Nasubukan mo na ba ang ring gender test sa pagtukoy ng kasarian ng iyong anak? Kung hindi pa ay narito kung paano ito ginagawa.
Ring gender test
Tayong mga babae sa tuwing nagbubuntis ay excited na malaman ang kasarian ng ating baby. Una, upang makapag-hanap o maka-isip ng pangalang angkop sa kaniya. At pangalawa, upang ang mga gamit na ating bibilhin at ihahanda ay tutugma sa kasarian niya.
Kaya naman kaysa maghintay sa tamang oras para sumailalim sa mga medical test tulad ng ultrasound ay sumusubok tayo ng mga paraan na pinaniniwalaang nakakapagsabi ng kasarian ng hindi pa ipinapanganak na sanggol. Isa na nga rito ang ring gender test na sinasabing accurate ang resulta ayon sa mga sumubok na.
How accurate is the ring gender test?
Pero gaano nga ba ka-accurate ang resulta ng ring gender test? Mahirap maniwala sa sabi-sabi kaya mas mabuting subukan nalang gawin ito upang patunayan sa iyong sarili.
Paano ginagawa ang ring gender test?
Ayon sa paniniwala, sa pagsasagawa ng ring gender test ay hindi lang ang kasarian ng iyong magiging anak ang maari mong malaman. Pati na kung ilan ang magiging supling mo ay kaya ring i-predict ng test na ito. Nakakatuwa hindi ba? Kaya naman simulan na nating alamin ang pagsasagawa ng gender test na ito.
Mga kakailanganin:
Upang maisagawa ang ring gender test ay kinakailangan ng singsing na mahalaga sa babaeng nagbubuntis o nagbabalak palang magbuntis. Maaring ito ay wedding ring, engagement ring o kahit anong may sentimental o special value sa kaniya. Kailangan rin ng isang hibla ng buhok na nagmula sa kaniya na gagamitin niyang parang chain o sinulid sa singsing.
Mga hakbang kung paano gawin
Ang ring gender test ay maaring gawin sa dalawang paraan. Ang una ay ang pagtatapat ng singsing na nilagyan ng hibla ng buhok bilang string sa tiyan ng babaeng nagdadalang-tao.
Sa tulong ng isang kaibigan, partner o kapamilya ay itapat sa tiyan ng buntis ang singsing na may hibla ng buhok na ginawang sinulid. Saka hayaan itong gumalaw ng kusa. Kung ang singsing ay nag-swing ng pabalik-balik sa isang direksyon tulad ng pendulum sinasabing ang magiging anak ng buntis ay isang babae. Kung ang singsing naman ay nag-swing ng pabilog, ang ipinabubuntis niyang sanggol ay sinasabing lalaki.
Ang pangalawang paraan upang isagawa ito ay sa maaring gawin ng buntis ng mag-isa.
Gawin ito sa pamamagitan ng paglalagay ng iyong kaliwang kamay sa flat na surface tulad ng mesa. Hawakan ang singsing na may hibla ng buhok at i-swing ito o i-trace mula sa iyong hinliliit papunta sa hinlalaki at gawing muli pabalik sa hinliliit. Kapag nakabalik na sa hinliliit ay itigil ang pag-swing sa singsing at hayaan itong kusang gumalaw. Kung ang singsing ay nag-swing ng pabalik-balik sa isang direksyon ang magiging anak mo ay babae. Kung ang singsing ay nag-swing ng pabilog ang magiging anak mo ay lalaki.
Para malaman kung ilan ang iyong magiging anak ay ulitin lang ang mga nabanggit na hakbang. Gawin ito hanggang sa tumigil o huminto ang singsing sa pag-swing na palatandaan ng pagtatapos ng bilang ng magiging anak mo.
Matapos isagawa ang ring gender test ay ikaw na ang humusga sa iyong sarili kung totoo nga ito o hindi.
Iba pang paraang upang matukoy ang gender ng iyong baby
Maliban sa ring gender test ay may iba pang paraan ang pinaniniwalaang makakapagsabi ng kasarian ng hindi pa ipinapanganak na sanggol. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Baking soda test
Tulad ng gender test gamit ang singsing, ang baking soda test ay pinaniniwalaang ring nakakapagsasabi ng gender ng isang sanggol. Sa pagsasagawa nito ay kakailanganin lang ang ihi ng buntis at baking soda.
