Rude family members ba ang problema mo? Hindi ka naman dapat magpa-stress sa kanila dahil may mga paraan kung paano sila pakikitunguhan at pakikisamahan.
Inang pinagbabayad sa designer clothes na nasukahan ng anak
Isang ina ang humingi ng payo mula sa mga netizens tungkol sa kaniyang pinsan na pinababayaran ang designer blouse na suot nito at nasukahan ng kaniyang anak.
Ayon sa kwento ng ina, ay four weeks pagkatapos niyang maisilang ang anak na si Charlotte ay nagdesisyon silang i-celebrate ang pagdating nito sa kanilang buhay.
Kasama ang kanilang malalapit na kapamilya at kaibigan ay naging masaya naman sa una ang kanilang baby ceremony. Hanggang sa hindi inaasahang pangyayari ay nasukahan ng kaniyang baby ang designer clothes na suot ng pinsan niyang pinangalanang si Alice.
Ayon sa inang nagbahagi ng kaniyang kwento sa Reddit, ang kaniyang pinsan ay mahilig talaga sa mga designer clothes at iba pang mamahaling gamit. Dahil wala pa itong anak at may magandang trabaho.
Nang masukahan ay agad na ibinalik ni Alice sa ina ang kaniyang anak at nagpunta sa kaniyang kotse at nag-iiyak.
Humingi naman ng tawad ang ina sa nangyari at sinabing hindi naman nila ito ginusto at sinasadya.
Pinahiram din ang kaniyang pinsan ng damit pamalit na mas lalo umanong nagparamdam sa kaniya ng pagkakadismaya at pagkakapahiya.
Natapos ang baby ceremony na hindi na lumabas sa kaniyang kotse ang pinsan niyang si Alice.
At sa hindi inaasahan, ay nakatanggap ng tawag ang nasabing ina sa nanay ng kaniyang pinsan na si Alice. Pinababayaran umano ng kaniyang pinsan ang nasukahang damit ng kaniyang anak. At ang presyo ng nasabing blouse ay tumatagingting na £1800 o kulang-kulang P103,000.
Gulat sa gustong mangyari ng kaniyang pinsan ay sinabi ng ina na hindi niya ito babayaran. Dahil wala namang may kagustuhan ng nangyari at hindi ito sinasadya.
Tama ba ang kaniyang ginawa? Tulad ng nasabing ina ay mayroon ka rin bang difficult at rude family members na tulad ni Alice? Mula ngayon ay hindi ka na dapat pa-stress pa sa kanila at matuto silang pakitunguhan sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan.
Paano pakitunguhan ang mga rude family members
1. Huwag silang subukang baguhin.
Ang unang paraan para hindi ma-stress sa mga rude family members o kahit sa sinuman ay tanggapin sila sa kung ano sila. Huwag mo ng subukang itama o baguhin pa sila, dahil mas lalo lang itong magbubuo ng conflict sa pagitan ninyong dalawa. Mas mabuting i-set ang iyong expectations sa tuwing makakasama ang rude family member mo na ito para mapaghandaan mo kung paano ka sa kaniya makikitungo.
2. Umiwas nalang sa pagtatalo.
Ang pakikipagtalo sa isang kapamilya ay walang pupuntahan at magdudulot lang sayo ng emotional o kaya naman ay physical pain. Sa oras na nakakaramdam na ng mainit na pag-uusap sa pagitan ninyong dalawa ay mabuting umalis nalang at umiwas sa pakikipagtalo sa kaniya. Ito ay para maiwasan ang pagsasabi ng mga salitang mas makakapagpalala ng conflict sa pagitan ninyong dalawa. Sa oras naman na may gusto kang sabihin, ay maging direkta at straight to the point. Ngunit, dapat mong tandaan na bago magsalita ay isipin ng mabuti ang magiging epekto ng iyong sasabihin sa inyong pag-uusap.
3. Respetuhin at bigyan sila ng pagkakataon na sabihin kung ano ang gusto nilang sabihin.
Ang pakikinig ay magdudulot ng magandang epekto sa kahit anumang pagsasama. Sa oras na nagsasalita ang isang rude family member ay hayaan siyang sabihin ang gusto niyang sabihin. Ito ay para malaman mo at maintindihan mo ang punto niya. Para sa oras na makakasama mo ulit siya ay alam mo na ang hindi at dapat gawin na hindi magdudulot ng conflict sa pagitan ninyong dalawa.
4. Iwasang pag-usapan ang mga topics na pagsisimulan ng gulo sa pagitan ninyong dalawa.
Tulad nga ng naunang paraan ay malaki ang maitutulong ng pakikinig sa iyong kapamilyang mahirap pakisamahan. Ito ay para hindi narin mabuksan ang mga issues o usapin na alam mong magpapainit lang ng inyong mga ulo at magsisimula lang ng tensyon sa pagitan ninyo.
5. Manatiling relax at pasensyoso sa lahat ng oras.
Mahirap mang pigilan ang iyong sarili na maging relax lalo na kung ikaw ay inaatake o pinagsasabihan ng masasakit na salita ay dapat ingatan mong huwag uminit ang iyong ulo sa lahat ng oras. Dahil madalas ang mga taong ito ay gusto lang sirain ang mood mo na ikakasaya nila kung ipapakita mo. Kaya hangga’t maari ay maging relax sa oras na magkakaroon ng argumento sa pagitan ng mga mahirap mong pakisamahang kapamilya. At lagi mong isaisip na nasa kanila ang problema at hindi sayo.
6. Laging isipin ang iyong sarili bago sila.
Bagamat kailangan mong maging respectful at attentive sa iyong mga rude family members, lagi mong isaisip na ang dapat mauna ay kapakanan mo at hindi sa kanila. Kung maari ay huwag gagawa ng mga hakbang na maipaparamdam sa kanila na ikaw ay nagpapabaya lang sa gusto nilang mangyari at nagsusunud-sunuran lang sa kanilang mga gusto. Mas mabuting maglagay ng boundary at maging tahimik na naninindigan sa paniniwala mo kaysa ang isipin ang mga sinasabi at iniisip nila na magdudulot ng stress at pag-aalala sayo.
Kaya naman sa susunod na mag-aayos ng isang handaan o salu-salo kasama ang mga rude family members na ito, ay i-anticipate na ang puwedeng mangyari. At iwasan na ang mga pagkakataong magsisimula ng conflict sa pagitan ninyo.
Source: Yahoo News, Psychology Today
Photo: Freepik
Basahin: 6 na paraan para matanggal ang stress ng buong pamilya, ayon sa mga eksperto
Basahin: Lungad o suka? Alamin ang pagkakaiba.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!