinaka-karaniwang reklamo ng mga mag-asawa, at magkaugnay silang lahat.
1. Pagbubusisi
Laging pinapaalala ni Maria kay Juan ang mga kailangan niyang gawin sa bahay. Sa isip ni Maria, nakakatulong ang mga paalala niya, ngunit nayayamot na pala si Juan kasi parang bata ang trato ng asawa niya sa kaniya: laging inuutusan at parang di pinagkakatiwalaan.
Ngunit maaaring mabusisi lang si Maria dahil sa pagkabalisa—kung di niya ipapaalala kay Juan ang kanilang mga bayarin, baka makakalimutan ang mga ito at mawawalan sila ng kuryente/tubig/atbp.
2. Pagwawalang-bahala
Pag di ginagawa ni Juan ang mga pinapaalala sa kaniya, ramdam ni Maria na ‘pinagwawalang-bahala lang ang mga hiling niya, kahit kalmado siyang makiusap. Nararamadaman niya na hindi siya pinapakinggan, at hindi siya importante.
Ngunit maaaring nakalimutan lang ni Juan dahil marami pa siyang ibang inaasikaso, at di niya maintindihan kung bakit di siya pinapabigyan ng asawa niya. O maaaring hindi nga niya pinapakinggan si Maria kasi paulit-ulit lang ito.
3. Pagpapabaya
Pag pakiramdam ni Maria na ‘pinapagwalang-bahala na siya, maaaring mararamdaman din niya na pinapabayaan nalang siya ng kaniyang asawa. Maaaring sadyang madaming ginagawa lang si Juan, ngunit ang hinuha ni Maria ay hindi na siya mahal.
Nararamdaman naman ni Juan na lagi na lang siya may mali o may pagkukulang, o kaya kulang sa pansin lang si Maria.
4. Kulang sa pagpapahalaga
Sa tingin ni Juan, siya nalang lagi ang gumagawa ng mga gawain sa bahay, at nagtratrabaho pa siya. Hindi niya nararamdaman ang pagpapahalaga ni Maria.
Alam naman ni Maria na nagtratrabahong maigi si Juan, ngunit nagtratrabaho din naman siya. Sa tingin niya, siya ang laging nagtitimpi, at kung may ginagawa siya para sa kaniyang asawa, tulad ng pagluto ng paborito niyang ulam, hindi naman pinapansin ang kaniyang pagsisikap.
Pareho silang nag-iisip na ginagawa nila ang kanilang makakaya, ngunit di sila pinapasalamatan.
Ano ang kailangan nating gawin?
Ang pinaka-kailangang gawin ng mga mag-asawa upang iwasan ang paulit-ulit na sitwasyon tulad nito ay mag-usap nang masinsinan. Kailangan nilang magsikap upang maintindihan kung ano ang pinanggagalingan ng kanilang asawa.
Sa halip ng pagtuonan ng pansin ang mga mali o pagkukulang ng asawa natin, dapat magpokus nalang ang mga mag-asawa sa pagsisikap at mga mabuting intensyon ng partner nila. At kung may mali naman silang ginawa (tulad ng pagkalimot ng mga kailangang bayarin), kailangan nilang panagutan ito. Hindi dapat nagtuturuan ng kasalanan ang mga mag-asawa. Dapat pinapagusapan nila ang kanilang mga isyu at pattern para gumanda ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa.
Source: Pyschology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!