Ginagawa ito sa pamamagitan ng paghalo sa ihi ng isang buntis sa baking soda. Kapag ang ihi daw ay nag-react at bumula na parang beer o softdrinks ng maihalo sa baking soda, ito daw ay nangangahulugan na baby boy ang dinadala ng isang buntis. Ngunit kung wala naging reaksyon o pagbabago, ang dinadalang sanggol ng buntis ay isa daw babae.
Ayon din sa paniniwala, mas maiging gawin ang baking soda gender test sa umaga pagkagising. Dahil ang ihi ay maaring madilute kung makakainom ng iba’t-ibang fluids sa loob ng isang araw.
Dapat din ay siguraduhing malinis ang kamay ng buntis kapag siya ay mangongolekta ng kanyang ihi para masigurong hindi ito ma-cocontaminate.
Dapat din ay pantay ang dami ng baking soda na kaniyang gagamitin sa ihi na kaniyang nakuha.
Kulay ng nipple o utong ng buntis
Ayon sa siyensa, normal na nagbabago ang kulay ng nipple o utong ng babae kapag nagbubuntis. Pero para sa paniniwala ng matatanda, ang nangingitim na utong ng buntis ay may isang ipinapahiwatig. Ito ay ang dinadala niyang baby ay isang lalaki.
Hugis, laki at taas ng tiyan ng buntis
Ayon parin sa matatanda, sa tingin palang sa tiyan ng buntis ay matutukoy na kung babae o lalaki ang ipinagbubuntis nito.
Kung mataas daw ang tiyan ng buntis at patulis ang ipinagbubuntis niya daw ay babae. Kung ang tiyan naman ay mababa at pabilog ito naman daw ay lalaki.
Sintomas ng pagbubuntis
Ayon parin sa matandang kasabihan, ang ipinapakitang sintomas ng buntis ay makakapagsabi rin ng kasarian ng dinadala niyang sanggol.
Kung siya umano ay nakakaranas ng morning sickness o pagduduwal ang ipinagbubuntis niya ay babae.
Kapag mas madalas naman ang pananakit ng ulo ng buntis at nangingitim ang kaniyang mga batok at kili-kili, ang baby niya daw ay malamang na lalaki. Babae naman daw kung ang kutis niya ay blooming at makinis.
Sinasabing malalaman rin ang gender ng baby ng buntis sa pamamagitan ng kaniyang ihi. Kung ito umano ay matingkad na dilaw ang ipinagbubuntis niya ay lalaki.
Reliable ways para malaman ang gender ng iyong anak
Ang mga nabanggit na paraan ay sabi-sabi lamang at ikaw na ang bahala kung maniniwala ka o hindi. Pero para makasigurado mas mabuting sumailalim nalang sa mga gender test sa tulong ng siyensya. Tulad ng mga sumusunod:
Ultrasound
Ayon sa pag-aaral ang resulta ng ultrasound ay may 98.2% accuracy. Nagiging inaacurate lang ang resulta nito kapag nasa unusual position ang baby dahilan para mahirapang makita ng maayos ang ari na mayroon siya.
DNA Test
Ayon sa isang pag-aaral, ang pagkuha ng dugo ng isang buntis para sa fetal DNA ay makakapagtukoy rin ng kasarian ng ipinagbubuntis na sanggol. Kaya nitong malaman ng tiyak ang kasarian ng lalaking sanggol ng hanggang sa 95.4%. Habang 98.6% percent naman na accurate ang pagtukoy nito sa kasarian ng babaeng sanggol.
Amniocentesis
Ang amniocentenis ay ginagawa para malaman kung may genetic problems ang isang sanggol. Ito ay hindi ipinapayo ng doktor dahil mayroon itong risk sa health ni baby at ni mommy pero sa method na ito ay malalaman ng tiyak ang gender ni baby.
Chorionic villus sampling
Tulad ng amniocentesis, ang chorionic villus sampling ay ginagawa para sa serious medical reason. Ito ay para matukoy kung may risk ng pagkakaroon ng congenital problem ang baby na ipinagbubuntis. Pero sa method na ito ay matutukoy rin ng accurate ang gender ng sanggol na ipinagbubuntis.
Source:
LiveScience, Healthline
BASAHIN:
Pwede nga bang planuhin ang gender ng baby bago ito mabuo?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!