Matapang na inilahad ni Ryan Agoncillo ang kanyang pinagdadaanang laban matapos siyang ma-diagnose na may alopecia.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ryan Agoncillo kinuwento ang pagkakaroon ng alopecia
- Ryan Agoncillo naka-relate sa naany na may anak na dumanas ng alopecia
- Ano ang alopecia
- Paano gamutin ang alopecia
Ryan Agoncillo kinuwento ang pagkakaroon ng alopecia
Ibinahagi ni Ryan Agoncillo sa noontime show na ‘Eat Bulaga’ ang kanyang pagharap sa medical condition na alopecia.
Sa ‘Eat Bulaga’ episode noong Sabado, naikuwento ni Ryan ang epekto ng pagkakaroon ng alopecia sa kanyang pamumuhay. 17 years old ang TV host nang matuklasan na mayroon siyang alopecia.
“Ako mismo ay diagnosed na may alopecia.”
Larawan mula sa Instagram account ni Ryan Agoncillo
Wika ni Ryan Agoncillo, kinailangan niyang turukan ng steroids kada linggo para mabawasan ang pagkalagas ng kanyang buhok dulot ng alopecia.
Ngunit paliwanag ni Ryan, hindi dumating sa puntong nakalbo siya dahil sa naturang sakit.
“Yung sa akin, recurring siya. Every few years. Hindi ako umabot na total ‘yong baldness.”
Isa sa kinailangang gawin ni Ryan Agoncillo para matakpan ang kanyang bald spot ay pahabain ang kanyang buhok. Hanggang ngayon ay mapapansin na mahaba ang buhok ng ‘Eat Bulaga’ host.
Aniya, noong umaatake ang sintomas ng alopecia ay kasing laki ng kanyang kamay ang bald spot niya.
“May mga pelikula dati na kaya mahaba ‘yong buhok ko. Tinatakpan ko ‘yong the bald spot.”
Larawan mula sa Instagram account ni Ryan Agoncillo
Ryan Agoncillo naka-relate sa nanay na may anak na dumanas ng alopecia
Naibahagi ni Ryan Agoncillo ang kanyang kondisyon matapos ang magkwento ang isang ‘Bawal Judgmental’ contestant tungkol sa anak nitong may alopecia.
Emosyonal si Jenette Pitallar habang kanyang inaalala ang pinagdaanan ng kanyang anak na edad 17 din nang malamang tinamaan ng naturang sakit.
Ayon kay Jenette, ang kanyang anak na si Nicole ay nakaranas ng total hair loss. Bukod sa tinuturok sa kanyang steroids ay umiinom din ito ng gamot para mabawasan ang epekto ng alopecia.
Ngunit malungkot na ibinahagi ni Jenette na nagkaroon ng side effect ang gamot na binigay kay Nicole. Dahil dito ay tinamaan ng acute cancer sa blood ang kanyang anak.
Hindi umano nakita sa laboratory test ang nakuhang sakit ni Nicole sa mga gamot, hanggang sa pumanaw ito.
Pagbabahagi ni Jenette, kinailangan niyang maging matapang para sa kanyang anak para hindi ito panghinaan ng loob.
“Nandoon pa rin po ‘yung awa. Hindi po nawawala. Kaya lang siyempre, ipakita mo rin sa anak mo na matapang ka.”
“Kaya sabi ko, laban lang. Kung anong kayang ibigay, ibibigay namin sa’yo. Basta nandito kaming pamilya mo.”
Nagbigay rin ng mensahe si Jenette sa iba pang magulang na may katulad niyang sitwasyon kung saan may alopecia ang kanilang anak.
Lahad ni Jenette, dapat ay tutukan at alagaang mabuti ang anak na may kapansanan. Ito’y para maiparamdam sa kanila ang pagmamahal habang nasa sila’y nabubuhay pa.
“Huwag po natin silang i-judge. Alagaan po natin sila, subaybayan. Bigyan natin sila ng time at oras habang nandiyan pa sila.”
“Hindi ako perfect na mother, pero alam ko ibinigay ko ‘yong kaya ko. Kaya kayo po, sana mahalin niyo po ang mga anak niyo lalo ‘yong may mga sakit.”
Ano ang alopecia
Ang alopecia ay isang autoimmune disorder na nagreresulta ng hair loss.
Iba-iba ang sintomas ng alopecia sa bawat taong tinatamaan nito. May ibang kaunting buhok lang ang nalalagas. Habang ang ilan naman ay maramihan ang pagkawala ng buhok.
Ang common na uri ng alopecia ay ang alopecia areata, ngunit may ilang rare type ng alopecia na pwedeng maranasan ng mga tao.
Isa rito ay ang alopecia areata totalis o ang pagkaubos ng buhok sa ulo. Nandiyan din ang alopecia areata universalis, na nagreresulta naman sa pagkalagas ng buhok sa buong katawan.
Ang diffuse alopecia areata naman ay ang paninipis ng buhok. Habang ang ophiasis alopecia areata ay isang unique na paglalagas ng buhok sa bandang gilid at likuran ng anit.Ilan sa mga posibleng sanhi ng alopecia ay ang genes at hormones. Ang tinuturong hormone na nagreresulta sa hair loss ay ang Dihydrotestosterone (DHT).
Ang stress din ay maaaring maging trigger ng alopecia. Tinatawag itong telogen effluvium, kung saan bukod sa stress ay pwede rin itong makuha sa mga iniinom na gamot. Dagdag din ang pagbubuntis, diet, at biglaang pagbabago sa lifestyle.
Iba pang posibleng sanhi ng pagkalagas ng buhok ay ang mababang iron o vitamin D, pati na rin ang pagkakaroon ng issue sa thyroid.
Larawan mula sa Instagram account ni Ryan Agoncillo
BASAHIN:
Ryan Agoncillo ikinuwento kung paano nakilala ang misis na si Judy Ann
Lubos na bang nag-aalala ang iyong asawa (at ikaw) sa pagnipis ng kaniyang buhok? Narito ang ilang paraan upang tulungan siya.
Judy Ann sa mister na si Ryan Agoncillo: “When Ryan came along I saw that this is the life that I’m missing. This is the life that I want.”
Paano gamutin ang alopecia
Wala pang permanenteng solusyon ang mga health expert para tuluyang magamot ang alopecia. Ngunit may mga treatment na ginagawa para muling tumubo ang buhok.
Kasama rito ang pag-inject ng corticosteroid, isang anti-inflammatory drug na ginagamit para sa mga autoimmune disease.
Pwede itong iturok sa anit at iba pang area kung saan nagkakaroon ng hair loss. Pwede rin itong inumin bilang pill, o hindi kaya’y ipahid bilang ointment.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!