Kamakailan ay humiling ng panalangin ang aktor na si Rodjun Cruz para sa kaniyang anak na si Joaquin. Aniya dengue positive ang kaniyang anak at nasa ospital ito.
Anak ni Rodjun positive sa dengue
Sa isang Instagram post ni Rodjun Cruz, ibinahagi nito na nasa ospital sila dahil dengue positive ang kaniyang anak na si Joaquin.
Saad nito sa IG post, “Our very brave boy @babyjoaquinilustre! Love you anak! Asking for healing prayers for Baby Joaquin. Dengue+”
Makalipas lang ang isang araw muli rin namang nagpost sa Instagram si Rodjun Cruz upang magpasalamat sa lahat ng nagdasal para sa kaniyang anak.
“Thank you everyone for your prayers & Love for @babyjoaquinilustre! Thank you, Lord, for everything!”
Nakauwi rin naman agad mula sa ospital ang mag-anak ni Rodjun dahil agad ding gumaling ang kaniyang anak.
Sintomas ng dengue
Ang mild symptoms ng dengue ay karaniwang napagkakamalang sintomas ng iba pang sakit na nagdudulot ng lagnat, sakit ng katawan, o rashes.
Ilan sa mga karaniwang sintomas ng dengue ay ang mga sumusunod:
- Lagnat
- Rashes
- Pagsusuka
- Pananakit ng mata, muscle, joint at mga buto
Kadalasang tumatagal nang 2 hanggang pitong araw ang mga sintomas ng dengue. Kung apektado ng naturang sakit ang iyong anak, posibleng makarecover din ito makalipas ang isang linggo.
Importanteng patingnan agad ang iyong anak sa doktor kung makitaan ng ano mang sintomas ng dengue. Maaari kasing lumala o maging severe ang dengue kung ito’y mapabayaan.
Ang mga sintomas ng severe dengue ay ang mga sumusunod:
- Pakiramdam na labis na pagod
- Pagiging iritable
- Pagsusuka
- Pagdurugo ng ilong o gilagid
- Pagdumi ng dugo
- Pagsusuka ng dugo
Kung may warning signs ng severe dengue, huwag nang magpatumpik-tumpik pa at agad na magtungo sa inyong doktor o dalhin ang bata sa emergency room. Ang severe dengue ay isang medical emergency at nangangailangan ito ng agarang medical care.